Simula ng Katapusan
"Kung tunay ang iyong sinabi ay ibig sabihin, malalagay muli sa kapahamakan ang akademiya."
Katahimikan.
Nanatiling nakatingin si Aziel kay Galea matapos banggitin ng lalaki ang mga katagang iyon. Hindi batid ni Galea kung bakit una niyang sinabi kay Aziel ang pagbabanta ni Kiarra ngunit sa ngayon ay sila pa lamang dalawa ang nakababatid noon.
Huminga nang malalim si Galea saka napayuko. Humigpit ang kapit niya sa gilid ng kahoy na lamesa dahil hindi niya man aminin, nilulukuban na siya ng matinding pangamba. Marahas ang bulong ng hangin, tanda ng hindi magandang pangyayari.
"Hindi puwedeng bumagsak muli ang akademiya, Aziel," nanghihinang saad ni Galea.
Ang akademiya ang sentro ng Veridalia. Sa sandaling bumagsak ito ay magkakagulo ang lahat ng bansa, na ilang beses nang nangyari sa loob lamang ng ilang taon.
"Galea..." Mariing napalunok si Aziel saka nanginginig na hinawakan ang kamay ng babae, umaasang sa pamamagitan niyon ay mapapawi ang masamang isipin nito. "Hindi natin hahayaang bumagsak ang akademiya."
Hinayaan lamang ni Galea si Aziel. Nakatulong naman ang ginawa nito sapagkat kahit papaano ay kumalma ang bulong ng hangin sa kaniya. Hindi na nakaririndi ang paligid.
"Alam na ba ito ng mga Sylpari?" Bumitaw na si Aziel nang umayos ng tayo si Galea subalit nanatili siyang nakatingin sa babae. "Kailangan nilang malaman ito."
"Ikaw pa lamang ang napagsasabihan ko." Tumikhim si Galea nang makaramdam ng kung ano. "Ngunit babalik na ako sa akademiya upang ipabatid pa ito sa iba pa."
Lumambot ang ekspresyon ni Aziel nang marinig ang sinabi ng babae. Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang pagngiti sapagkat hindi ito nararapat sa panahon ng panganib. Subalit hindi niya mapigilan lalo pa't ang ideya na siya ang unang nilapitan ni Galea ay nakatutuwa.
"Aziel, kailangan ko ang tulong mo."
Napatigil sa pag-iisip si Aziel nang muling magsalita si Galea. Seryoso niyang tiningnan ang babae na noon ay hindi man nakatingin sa kaniya ay batid niyang siya ang kinakausap. Napalunok nang mariin si Aziel.
"Hindi ko kaya mag-isa ang digmaang ito."
Determinadong tumango si Aziel. "Galea, ipinangangako kong hindi ka na lalaban nang mag-isa."
Sa kabilang banda ay tuluyan nang narating nila Dylan at iba pa ang akademiya. Ang mga mag-aaral ay tumungo na sa kani-kanilang mga dormitoryo upang mag-ayos ng sarili at matulungan ang mga babaylan na ngayon ay abala na sa pagsasa-ayos ng mga nasira mula sa pananakop.
"Pag-igihin niyo ang pagbabantay sa labas."
Tinanguan lamang ni Dylan ang mga kasamahan niya matapos mag-iwan ng habilin. Nang lumisan ang mga ito ay napahinga na lamang siya nang malalim saka nilipat ang tingin kay Elio na noon ay kasalukuyang nililibot ang paningin sa paligid.
Bakas pa rin ang kaguluhang naganap sa akademiya. Hindi maiwasang makaramdam ng bigat ni Elio habang nakatingin sa mga bahagi ng paaralan na tinupok ng apoy at nawasak. Aabutin ng ilang araw bago tuluyang maisaayos ang lahat.
Napatigil si Elio sa pag-iisip nang maramdaman ang presensiya ni Dylan sa kaniyang tabi. Dahil likas na mas matangkad ito sa kaniya, kinailangan niyang bahagyang tumingala upang salubungin ang mga titig nito. Maliit lamang na ngumiti si Elio saka muling inilibot ang tingin sa paligid.
"Hindi ka ba nangungulila sa akademiya, Dylan?"
Bumaba ang tingin ni Dylan sa kamay ni Elio saka iyon hinawakan. Napangiti siya nang higpitan ng huli ang pagkakakapit doon saka huminga muli nang malalim. Umangat ang tingin ni Dylan at inilibot ang mata sa paligid.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...