Paghaharap
"Lumineya, may dala akong tsaa gawa sa atabal..."
Mula sa pagkakatulala ay bumaling ang mga mata ng Sylpari sa pumasok sa tolda kung saan siya kasalukuyang nananatili at nagpapahinga. Nang magtama ang mata nila ni Ginang Kora ay marahang huminga nang malalim si Lumineya.
Matapos makita ang reaksyon ng Sylpari ay kaagad na lumambot ang mukha ng punong babaylan. Nakita niyang bahagya itong umusod, binibigyan siya ng puwang upang makaupo siya sa tabi nito. Lumapit si Ginang Kora bago inilagay sa katabing lamesa ang tsaa. Umupo siya sa tabi ni Lumineya at pinagmasdan ito.
"Ngayon, nauunawaan mo na kung bakit noon pa man ay tutol na ako sa pagiging Sylpari mo." Malamyos na ngumiti ang ginang saka marahang hinagod ang kulay rosas nitong buhok. Nanatiling walang imik si Lumineya. "Kasi kakambal ng kapangyarihan na bigay nito ay isang sumpa."
Hindi katulad ng mga elementara, hindi natural para sa mga babaylan na sumailalim sa Sambuhay. Sa katunayan ay si Lumineya lamang ang tanging babaylan na sumubok at bumali sa prinsipyo ng Sambuhay. Ibig sabihin, siya ang kauna-unahan, at maaaring huling Sylpari ng Diwa.
Subalit kapalit ng pagiging Sylpari niya ay ang sumpa na kung saan sa sandaling gamitin niya nang sobra ang kaniyang kapangyarihan ay mawawala na ang kapangyarihan niya sa oras. Ibig sabihin ay hindi na siya maituturing na babaylan. Ito ang dahilan kung bakit lumabas na ang tunay na anyo niya.
"Matagal ko nang tinanggap ang ganitong kapalaran, Kora." Ngumiti lamang si Lumineya. Tumitig siya sa kawalan habang nakakurba ang mga labi. "Wala akong pagsisisi sa mga naging desisyon ko."
Naiwan ang tingin ni Ginang Kora kay Lumineya. Hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang tunay na dahilan nito sa pag-iwan sa pagiging babaylan upang maging Sylpari. Hindi maiwasang makaramdam ng pagkahabag ang ginang nang makita ang pagdaan ng lumbay sa mga mata ni Lumineya.
"Lumineya, huwag mo sanang masamain ang aking tanong." Lumingon pabalik ang Sylpari ng Diwa kay Ginang Kora nang muli itong magsalita. Napanood niya kung paanong bahagya itong mapalunok. "Ano ba talagang naganap sa Templo ng Sambuhay?"
Matagal na panahon na ang lumipas subalit nanatiling lihim ang mga tunay na naganap sa lugar na iyon. Sa kasalukuyan ay si Lumineya lamang ang may alam ng katotohanan sapagkat isa siya sa limang naunang nagtungo roon, at siya lamang ang nakabalik nang buhay.
"Nasaan si Magnus, Lumineya?"
Isa pang palaisipan ang pagkawala ni Magnus. Hindi katulad ng ibang nagtungo sa Hariyari, hindi nakabalik ang Pyralian. Naglaho na lamang ito na parang bula, walang katiyakan kung hanggang ngayon ba ay buhay pa ito.
Nang marinig ang katanungan ni Ginang Kora, kaagad na nabura ang lahat ng emosyon sa mukha ng Sylpari. Nanatili itong nakatingin sa babaylan subalit halatang malayo ang isipan nito. Mukhang nagbabalik-tanaw ito sa mga kaganapan dati at ang mariin nitong pagpikit ay tanda na hindi pa rin ito handa.
Mananatili pa rin sa nakaraan ang trahedya ng Sambuhay.
Hindi na nagsalita si Lumineya at umiwas na lamang ng tingin katulad ng nakagawian nitong gawin sa tuwing nauungkat ang usapan tungkol doon. Huminga na lamang nang malalim si Ginang Kora saka yumuko, tiningnan ang palad ng Sylpari na noon ay nakakuyom.
"Hahayaan na muna kitang magpahinga, Lumineya." Tumayo na ang punong babaylan saka tipid na ngumiti sa Sylpari. Muli niyang hinagod ang buhok nito saka muling nagsalita. "Magpalakas ka, hinihintay ka ni Elio."
Pinakinggan ni Lumineya ang mabibigat na hakbang ni Ginang Kora palabas sa tolda. Nang maramdaman niyang tuluyan nang wala sa paligid ang babaylan ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata at nang muli niyang imulat ang mga ito ay napatingin siya sa kaniyang ngayo'y nakabukas nang palad.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...