Hashne
"Saan ka patutungo, Elio?"
Napatigil sa paglalakad si Elio nang may magsalita mula sa kaniyang likod. Napabuntong-hininga siya nang makilala ang may-ari ng tinig na iyon. Dahan-dahan siyang humarap at inalis ang nakatabon sa kaniyang ulo.
"Bakit gising ka pa, Diego?" Humakbang palapit sa kaniya si Diego kaya bahagya siyang napatingala.
"Saan ka patutungo, Elio?" Nanatiling nakatitig ang dalawa sa isa't isa. Kinagat ni Elio ang pang-ibaba niyang labi, pinipigilan ang sarili na magsalita.
"Sa gubat lamang na katabi ng dormitoryo. Tutungo ako sa ilog." Umiwas ng tingin si Elio at muling isinaklob ang balabal sa kaniyang ulo. "Babalik kaagad ako."
"Sasama ako—"
"Huwag na!" Nagsalubong ang kilay ni Diego nang tumaas ang boses ni Elio. Natigilan naman si Elio sa kaniyang ginawa. Halata na ang taranta sa kaniyang mukha. "K-Kaya ko na ang sarili ko..."
"Hindi ka nagsasabi ng katotohanan, Elio." Naningkit ang mata ni Diego sa kaniyang kaibigan. Bumuga naman ng hangin si Elio sapagkat alam niyang hindi na niya magagawang maglihim sa kaibigan.
"Pabayaan mo na lamang ako, Diego. Kailangan kong mailigtas si Adam." Tumaas ang kilay ni Diego nang dahil sa narinig.
"Anong gagawin mo? Isusugal mo ang sarili mo sa Valthyria?" Umikot ang mata ni Elio sa narinig.
"Marunong akong mag-isip, Diego. Bakit ko gagawin ang bagay na iyan?"
"Kung gayon ay isama mo ako sa plano mo. Kung hindi ako kasama sa mga plano mo ay hindi ka maaaring umalis." Napamaang si Elio sa kaniyang narinig.
"Hindi ko kailangan ng tulong. Kaya ko na itong mag-isa." Pumasok si Diego sa loob ng kaniyang silid kaya naman nagsalubong ang kilay ni Elio. Bumuka ang kaniyang bibig nang paglabas nito ay nagsusuot na siya ng balabal. "Bakit ba ang kulit mo?"
"Aalis na ba tayo? Tara na." Napasinghal na lamang si Elio nang hawakan ni Diego ang kaniyang siko at nagpaunang maglakad. "Saan tayo pupunta?"
"Sa Avanza." Tumingin sa kaniya si Diego, hindi makapaniwala. Tumingin din sa kaniya si Elio. "Pupuntahan natin ang ika-limang Sylpari."
Napangiti naman si Diego. Ito ang unang beses na magkasama silang maglalakbay ni Elio sa labas ng akademiya at Ignisreach na sila lamang dalawa. Binitawan niya na ang siko ni Elio.
Katulad noong ginawa nila Elio sa misyon, nauna silang nagtungo sa timog ng akademiya upang manghiram ng kabayo. Muling bumungad sa kanila ang magsasaka na Terran na malugod naman silang pinahiram. Pinaalalahanan lamang sila na ibalik ang mga ito.
Hindi nga pala nito naibalik ang huling kabayong hiniram nila sapagkat tumakbo ang mga iyon.
"Babalik kami bukas ng hapon." Tumango lamang ang magsasaka at sinabihan silang mag-ingat sa paglalakbay. "Maraming salamat."
Dahil nasa hilaga ang Avanza, kinailangan nilang dumaan sa tarangkahan ng akademiya. Dahil hindi naman iniutos ng Sylpari ang kanilang hakbang, nahirapan silang pakiusapan ang mga bantay. Mabuti na lamang at pinayagan na rin sila makalipas ang ilang minuto.
Nakalabas na sila ng akademiya. Dahil may kabilisan ang pagtakbo ng kabayo, malayang nililipad ng hangin ang balabal na nakatabon sa ulo ng dalawa. Maging ang laylayan ng kanilang balabal ay nililipad din ng hangin.
Dahil nag-iisa ang buwan sa kalangitan ay hindi gaanong maliwanag ang paligid. Ngunit dahil sa dilim, nagawang masaksihan nina Elio at Diego ang pagkutitap ng mga alitaptap sa paligid. Napakaganda nitong pagmasdan, lalo na sa loob ng gubat. Bumagal ang kanilang pag-usad dahil sa panonood ng ilaw ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...