Masamang Balita
Sitaoro.
Ang paniniwalang lahat ng bagay na nagtapos ay muling magsisimula pagdating ng tamang panahon. Ang paniniwalang walang katapusan hangga't may oras.
Iikot ang mundo. Maglalaho ang mga nanatili. Magbabalik ang mga naglaho. Muling iikot ang mundo.
"Naaral mo na ba kung paano palabasin ang kidlat?"
Napatingin si Elio sa dumating. Si Adam, may hawak na naman itong berdeng mansanas na may kagat na niya. Bumuntong-hininga siya at umiling. Hindi niya batid kung paano sisimulan ang page-ensayo sa pagpapalabas ng kidlat sapagkat kakaunti lamang ang libro sa akademiya na patungkol doon.
"Ikaw? Nagawa mo nang aralin ang pagmanipula sa bakal?" Tumatawang umiling lamang si Adam at kumagat sa mansanas niya. Umupo siya sa malaking tipak ng bato samantalang nanatiling nakatayo si Elio, nakatingin sa kaniya at naghihintay ng sagot.
"Nahihirapan akong hanapin ang kalikasan ng lupa sa mga bakal." Hindi nagsalita si Elio at dahan-dahang umupo sa tabi ng kaibigan. Nakatingin sa malayo si Adam habang kumakain ng mansanas. "Sa tingin mo, mabuting bagay ba na bumalik ang isa sa balanse?"
Tumingin lamang si Elio sa malayo. Pinapanood nila ang mga naglalarong mag-aaral. "Sa totoo lang, hindi ako nagagalak sa muling pagtaguyod ng Prolus." Mapait na ngumiti ang lalaki. "Batid ng lahat ang pinsalang idinulot ng kanilang kaharian, kasama ang kaharian ng Valthyria, sa Veridalia." Yumuko si Elio, inaalala ang kaniyang mga odtiel. "Ngunit wala pa namang ginagawang masama ang mga Prusian kaya wala pa namang dapat ikabahala."
Huminga nang malalim si Adam. "Kung nagawang makabalik ng mga Prusian, hindi malabong makabalik din ang mga nangangasiwa ng kadiliman." Nagsalubong ang mga mata ng magkaibigan. Parehas na naglalaro sa kanilang mga mata ang takot. "Natatakot ako para sa magaganap pa, Elio. Natatakot ako para sa mga mawawala pa."
Takot.
Mula pa noon, hindi na nawala-wala kay Adam ang emosyon na iyan. Mas madalas niya itong maramdaman kaysa sa kasiyahan at kalungkutan. Natatakot siya kaya nananatili siyang buhay. Hindi niya alam kung ito ba ang kaniyang kahinaan o ang kaniyang kalakasan.
"Magkasama nating winakasan ang ikatlong digmaan, Adam." Gumuhit ang ngiti sa labi ni Elio at tinapik ang balikat ng kaniyang kaibigan. "Kung may mangyari man, magkasama pa rin natin itong wawakasan."
"Hindi ka maglalaho?" Lumawak ang ngiti ni Elio.
"Kung hindi ka maglalaho. Hangga't may naghihintay sa akin, hinding-hindi ako maglalaho."
Sa kabilang banda, nanatiling nakaupo si Galea sa isang sanga ng punong kahoy. Nakasandal siya sa katawan ng puno, hinahayaang maglakbay ang kaniyang diwa.
Hindi siya makapaniwalang tama ang kaniyang hinala. Kaya pala kakaiba ang pakiramdam niya noong makaharap niya ang matanda sa Prolus. Parang kilala niya ang presensiya nito. Sapagkat nagmula pala ito sa angkan na minsan nang naging malapit sa mga Zephyrian.
Ang liwanag, dilim, at hangin ay isa sa mga pinakamalapit na angkan bago pa sumiklab ang unang digmaang pandaigdigan. Hindi alam ni Galea ang tunay na kuwento sapagkat sa katagalan ng panahon ay nabali na rin ang mga kaganapan sa kuwento ng tatlong angkan.
Ayon sa kuwento, ang pagta-traydor ng dalawang kaharian ang naging dahilan ng pag-usbong ng digmaan at naging dahilan upang tuluyang maubos ang lahi ng Prusian at Valthyrian.
Ngunit paano sila nakabalik?
Nagsalubong ang kilay ni Galea nang dumaan sa kaniyang isip ang katanungang iyon. Tiyak na nalipol ang mga Prusian kaya't paano nagawang muling maitaguyod ang kahariang ito?
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasíaVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...