Kabanata 38: Kadita

9 0 0
                                    

Kadita

"Ina, pinatatawag niyo raw ako..."

Mula sa kaniyang ina, lumipat ang tingin ni Kadita sa kaniyang mas nakababatang kapatid na noon ay kasama rin ng hari at reyna. Umikot lamang ang kaniyang mata saka umupo sa upuang katapat ng kaniyang kapatid.

Hindi inililihim ni Kadita ang pagkamuhi niya sa kaniyang kapatid sapagkat noon pa man ay kaagaw niya na ito sa trono. Walang araw na hindi niya ito sinubukang daigin sa lahat ng bagay sa pag-aakalang sa pamamagitan noon ay mapagtatanto ng kanilang mga magulang na mas karapat-dapat siya.

"Sa susunod na linggo ay malalaman na ng buong Prolus ang magiging sunod na reyna at hari ng kaharian."

Nanlaki ang mata ni Kadita sa sinambit ng amang-hari. Sinalamin niya ang reaksyon ng kaniyang kapatid na noon ay halatang hindi rin inaasahan ang aking ibinalita ng kanilang ama. Nagpabalik-balik ang tingin ni Kadita sa kaniyang mga magulang at nang mapagtantong walang halong pagbibiro ang mukha ng mga ito ay hindi niya mapigilang matuwa.

"H-Hindi kaya't masyadong mabilis?" Lihim na napalingon si Lumina, ang nakababatang kapatid ni Kadita, sa kaniyang kapatid nang iwika niya iyon. May hinuha na siya sa mga sunod na magaganap at nais niya iyong pigilan. "Ang akala ko ay sa mga susunod na taon pa."

"May naganap ba, ama? Ina?" Maging si Kadita ay nababahala rin sa hindi inaasahang balita.

Payak lamang na ngumiti ang kanilang ina. "Mahaba-habang panahon na rin ang aming panunungkulan sa kaharian. Nais din naming mamuhay nang malayo sa korona."

Nang magsalubong ang mga mata nina Lumina at ng kaniyang ina, nakiki-usap na umiling ang babae. Tiningnan lamang siya ng kaniyang ina na tila sinasabing wala siyang magagawa sa desisyon ng hari.

"Isa pa..." Uminom ng alak ang hari bago sinundan ang sinabi ng reyna. "Batid namin na mas ikagagalak ng kaharian na pamunuan ng bagong reyna't hari. Kailangan ito ng Prolus."

Tumikhim si Lumina upang iwaksi ang pagkabahala sa kaniyang dibdib. "K-Kung gayon ay sa tingin ko'y magiging mabuting reyna si Kadita."

Napatingin si Kadita sa kaniyang nakababatang kapatid na noon ay hindi nakatingin sa kaniya. Hindi siya makapaniwalang maririnig niya ang kaniyang kapatid na banggitin iyon lalo pa't akala niya'y katunggali rin ang turing sa kaniya nito. Hindi niya maikubli ang sayang nararamdaman.

Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib sa katotohanang hindi niya kaagaw sa trono si Lumina.

Tunay na hindi niya kaagaw ang kaniyang kapatid sapagkat ang totoong kalaban niya ay ang pasya ng kanilang mga magulang.

"Hindi si Kadita ang nais naming humalili."

Ang mga mata ni Kadita na nakatingin sa kaniyang kapatid ay mabilis na lumipat sa ama niya na mismong nagsabi ng mga katagang iyon. Kung kanina'y nababalot ng galak ang kaniyang mukha, ngayon ay nilukuban na ito ng pagkalito. Nagpalipat-lipat ang kaniyang tingin sa mga magulang niyang hindi makatingin sa kaniya.

"Ikaw, Lumina, ang nakikita naming karapat-dapat na maging susunod na reyna."

"Ama..." pabulong at madiing tawag ni Lumina. "Husto na."

Nanatili naman ang kagulumihanan sa mga mata ni Kadita na ngayon ay kinikintaban na ng nagbabadyang luha. Nanginginig ang kaniyang labi at mga kamay na mahigpit ang hawak sa kubyertos. "H-Hindi ko maunawaan..."

Napalunok si Lumina saka nanginginig na hinawakan ang kamay ng kapatid. "Kadita..."

"Mas marami akong napatunayan sa kaniya..." Napatingin si Kadita sa kaniyang ina, pumatak ang luha sa isa niyang mata. Lumipat naman ang kaniyang tingin sa kaniyang ama saka tuluyang bumuhos ang kaniyang luha. "Mas naging karapat-dapat ako sa kaniya kaya bakit hindi ako?"

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon