Kabanata 18: Paglusob sa Valthyria

33 3 0
                                    

Paglusob sa Valthyria

"Magiging sapat ba ang isang linggong pagsasanay?"

Dumating na ang mga babaylan sa akademiya.

Kasalukuyang naglalakad si Elio, kasama si Dylan at Ginang Kora sa pasilyo ng isa sa mga gusali ng akademiya. Matapos ang pagtanggap sa mga babaylan kahapon, nagsimula na ang lahat sa pagsasanay.

Tinuturuan ng mga babaylan ang mga mag-aaral ng mga bagay na hindi pa naituro sa kanila sa akademiya. Mga bagay na makatutulong sa pagkontra sa kapangyarihan ng parehong liwanag at dilim.

"Hindi." Napangiwi si Elio sa direktang sagot ng babaylan. Hindi man lang ito pumili ng magagandang salita. "Ngunit, hanggang kailan ba tayo dapat magsanay? Hanggang kailan ba dapat ihanda ang lahat?"

Hindi nila hawak ang oras.

Malamang, katulad nila ay may niluluto na ring plano ang mga kalaban kung paano sila maiisahan. Kailangan nilang maunahan ang mga ito. At magagawa lamang nila iyon kung gagamitin nila nang maayos ang panahong ibinigay sa kanila.

Nagpaalam na si Elio na makikiisa sa pagsasanay kasama si Galea kaya hindi na rin tumutol si Dylan. Dahil hindi naman ganap na pinatalsik ang lalaki sa akademiya, may kakayahan siyang pumasok dito na parang parte pa rin siya ng paaralan. Ang mga kasamahan niya ay naiwan sa labas at piniling magbantay na lamang kahit na pinahintulutan silang pumasok din.

"Ginang Kora, nais kong matutunan ang koneksyon ng diwa at tubig. Nais kong malaman ang lahat ng bagay na dapat kong malaman na may kaugnayan sa paglilinis ng diwa gamit ang tubig."

Napabuntong-hininga si Kora nang marinig ang mga katagang binitawan ni Dylan. Bagamat ikagagalak niyang turuan ang bata ng panibagong kaalaman sa elementong pinangangalagaan nito, hindi niya maiwasang mabahala. Ang paglilinis ng diwa ang pinaka-delikado at sagradong kapangyarihan na hindi kayang gawin ng kahit anong elemento.

"Hindi basta-bastang tubig ang ginagamit sa prosesong iyon, Dylan. Kailangan mong madala ang nilalang na iyong lilinisin sa Cavanoh."

Tinutukoy ni Ginang Kora ang isang kuweba na nasa bundok, sa ilalim ng Templo ng Sambuhay. Nakahiwalay ang kontinenteng kinabibilangan ng lugar na iyon sa iba pang kontinente ng Veridalia. Malawak na karagatan ang kailangang lakbayin upang marating ang kontinente kung saan matatagpuan ang Cavanoh.

Walang ritwal na iwiwika sa proseso ng paglilinis ngunit kailangang pakawalan ng Aquarian ang kaniyang diwa at enerhiya sa kaniyang katawang lupa upang magamit na kasangkapan ang tubig ng Cavanoh.

Sa sandaling palayain ni Dylan ang kaniyang diwa, malalagay ito sa panganib ng pagkawasak. Kapag nawasak ang diwa ng isang nilalang habang nakahiwalay ito sa kaniyang katawan, mamamatay ang nagmamay-ari.

Napalunok si Dylan matapos marinig ang mga sinabi ni Ginang Kora. Napansin naman ni Ginang Kora ang ekspresyon ni Dylan kaya napahinga ito nang malalim.

"Desidido ka na ba talaga sa gagawin mo?"

Nang itanong iyon ng babaylan ay kaagad na nagdalawang-isip si Dylan. Hindi niya alam kung kaya niya bang iwan si Elio nang ganoon na lang. Iniisip niya pa lamang na hahanapin siya nito sa sandaling magbalik si Adam at hindi siya kasama ay parang pinipiga na ang kaniyang puso.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon