Kabanata 4: Hamog

49 5 0
                                    

Hamog

"Sila ang tinutukoy kong mga bihag."

Nanatiling nakabuka ang bibig ni Adam habang nakatingin kay Atticus — o kay Aziel.

"Sila rin ang dahilan kung bakit madami sa ating kasamahan ang walang malay at ang iba ay may galos." Napalakas ang pagtawa ni Elio nang dahil sa narinig.

"Hinarang—!"

"Manahimik ka nga, Pyralian! Hindi kita kinakausap." Napasimangot si Fria nang putulin ng Terran ang kaniyang sinasabi.

"Paano niyo sila nakuha?" Napabalik sa sarili si Adam nang marinig na magsalita si Aziel. Umiwas siya ng tingin at napalunok. Halatang naninibago ang lalaki sa dati niyang kaibigan.

Pinanood ni Elio ang reaksyon ng Terran nang dahil sa tanong no'ng tinutukoy nilang Atticus. Napalunok ito at umiwas ng tingin bago sumagot. "H-Hindi na 'yon mahalaga, Atticus. Kung nakapag-aral sila sa akademiya, ibig sabihin ay may mapapala tayo sa kanilang pamilya!"

Nagtiim naman ang bagang ni Aziel nang dahil sa naging sagot ng Terran sa kaniya. Nanatiling nakapako ang kaniyang mga mata kay Adam na noon ay nakaiwas ng tingin. Umiwas siya ng tingin at tiningnan ang iba pang mga bihag na noon ay tamad lang na nakatingin sa kanila. Ang isa ay natutulog pa rin.

"Bantayan ninyo nang maigi." Bumuga ng hangin si Aziel at tumalikod na. "Huwag ninyong hayaang makatakas."

Nang muling magsarado ang piitan, napatingin si Elio kay Adam na noon ay nanatiling nakayuko. Nagsalubong ang kaniyang kilay dahil dito ngunit hindi niya na nagawang bigyang pansin nang biglang umungot si Diego; nagising na siya.

"Ang sarap siguro ng tulog mo."

"N-Nasaan tayo?" Sinandal ni Fria ang kaniyang likod sa may haligi at ipinikit ang mga mata, hindi sinagot ang tanong ni Diego. "Ang sakit ng leeg ko..."

"Nasa kampo tayo ng mga bandido." Lumiwanag ang likuran ni Diego nang sunugin din nito ang kaniyang lubid. Si Elio na lamang ang sumagot sa kaniyang tanong. "Hindi ko alam kung ilang oras na tayong nandito."

"Tumakas na tayo, kung gan'on. Kahoy lang naman ang piitan." Tumayo na si Diego kahit na nahihilo pa. Nagpalabas siya ng apoy nang pigilan siya ni Fria. "Bakit?"

"Bukas na tayo tumakas." Kumunot ang noo ni Diego. Umupo naman nang maayos si Elio at pinatanong ang kaniyang baba sa kaniyang tuhod; pinalobo niya ang kaniyang pisngi.

"Bakit? Kailangan na nating makabalik sa akademiya."

"Inaantok na ako." Napanganga si Diego nang dahil sa naging sagot ni Fria. Nang tingnan niya sina Elio ay wala man lang itong reaksyon. "Bukas na lang."

Wala nang nagawa si Diego at bumalik na lamang sa pagkakaupo. Napasabunot ito sa kaniyang buhok at tinitigan ang pintuan ng piitan kung saan sila nakasadlak. Sa patuloy na paglalim ng gabi, nakatulog ang tatlong Pyralian ngunit nanatiling mulat ang mga mata ni Adam.

Tila naging isang bangungot para sa kaniya ang muli nilang pagkikita ng dati niyang kaibigan.

"Nasaan si Galea?"

Bumalik sa alaala ni Adam ang mga sandali bago sila nagkahiwalay ni Aziel. Malaki ang ngiti nito habang hinahanap ang babae samantalang nanatiling nakasimangot si Adam.

"Bakit ba siya ang hinahanap mo? Kayo ba ang magkaibigan?" Narinig niya ang pagtawa ni Aziel. Lumapit ito sa kaniya at inakbayan siya, sabay nilang tinahak ang daan patungo sa kanilang silid.

"Alam mo naman ang dahilan kung bakit..." Mas lalong napasimangot si Adam nang dahil sa sinagot ni Aziel. Siniko niya ang tagiliran nito. "Kung may bagay man na parehas kayo ni Galea, 'yon ay ang pagiging mapanakit niyo."

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon