Banta
"Maaari bang sa iyo ako sumabay pabalik sa akademiya?"
Nasaksihan ni Elio kung paanong matigilan si Dylan sa kaniyang ginagawa matapos marinig ang kaniyang tanong. Dahil nakatalikod sa kaniya, hindi niya alam kung anong ekspresyon ang nakaukit sa kaniyang mukha.
Kasalukuyang naghahanda ang lahat para sa paglalakbay pabalik sa akademiya, ayon na rin sa utos ni Galea. Ngayong malaya na ang mga Sylpari at ang akademiya, mas makabubuting bumalik na ang mga mag-aaral doon upang tumulong sa muling pagsasa-ayos nito.
Napalunok si Elio nang humarap sa kaniya si Dylan. Bagaman bahagyang nagulat, nagawa pa rin nitong ngitian siya. Pinanood niya lamang kung paano lumapit si Dylan sa kaniya.
"May problema ba?" Nakangiting pinatong ni Dylan ang kaniyang palad sa buhok ni Elio na noon ay nanatiling nakatingin sa kaniya. "Kagigising mo pa lamang. Mas makabubuti kung sumabay ka na lamang kina Galea upang mabilis kang makarating sa akademiya."
Huminga nang malalim si Elio saka umiwas ng tingin. "Mas gusto ko lamang na kasama ka."
Malakas na tumawa si Dylan saka ginulo ang buhok ng kaharap dahilan upang sumama ang tingin sa kaniya ng huli. "Paano kita tatanggihan kung ganiyan ka magsalita?"
"Kung gayon ay hahayaan mo ako?" Kuminang ang mga mat ani Elio sa tuwa.
Tumango lamang si Dylan, nananatili ang ngiti sa mukha. "Kung maipapangako mong hindi ka maglilihim sa akin sa sandaling makaramdam ka ng pagod."
Iniwas ni Elio ang kaniyang paningin sa seryosong mga mat ani Dylan. Dahil doon ay narinig niya ang malalim na paghinga ng lalaki bago niya naramdaman ang paghawak nito sa kaniyang mga kamay.
"Elio, hindi mo maia-aalis sa akin ang pag-aalala." May lambot sa tinig ni Dylan nang sambitin niya iyon. "Hindi ko ililihim ang kagustuhan kong makasama ka rin ngunit mas mahalaga sa akin ang kalagayan mo."
"Kaya ko," sinserong sabi ni Elio.
Ilang sandaling natahimik si Dylan, tinitimbang ang sitwasyon. Kalaunan ay marahan lamang siyang tumango at mahinang ngumiti. "Ako na ang magsasabi kay Galea."
Bagamat nag-aalangan pa rin, dam ani Dylan ang kagustuhan ni Elio na makasama siya kaya hindi niya ito tinutulan pa. Sa ganitong oras, batid niya dapat inaasa sa iba ang kaligtasan ni Elio; dapat siya mismo ang magbigay nito.
Binilinan niya si Elio na mag-ayos na ng kaniyang mga dadalhin pabalik sa akademiya. Lumabas siya sandali upang hanapin si Galea upang ipabatid ang pagsama sa kaniya ni Elio upang hindi na rin ito maghintay.
Sa paghahanap niya kay Galea ay natagpuan niya si Aziel na noon ay mukhang hinahanap din siya. Nang matanaw ni Aziel ang hinahanap ay dali-dali siyang lumapit doon. Napatigil si Dylan at hinintay na makalapit ang kasama.
"Nakausap ko na ang mga kasamahan natin. Babalik na rin sila sa kuta." Kumunot ang noo ni Dylan dahil sa narinig.
"Ikaw?" Nilagay ni Dylan ang mga kamay niya sa bulsa ng kaniyang suot. "Hindi ka ba babalik sa kuta?"
Napangiti lamang si Aziel. "Iyon ang dahilan kung bakit nais kitang makita," panimula niya. "Nagpaalam na ako sa mga kasamahan natin."
"Anong ibig mong sabihin?" Nanatili ang pagkakakunot ng noo ni Dylan.
Huminga nang malalim si Aziel saka nilibot ang mata sa paligid. "Ngayong bumabangon na ang Verdantia, nais kong manatili rito. Batid kong hindi na ako kailangan ng mga kasamahan natin sapagkat nasa maayos na kalagayan naman na sila." Tumingin si Aziel sa kaniya. "Maayos na sila sa ilalim ng pamamahala mo, at sapat na iyon sa akin."
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...