Nimbusia
"Galea!"
Sabay-sabay na napatingin sina Elio, Dylan, at Aziel sa iisang direksyon. Nakita nila na nakaluhod sa lupa si Galea, nakatalikod sa dalawang nilalang — isa si Adam doon. Nanlaki ang kanilang mga mata.
Mabilis na yumuko si Elio nang maramdaman ang pagdaan ng talim sa kaniyang taas. Nang makabawi, kaagad niyang sinipa patalikod ang may gawa no'n. Humarap siya at pinana ito habang tumatalsik. Muli niyang ibinalik ang atensiyon kay Galea bago tumakbo palapit doon.
Pinatumba rin muna nina Dylan at Aziel ang mga kalaban nila bago lumapit sa puwesto ni Galea. Nanginginig na bumangon si Galea mula sa pagkakaluhod, paika-ika pa nitong ibinalanse ang kaniyang sarili dahil sa sakit ng sugat sa kaniyang likod.
"Hindi ako si Helena." Ngumisi lamang si Lumen sa sinambit ni Galea. "Anong ginawa mo sa kapatid ko?"
Magsasalita pa lamang sana si Lumen ngunit kaagad silang napaigtad nang may sumabog malapit sa kanila. Mula sa usok, lumabas sina Dylan, Elio, at Aziel bitbit ang kani-kanilang mga sandata. Isa sa palaso ni Elio ang gumawa ng pagsabog.
Kaagad na hinarap ni Adam si Elio at Aziel. Si Dylan naman ay nagtungo sa tabi ni Galea upang harapin si Lumen. Sandali pang sinuri ni Dylan si Galea bago niya itutok ang hawak niyang espada kay Lumen na noon ay mariin lang ang pagkakatitig kay Galea.
"Sinira nila ang diwa ni Adam." Habang may apoy sa palad ni Elio, sinabi niya ang mga katagang iyon. Nakatutok ang apoy sa noon ay walang emosyong si Adam. Napalunok si Aziel at Elio. "Wala na ang liwanag sa diwa ni Adam. Hindi na ito mahanap ng apoy."
"Kaya ba niya tayo hindi nakikilala?" Mariing tumango si Elio sa tanong ni Aziel.
"Kailangan nating makuha si Adam. Baka matulungan tayo ng Sylpari ng Diwa." Pinaikot ni Aziel ang kaniyang espada nang marinig ang sinabi ni Elio. Determinado siyang mabawi ang kaniyang kaibigan.
Naunang sumugod si Adam. Ginamit ni Elio ang kaniyang pana bilang pangsalag sa mga atake ni Adam. Dahil wala siyang hawak na espada, tanging ang pana lamang ang magagawa niyang panghampas. Dalawa sila ni Aziel na sinusubukang labanan si Adam.
Tinamaan ng baston sa likod si Elio kaya naman napaangal siya sa sakit at napahakbang nang ilang beses. Pumaswit siya nang maramdaman ang sakit bago muling bumalik sa pakikipaglaban.
Sa panig naman ni Dylan at Galea, si Dylan ang naunang sumugod. Hinampas lamang ni Lumen ang espada ni Dylan dahilan upang tumalsik ito papunta sa kaniyang likod. Sumunod naman si Galea.
Nagagawang salagin ni Lumen ang atake ni Galea. Nang akmang sasaksakin niya na ang babae, nagawa ni Galea na hampasin palayo ang espada. Umikot siya at kasabay ng paghiwa niya ng braso ni Lumen ay ang pagpalahaw ng lalaki.
Mabilis na itinutok ni Galea at Dylan ang espadang hawak nila sa noon ay napahakbang patalikod na si Lumen. Hawak-hawak nito ang nasugatan niyang braso. Napatingin pa ito kay Adam na noon ay nakaluhod na rin sa lupa matapos sipain ni Elio ang likod ng tuhod nito.
"Ibalik mo ang kapatid ko." Tumawa lang si Lumen at tumayo nang tuwid.
"Bawiin mo siya, kung kaya mo." Nagngingitngit sa galit si Galea nang marinig ang matunog na pagngisi ni Lumen. "Hindi nga ikaw si Helena. Mas malakas siya kaysa sa iyo. Nakalulungkot isipin."
Sumigaw sa galit si Galea at susugod na sana nang biglang lumitaw si Kiarra sa kaniyang harapan. Sinalag ni Kiarra ang espada ni Galea at malakas siyang sinipa sa tiyan, dahilan ng pagtalsik nito.
Susugod sana si Dylan ngunit kaagad na binalot ng liwanag ang paligid. Maging sila Elio at Aziel ay nasilaw kaya bahagya silang napaatras at napatakip sa kanilang mga mata dahil sa tindi ng liwanag. Hindi magawang makatayo kaagad ni Galea dahil iniinda niya ang sakit ng likod at tiyan.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...