Pagbabalik
Prolus.
Binabaybay ni Galea ang ang madamong bahagi ng abandonadong kaharian. Mabagal ang paglakad ng kaniyang kabayo ngunit hindi niya ito pinansin. Ngayon ang araw na babalik na siya sa akademiya upang magturo.
Isang taon na rin siyang nagtuturo sa akademiya. Hindi siya maaaring umalis sa lugar na iyon sapagkat nandoon pa si Adam — ang kaniyang kapatid, kaya hindi niya magawang iwan ang lugar. Ipinangako niya sa kanilang ina na gagabayan niya ito.
Si Adam at Galea ay parehong anak ni Helena — isa sa mga pinakamahuhusay na Zephyrian at pinakamagiting na mandirigma ng Veridalia. Isa si Helena sa mga nakipag-digmaan noong unang digmaang pandaigdigan at nagpabagsak sa kaharian ng Prolus, kasama ang Valthyria.
Si Galea ay isang tunay na Zephyrian sapagkat ang kaniyang ama ay isa ring Zephyrian. Hindi niya nga lang nakilala sapagkat napaslang na ito noong ikalawang digmaang pandaigdigan.
Sa kabilang banda, ang ama naman ni Adam ay nagmula sa lahi ng mga Terran. Nang isilang si Adam at napag-alamang Terran ang nananalaytay sa kaniyang dugo, agad siyang inalis sa Nimbusia at kinilala bilang isang Terran.
Ganoon ang sistema sa kanilang mundo. Iisang lahi lang ang pagkakakilanlan mo kahit na magmula ka sa dalawang magkaibang lahi. Kung ano ang hawak mong elemento, iyon ang magiging bansang kabibilangan mo.
Nasaan si Helena?
Sa kasamaang palad ay kasama ito sa mga napaslang noong magkaroon ng paglusob habang sinusubukan nilang pagtagumpayan ang sambuhay — ang tulay sa pagiging Sylpari. Hanggang ngayon ay nananatiling misteryo ang naganap noong mga panahong iyon.
Napatigil si Galea nang umihip ang hangin sa kaniyang tainga. Dahil pinanganak na bulag, hangin ang naging kakampi ng babae. Ito ang nagsilbing mata niya kaya nagagawa niyang malaman ang mga bagay na ipinagkakait sa kaniya ng kaniyang paningin.
Inihanda ni Galea ang kaniyang pana at sinalangan ito ng palaso, itinutok sa direksyon kung saan nakatayo ang isang nilalang. "Kalaban ka ba?"
Hindi niya alam kung bandido ba ang nilalang na ito at naligaw sa bumagsak na kaharian ng Prolus ngunit kung bandido nga ito'y nakapagtatakang mag-isa lamang ito. Hindi kumikilos mag-isa ang mga tulisan.
Ngumisi ang nilalang na natatakluban ng puti na may halong dilaw na balabal. Natatabunan ng takip sa ulo ang kaniyang mata ngunit malinaw niyang nakikita ang babaeng may hawak na pana. Mas lalong lumawak ang pagkakangisi nito nang mapagtantong isa itong Zephyrian.
"Paumanhin, ako'y naligaw lamang." Nagsalubong ang kilay ni Galea nang marinig ang nagsalita. Isa itong matandang babae. "Ang balak ko sana ay magtungo sa Arkeo ngunit dito ako dinala ng aking mga paa."
Ang Arkeo ang tirahan ng mga babaylan. Ibinaba ni Galea ang kaniyang pana nang walang ibulong ang hangin. Isinukbit niya ang kaniyang pana at ibinalik ang palaso. "Tiyak akong wala sa hilaga ang Arkeo. Nasa silangan ito."
"Salamat sa pagsasabing nasa hilaga ako. Hindi ko malaman ang direksyon ko sapagkat malabo na ang aking mata." Hindi sumagot si Galea at kinapa na lamang ang renda ng kabayo.
"Kailangan mo ba ng tulong patungo sa Arkeo?" Humarap sa daraanan si Galea ngunit nanatiling nakatayo ang kaniyang kabayo.
Ngumiti naman ang naka-puting balabal. "Maraming salamat ngunit batid kong ikaw ay may pupuntahan. Kaya ko na ang aking sarili."
"Kung gayon ay mauuna na ako. Mag-iingat ka sa iyong biyahe, adtel."
Adtel — "nakatatandang babae / lola"
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...