Kabanata 34: Prolus

11 1 0
                                    

Prolus

"Pinuno, may mga sumusugod mula sa likod."

Napatingin si Dylan sa bagong dating. Kasama nito si Diego na noon ay sumaglit ng tingin sa kabilang panig bago tumingin sa kaniya. Tinanguan lamang siya ng Pyralian bilang pagpapa-totoo sa tinuran ni Kalen.

Napahinga nang malalim si Dylan, nauubusan na ng pasensiya sa mga kalaban nila. Makahulugan niyang tiningnan si Aziel na noon ay nakatingin lang din sa kaniya. Sabay silang tumango sa isa't isa.

"Isasama ko ang iba sa ating pangkat, Galea. Kailangang may humarap sa mga vivar na naroon," pagpapaalam ni Aziel. Tumingin siya sa ibang mag-aaral at muling nagsalita. "Manatili ang ilan sa inyo rito. Ang iba ay sumunod sa amin."

Kasama si Dylan, Kalen, at Diego, iniwan nila Aziel ang bungad ng Verdantia upang ipagtanggol ang likurang bahagi nito. Naiwan si Galea, Adam, Fria, at ang iba pang may pinakamataas na ranggo ng akademiya upang pamunuan ang magiging labanan.

Sa kabilang banda, natawa si Lumen nang makita ang pag-alis ng iilan sa mga mag-aaral. Tiningnan niya si Kiarra na noon ay napatingin din sa kaniya. Tumaas ang kilay ng babae nang tanguan siya nito subalit kalaunan ay umikot lamang ang mata niya at pinaglaho ang sarili.

"Itigil na natin ang paghahabol sa mga taga-akademiya." Pinaikot ni Lumen ang kaniyang espada sa hangin saka sumeryoso ng mukha. "Tapusin na natin ang kanilang paghihirap. Ubusin sila."

Nataranta ang panig nina Adam at Galea nang makita kung paanong maghanda ang mga kalaban. Nanatili namang nakatingin nang diretso ang babae, handa na sa muling labanan.

"Ingatan niyo ang inyong mga sarili at ipangakong hindi ito ang magiging huling laban natin." Pinaikot ni Galea ang kaniyang patalim. Inihakbang niya nang isang beses patalikod ang isang binti.

Si Adam naman ay pinosisyon ang isang baston sa harap ng mukha niya habang ang isa naman ay bahagyang naka-anggulo pababa. Dumikit ang kaniyang paningin sa nilalang na namumuno sa kabilang panig saka ngumisi.

Handa na ang lahat.

"Sugod!"

Hinampas ni Dylan palayo ang sandatang inihamba sa kaniya ng unang sumugod kaya tumalsik ito patungo sa kaniyang likurang bahagi. Bahagya siyang gumilid at hinawakan ang braso ng sumunod na umatake bago niya ito ginilitan pagilid.

Habang hawak pa rin ang braso ng napaslang na kawal ay yumuko siya upang iwasan ang espada ng isa pa bago niya ito sinipa palayo. Nang bitawan niya na ang bangkay, umikot siya siya mabilisang pinatagos ang sandata sa tiyan ng isa pang Prusian.

Nang hugutin niya ito ay nagpatuloy siya sa pakikipaglaban sa iba pang kawal na sumusugod. Samantala, nagpaangat naman ng malaking tipak ng bato si Aziel saka tumalon. Nang sumipa siya sa hangin ay kaagad na lumipad ang bato patungo sa kumpol ng kalaban na pasugod. Lumikha ito ng mabigat na tunog ng pagsabog.

Matapos lumapag sa lupa ay winasiwas niya ang kaniyang kanang kamay upang paangatin ang lupa na nagsilbing kalasag niya laban sa enerhiya ng liwanag na pinakawalan ng dalawang Prusian. Ang kaliwang kamay niya ay sinalag ang espada ng umatake sa kaniya bago niya muling ginalaw ang kabilang kamay upang isampal sa kalabang nasa harap ang lupang ginawa niyang pananggalang.

Yumuko siya nang paglandasin ng Valthyrian ang espada sa kaniyang ulo. Nang tagumpay na makaiwas, paikot siyang sumipa kasabay ng pag-angat ng mga tipak ng bato na sunod-sunod namang tumamang muli sa kalaban. 

"Dara?"

Sandaling napatigil si Fria sa pakikipaglaban si Fria matapos makakita ng pamilyar na mukha. Naging daan iyon upang makatanggap siya ng sipa sa likod mula sa isang kalaban. Bahagya siyang napaigik subalit kaagad na nakabawi.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon