Kabanata 13: Unang Hakbang

25 3 0
                                    

Unang Hakbang

"Nasubukan mo na ba siyang hanapin sa Prolus?"

Hinawi si Elio ang mga baging na humaharang sa kaniyang daan, ganoon din ang ginagawa ni Galea. Kasalukuyan silang naghahanap sa mga gubat na kalapit ng Arkeo sapagkat dito huling nakita si Adam.

Bahagyang natigilan si Galea sa narinig kay Elio. Hindi dumaan sa kaniyang isip na hanapin ang lalaki sa dalawang kaharian na iyon. Tiyak naman kasi siyang hindi lalapit ang kaniyang kapatid sa lugar na iyon.

"Hindi ko sigurado kung pupunta ba siya roon." Napahinto si Galea. Sinaksak niya ang espadang hawak niya sa lupa at pinatong ang isang binti sa bato. Nilagay niya ang isa niyang braso sa tuhod niya habang nakatingin sa malayo. "Alam niya kung gaano kapanganib lumapit sa mga kahariang iyon."

Huminga nang malalim si Elio at inayos ang pagkakasukbit ng kaniyang pana. "Galea, kailangan nating subukan ang mga posibilidad. Kahit imposible, basta mahanap lang natin siya." Bumigat ang paghinga niya.

Hindi niya matanggap na ilang araw na inilihim sa kaniya ang pagkawala ng kaniyang kaibigan. Tiyak siyang hindi niya mapatatawad ang kaniyang sarili kapag may nangyaring masama kay Adam nang wala siyang nagagawa.

Nais niya mang magalit kay Dylan ay sinusubukan niya pa ring unawain ito. Ipinangako niya sa lalaki na pagkakatiwalaan niya ito kaya ito ang kaniyang ginagawa. Ngunit, hindi niya kayang umupo na lamang at hayaang lumipas ang mga araw na hindi nakikita ang kaibigan.

"Kung gayon ay magtungo tayo sa Prolus upang hanapin siya." Inalis ni Galea ang nakapatong na binti niya sa bato at hinugot ang espada sa lupa. "Isusunod natin ang Valthyria."

Ang gubat na napuntahan nila ay malapit lamang sa kaharian ng tagapangasiwa ng liwanag kaya ito ang una nilang pinuntahan. Hindi naman umangal si Elio dahil sa dalawang kaharian, Prolus pa lamang ang naririnig niyang gumagawa ng mga gulo sa Veridalia. May hinuha siyang may kinalaman din ito sa pagkawala ni Adam.

"Galea, may nais lang akong alamin..."

"Hmm?" Hindi alam ni Elio kung itutuloy niya pa ba ang kaniyang tanong dahil hindi siya sigurado kung magagalit ba si Galea ngunit matagal na niya itong gustong itanong.

Huminga nang malalim si Elio. "Huwag ka sanang magagalit ngunit, hindi ba't magkapatid kayo ni Adam?" Tumango lang si Galea bilang sagot. "Napansin ko lang na tila hindi ka niya kinikilala bilang kapatid."

Naalala niya ang unang beses na tanungin niya ang lalaki sa namamagitan sa kanila ni Galea. Hanggang ngayon ay malabo pa rin sa kaniya ang dahilan kung bakit ayaw nitong ipakilala si Galea bilang kapatid. Mukha namang walang kinikimkim na galit si Adam sa kaniya.

Natawa si Galea ngunit kasabay no'n ay ang tila pagkurot sa kaniyang puso. Matagal na niyang tinanggap na hindi siya ituturing na kapatid ni Adam ngunit, ang marinig ito sa iba ay tila isang malaking sampal sa kaniya. Huminga siya nang malalim upang mawala ang bigat ng kaniyang dibdib.

"Hindi madaling maging anak ng magiting na mandirigma, Elio..."

Nagsalubong ang kilay ni Elio dahil hindi niya alam na anak ng magiting na mandirigma sina Galea at Adam. Bagamat maraming katanungan na nabuo sa kaniyang isipan, hinayaan niyang magsalita ang babae.

"Parang nasa isa kaming tagisan lagi." Mapait na ngumiti si Galea. "Palaging kinukumpara ang lakas namin. Ngunit dahil ako ang nakakuha ng elemento ng aming ina, ako ang kinikilalang mas malakas sa aming dalawa."

Napayuko lamang si Elio nang dahil sa narinig. Hindi niya mahagalip ang mga salita kaya pinanatili niyang tikom ang kaniyang bibig.

"Kahit nang lumipat siya ng Verdantia, hindi nawala ang walang kuwentang kompetisyon." Suminghal si Galea.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon