Arkeo
"Kailangan kong magtungo sa Arkeo."
Binasag ni Elio ang katahimikang namayapa sa kanilang tatlo. Napabaling si Adam sa kaniyang kaibigan at bahagyang napalunok nang makita ang determinasyon sa mukha ni Elio.
"Hindi kayo maaaring umalis." Sumama ang tingin ni Elio sa Terran. "Mananagot ako sa pinuno."
Suminghal si Elio at sarkastikong natawa. "Kung inaalala mo na tatakas kami, huwag kang mag-alala dahil babalik ako." Hindi kumilos ang Terran kaya nagsalubong ang kilay ni Elio. Tiningnan niya ang kaniyang palad at lumabas doon ang apoy. "May apoy pala ako."
Napasinghal ang Terran dahil alam niyang wala siyang laban sa Pyralian. "Kapag may nangyari masama sa iyo, wala akong pananagutan."
Hindi pinansin ni Elio ang sinabi ng lalaki at bumaling lamang sa kaibigan na noon ay nakatingin lamang sa kaniya. "Bumalik ka sa akademiya, Adam. Subukan mong humingi ng tulong."
"Dapat ba tayong maki-alam pa, Elio?" Nagsalubong ang kilay ni Elio, hindi nagustuhan ang sinabi ng kaibigan. Bumuntong-hininga naman si Adam. "Ibig kong sabihin, suliranin ito ng mga babaylan at Prusian. Hindi ba't palalalain lamang natin kung isasangkot natin ang mga sarili natin?"
Hindi sumagot si Elio at nanatiling nakatitig sa kaniyang kaibigan. Hindi malaman ni Adam kung ano ang tumatakbo sa isipan ng kaniyang kaibigan ngunit pinagsisihan niya ang kaniyang mga sinabi. Huminga nang malalim si Elio at yumuko.
"Kung gayon ay tumungo ka na lamang sa akademiya. Tutuloy ako at tutulungan ang mga bandido na sagupain ang mga Prusian." Nagsimulang maglakad si Elio ngunit napahinto rin kaagad. "Huwag mong ipaaalam kay Diego ang aking plano."
"Paano kung mapatalsik ka sa akademiya?"
Huminga nang malalim si Elio. "Hahayaan mo bang mangyari iyon, Adam?" Lumingon si Elio sa kaniyang kaibigan at maliit na ngumiti.
Napatigil si Adam at napatitig sa kaniyang kaibigan. Naglarong muli sa kaniyang isipan ang nakaraan ngunit ipinilig niya na lamang ang kaniyang ulo. "Gagawin ko ang makakaya ko, Elio. Mag-iingat ka."
Kaagad na naglaho si Adam sa paningin ni Elio kaya naman huminga muli siya nang malalim. Inayos niya ang kaniyang panang nakasukbit sa kaniya at napatigil nang mapatingin sa kaniyang braso. Nagsalubong ang kaniyang kilay nang makitang wala ang galos doon na dinulot ng palasong dumaplis sa kaniya. Hindi niya na lamang ito pinansin.
"Wala na rin naman akong gagawin dito kaya sasama na ako patungo sa Arkeo." Tumabi sa kaniya ang nilalang na may berdeng buhok. Nakasukbit sa tagiliran nito ang kaniyang espada.
Tumingin si Elio sa kaniya kaya napabaling din ang Terran sa kaniya. Nagsalubong ang kanilang mga mata kaya tumaas ang kilay ng Terran. "Anong pangalan mo?"
Tumawa nang malakas ang Terran ngunit nanatiling blangko ang mukha ni Elio. "Bukod sa kaniya, ikaw lang ang nagka-interes sa pangalan ko."
"Interesado lamang ako sa iyong pangalan sapagkat ako ang uukit nito sa kahoy sa sandaling mamatay ka." Napahawak sa dibdib ang Terran, umaaktong nasaktan sa sinabi ni Elio. "Ngunit kung ayaw mo, susunugin ko na lamang ang iyong katawan hanggang sa maging abo ito."
"Tinatawag akong Kalen." Tumango lamang si Elio at nagsimula na silang maglakad. "Ikaw malamang si Elio. Ang lalaking pumaslang sa dalawang pinuno ng Verdantia." Ngumisi lang si Elio sa narinig.
"Kaya mo bang gamitin ang lupa upang mabilis tayong makapunta roon?" Umismid ang Terran.
"Hindi ako nakapag-aral sa akademiya. Wala kang aasahan sa akin." Napabuntong-hininga si Elio. Hindi siya sigurado kung may maaabutan pa sila sa Arkeo sa sandaling makarating sila. "Ngunit may mabilis na daan upang mabilis tayong makarating sa pamayanan ng mga babaylan."
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...