Bihag
Tatlong araw na ang nagdaan ngunit nananatiling mailap sa hangin ang hininga ni Adam.
Matalim na napabuga ng hangin si Galea at iminulat ang kaniyang mga mata. Kasalukuyan siyang nakaupo sa lupa habang magkakrus ang kaniyang binti. Katulad ng mga nagdaang araw ay ginagamit niya ang nalalaman ng hangin upang hanapin ang nawawala niyang kapatid ngunit sa bawat araw na lumilipas ay kabiguan lamang ang natatanggap niya.
Hindi siya nawalan ng pag-asa. Baka isang araw ay may ulat na ang hangin.
"Nabanggit sa akin ng mga mag-aaral mo na ilang araw ka nang hindi pumapasok sa klase." Napabuntong-hininga si Galea nang nangibabaw ang tinig ng isang pamilyar na nilalang.
Paano niya ba ako nahanap?
Muling ipinikit ni Galea ang kaniyang mga mata nang maramdamang umupo sa kaniyang tabi ang nilalang na kadarating lamang at ginaya ang kaniyang puwesto. Batid niya na ang mga salitang bibitawan nito.
"Hindi tumitigil ang mundo para sa isang nilalang lamang, Galea."
Nang magmulat muli ng mata si Galea, naramdaman niya ang pag-apoy ng kaniyang puso dahil sa galit mula sa narinig. Hindi niya nilingon ang babaeng katabi ngunit naging sapat ang malakas na pag-ihip ng hangin upang ipabatid sa nilalang na katabi niya na hindi niya kailangan ang mga salitang lumabas at lalabas pa lamang sa bibig nito.
"Huwag mo akong simulan, Avis." Ngumisi ang patnubay ng kasaysayan.
"Hindi mo maaaring abandonahin ang mga mag-aaral na umaasa sa kaalamang makukuha nila mula sa iyo para lamang sayangin mo ang iyong oras sa paghahanap sa nilalang na hindi tayo sigurado kung—"
"Ituloy mo ang sasabihin mo at sisiguraduhin kong ipagkakait ko sa iyo ang hangin." Lumabas mula sa palad ni Galea ang bola ng hangin. Napatingin doon si Avis at napabuntong-hininga.
"Galea..." Tumingin sa malayo si Avis. "Naging mag-aaral ko si Adam. Nakilala ko ang batang iyon." Inipit niya ang buhok niyang nililipad ng malakas na hangin sa kaniyang tainga. "Kung may kakayahan siyang bumalik, babalik siya."
Hindi nakatulong ang mga salita ni Avis. Pinalalala lamang nito ang mga masamang ideya ni Galea. Parang ipinararating nito na dahil hindi bumalik si Adam, ibig sabihin nito ay wala na itong kakayahang bumalik.
"Hindi pa patay si Adam, Avis..."
May kung anong tumusok sa dibdib ni Galea nang banggitin ang mga katagang iyon. Parang siya na lamang ang naniniwala at sumusubok na hanapin ang binatang nawawala. Nanubig ang kaniyang mga mata ngunit kaagad siyang lumunok at pinigilan ang mga iyon na dumaloy.
"Hindi siya maaaring mamatay..."
* * *
"Tuluyan na akong gumaling!"
Tumalon-talon pa sa kama si Elio upang ipakita kay Dylan na maayos na ang kaniyang kalagayan. Nanatili naman ang malamig na ekspresyon ng lalaki, kumamot pa ito sa likod ng kaniyang ulo nang paupong binagsak ni Elio ang kaniyang sarili.
"Kailangan ako sa akademiya, Dylan." Malalim ang hiningang pinakawalan ni Elio. Ipinatong niya sa kaniyang hita ang mga palad niya. "Hindi ko alam ang nangyayari sa akademiya ngunit kataka-takang hindi man lang ako binisita ni Adam dito."
Naramdaman ni Elio ang pagkurot sa kaniyang puso nang banggitin ang pangalan ng kaibigan. Simula nang magkamalay siya'y ni-isang beses ay hindi siya binisita ni Adam, o ni Galea. Tanging si Diego lamang at Dylan ang pumapasok sa kaniyang silid. Liban na lamang kay Ginang Kora.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasíaVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...