Kabanata 19: Pagbawi

32 4 0
                                    

Pagbawi

"Malapit nang lumubog ang araw ngunit hindi pa rin dumadating ang mga Zephyrian."

Nag-aalala na ang lahat. Natatanaw na nila ang papalapit na hukbo ng Valthyria at Prolus. Nasa parang sila na nasa pagitan ng Bellamy at Valthyria. Ang araw ay unti-unti nang nawawala sa abot ng kanilang pananaw.

"Nagpadala na ako ng mensahe gamit ang hangin ngunit hindi nila ito sinasagot." Bagaman walang emosyong mababasa mukha ni Galea, mahahalata ang pag-aalala sa tinig nito. "Hindi rin ako nakatatanggap ng kahit anong mensahe mula sa Nimbusia."

Bumuntong-hininga si Dylan. "Kung gayon ay ang tatlong bansa na lamang muna ang haharap sa Valthyria at Prolus. Tiyak na maaabutan din naman ng mga Zephyrian ang labanan."

Tama nga si Lumen nang sinabi niyang susugod ang mga mag-aaral sa Valthyria. Tanaw na tanaw ni Adam, kasama ang hukbong iniwan sa kaniya, ang hukbo ng mga mag-aaral na naghihintay ng tamang oras para lumusob.

"Huwag niyong hahayaang bumagsak ang Valthyria sa kamay nila." Pinaikot ni Adam ang kaniyang baston sa kaniyang kamay. Gumuhit ang lupa sa hangin nang dahil sa kaniyang ginawa. "Paiiyakin natin ang akademiya sapagkat uubusin natin ang mga mag-aaral nila."

"Kaunting hukbo lamang ang meron sila." Kumunot ang noo ni Elio nang mapansing hindi ganoon kadami ang hukbong sumalubong sa kanila. "At hindi nila kasama ang kanilang mga pinuno."

"Huwag kayong palilinlang sa bilang ng kanilang hukbo. Tiyak na may hinandang patibong ang mga pinuno nila laban sa atin." Tinanaw ni Aziel si Adam na noon ay mataman lamang nakatingin sa kanila. "Tuso ang kanilang mga pinuno. Imposibleng hahayaan nila tayong magwagi."

Pinangunahan nina Galea, Elio, Dylan, at Aziel ang hukbo ng mga mag-aaral. Sa kabilang banda naman, nangunguna si Adam sa hukbo. Ang parehong panig ay unti-unti nang binabalot ng kadiliman ng langit. Ang tanging liwanag na lamang sa kanilang paligid ay ang mga paapuyan na malapit sa kaniya-kaniyang hukbo.

"Humanda kayo."

Pinaikot ni Galea ang kaniyang espada sa hangin. Ganoon din ang ginawa ng iba pang mga kapanalig nila. Sabay-sabay na umayos ng pagkakatayo ang mga ito, naghahanda na sa paglusob.

"Paslangin silang lahat."

Kaagad na lumutang ang mga tipak ng lupa sa paligid ni Adam upang ipagtanggol siya. Ngumisi ang lalaki bago muling pinaikot ang kaniyang mga baston sa hangin. Bahagyang umihip ang hangin, tila batid nito ang madugong kalalabasan ng labanan.

"Sugod!"

"Atake!"

Sa ilalim ng dalawang bilog na puting buwan, muling umalingawngaw ang malakas na sigawan ng dalawang panig, kasunod ng sunod-sunod na pagsabog at pagtama ng mga bakal sa isa't isa.

Kaagad na sinundot ng mga baston ni Adam ang dalawang Terran na nakalapit sa kaniya. Mabilis siyang umikot at hinampas sa ulo ang mga ito na kaagad namang natumba. Tumalim ang tingin niya sa iba pang mag-aaral na nakikipalaban.

Nang muling may makalapit sa kaniya, kaagad niya itong sinipa sa tiyan. Gamit ang isang baston, sinalag niya ang espada ng isang Pyralian bago ginamit ang isa pa upang sundutin ang tiyan nito. Pinagdikit niya ang dalawa niyang baston at sabay itong hinampas sa ulo ng kalaban.

Patuloy na nakipaglaban si Galea sa mga kawal ng Prolus. Yumuko siya nang padaanin ng isang kawal ang espada nito sa kaniyang ulo bago sinipa patalikod ang tiyan ng gumawa. Binato niya ng matatalim na hangin ang sinipa niya saka niya sinalag ang espada ng isa pang kawal. Tinulak niya ang sandata nito saka hiniwa ang tiyan.

Hindi kalayuan kay Galea ay si Elio na sunod-sunod na nagpapakawala ng apoy sa kaniyang palad; sa kabilang kamay nito ay ang panang ibinigay sa kaniya ni Dylan. Umikot si Elio at sinipa ang likod ng isang Valthyrian bago nagpakawala ng apoy na kaagad namang tumama sa likod ng kalaban. Bumunot siya ng palaso at pinana ang isang Prusian na papalapit sa kaniyang puwesto.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon