Pagkagapi
"Sigurado ka ba sa plano mo?"
Sa Valthyria.
Nanatiling nakaupo si Lumen sa kaniyang trono, tamad na nakapatong ang kaniyang pisngi sa kamao niyang nakapatong din sa patungan ng kamay ng trono. Nagsalubong ang kilay niya nang matunugan ang pagdududa sa tinig ni Kiarra.
"Pinagdududahan mo ba ako, Kiarra?" Napalunok ang babae nang matunugan ang pagkayamot sa tinig ni Lumen. Huminga lang ang babae at umiling. "Alam ko ang ginagawa ko. Batid mong hindi ako kumikilos nang hindi pinag-iisipan." Tiningnan ng lalaki si Kiarra mula paa hanggang ulo. "Hindi katulad mo."
"Paano ang batang dinakip mo?" Humalukipkip si Kiarra at hindi na lamang pinansin ang pasaring ni Lumen. Sanay na siya sa ganitong ugali nito. "Puwede natin siyang gamitin sa paglusob sa Nimbusia." Ngumisi si Kiarra ngunit mawala iyon nang makita ang pagkunot ng noo ni Lumen. "Ibig kong sabihin ay, hindi ba't mas maganda kung siya ang papaslang sa kalahi ng kaniyang ina?"
"Hindi maaari." Nagsalubong ang kilay ng babae.
"Bakit hindi, Lumen? Panahon na upang gamitin siya. Pakinabangan mo naman." Hindi niya maintindihan ang mga desisyon ni Lumen.
Tiyak na mas magkakagulo ang lahat kapag kabilang sa kanilang panig ang pumaslang sa mga mamamayan ng bansang kapanalig nila. Iyon naman ang dahilan ng kanilang pagbabalik. Magdulot ng gulo at pabagsakin ang balanse.
"Huwag mong sabihin na naaapektuhan ka kasi anak ni Helena ang gagamitin mo?" Sinalubong ng ngisi ni Kiarra ang talim ng titig ni Lumen. Natawa ang babae. "Mahal mo pa rin ba siya, Lumen?"
Hindi sumagot si Lumen kaya natatawang napasinghal si Kiarra. Pinaikot niya ang kaniyang espada sa kaniyang braso bago lumapit kay Lumen na noon ay tila nabato sa katanungang ibinigay sa kaniya.
"Mahal mo pa ba si Helena, Lumen?"
Umiwas ng tingin ang lalaki at napakuyom ng kamao. Ipinikit niya ang kaniyang mata, bakas ang pamumuo ng galit sa kaniya dahil sa marahas na pag-igting ng kaniyang panga. Huminga nang malalim si Lumen at sinalubong ang nang-uuyam na tingin ni Kiarra.
"Tinraydor niya tayo." Malamig ang tinig ni Lumen. Puno ito ng poot at pagkamuhi. "Hindi ka ba kinikilabutan sa tanong mo?"
Saksi si Kiarra kung paano bumagsak ang Valthyria matapos paslangin ni Helena ang hari at reyna nito. Saksi ang babae kung paano mabalot ng kadiliman si Lumen; kung paanong ang masiyahing binata ay napuno ng galit at walang ibang ninais kung hindi ang pabagsakin ang Nimbusia at si Helena.
Walang kapatawaran ang pagtataksil.
"Kaya nga magiging malaking tulong ang batang iyon sa pagwasak sa Nimbusia." Napakamot na lamang sa dilaw niyang buhok si Kiarra. "Tiyak na hindi siya masasaktan ng mga Zephyrian ngunit siya, kaya niya silang saktan. Mapadadali ang lahat."
"Walang gagalaw sa nilalang na iyon."
"Hindi mo siya anak, Lumen!"
"Hindi iyon ang dahilan kung bakit hindi ko ninanais na manatili siya sa Valthyria." Tumayo si Lumen, napapagod na sa kahangalan ni Kiarra. "Ang batang iyon ang hinahabol ng mga mag-aaral sa atin. Kung susugod tayo sa Nimbusia nang kasama siya, tiyak na susunod ang mag-aaral na magiging dahilan upang madali tayong magapi."
Maingat na pinagplanuhan ni Lumen ang kaniyang paghihiganti at pagpapabagsak sa Nimbusia. Hindi sila maaaring magapi sa kanilang pagsubok sapagkat lalo lamang lalakas ang mga nilalang na iyon kapag natalo sila. Hindi ito ang kapalaran na isinulat niya.
"Iiwan natin siya sa Valthyria upang mapunta rito ang atensiyon ng lahat. Sa pamamagitan noon ay mapababagsak natin ang Nimbusia nang walang kahirap-hirap."
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...