Kabanata 30: Hangin at Apoy

7 1 0
                                    

Hangin at Apoy

"Elio!"

Sinipa ni Elio ang tiyan ng kaharap niya at napatingin sa likod. Yumuko siya saka hiniwa ang umatake mula roon. Napagilid siya at hinawakan ang braso ng Prusian na sinubukang hiwain siya saka ito pinatalsik gamit ang pagpapatama ng apoy sa tiyan nito.

Humihingal na inilibot ni Elio ang kaniyang tingin sa paligid at kumunot ang noo nang makita ang kaguluhang nagaganap sa akademiya. Nakita niya kung paano pinatumba rin ni Fria ang kalaban niya saka tumakbo palapit sa kaniya.

"Paanong nakapasok ang mga kalaban sa akademiya?"

Pareho ang tanong nina Elio at Fria. Kapansin-pansin ang kasuotan nilang ang ibang parte ay nasunog na ng apoy. Kita na ang kaliwang dibdib ni Elio dahil natupok na ng apoy ang kulay lumang pula niyang pantulog. Magulo pa ang kulay kahel nitong buhok, halatang naalimpungatan lamang.

"Maging ang mga kasamahan nating tulisan ay hindi rin nakaligtas mula sa mga kalaban." Napatingon si Elio sa mga bagong dating na sina Kalen at Diego. Nakatingin ang Terran sa mga bangkay ng mga vivar na nakahilata sa lupa. "Biglaan ang pagsalakay ng Valthyria at Prolus kaya hindi nakapaghanda ang lahat."

Matalas na tiningnan ni Elio ang paligid. Ang mausok na parang, mga nagkalat na apoy mula sa mga pagsabog, at ang mga walang buhay na katawan ng mga nilalang ang tanging makikita sa akademiya. Kahit kadiliman ng gabi ay hindi ito nagawang itago.

Sumikip ang dibdib ni Elio.

Sa muling pagkakataon ay bumagsak ang Veridalia Academy.

"Fria, itakas mo ang mga nakaligtas na Pyralian." Tumingin si Elio sa mga kasamahan niya. "Diego, ikaw sa mga Aquarian. Kalen, magtungo ka sa mga Terran."

"At ikaw?" Hinawakan ni Diego ang pulso ni Elio kaya bumaba ang tingin ng lalaki roon.

"Tutungo ako kay Galea." Inalis ni Elio ang kamay ni Diego. "Ipagtanggol niyo ang mga natitirang mag-aaral."

"Mag-iingat ka, Leo."

Nang magkatanguan, kaagad na naghiwa-hiwalay ang apat.

Inasinta ni Elio ang kaniyang pana sa tatlong vivar na pasugod sa kaniya. Gamit-gamit ang panang inihandog sa kaniya ni Dylan na ngayon ay nababalot na ng apoy mula sa kapangyarihan niya, pinakawalan niya sa hangin ang tatlong naglalagablab na palaso. Matalim ang tunog na ginawa nito nang dumaan sa ere bago bumulusok sa mga kalaban.

Kakaibang pakiramdam ang bumalot kay Elio habang kumakaripas siya ng takbo sa malawak na parang ng akademiya. Pakiwari niya ay naulit lang ang nangyari noon subalit ngayon, ibang kalaban na ang kaharap nila. Mas malalakas at mautak.

"Mga arehe!"

Mabilis na nakuha ni Elio ang atensiyon ng mga kawal ng Valthyria at Prolus na noon ay dinadakip ang mga mag-aaral na pumipiglas pa. Umangat ang sulok ng labi niya bago inasinta ang mga ito at isa-isang pinabagsak. Nagbigay ito ng daan upang makawala ang mga nabihag na mag-aaral.

Pinanood niya kung paano gamitin ng mga ito ang kaniya-kaniyang elemento upang magapi ang mga manloloob. Napahinga siya nang malalim matapos mapagtanto kung gaano kalaking kawalan para sa akademiya ang mga Zephyrian. Sila kasi ang inaasahang magbibigay ng babala sa sandaling may magtangkang sumalakay dahil sa kapangyarihan nila sa tunog.

Naging bukas sa masasamang balakin ang akademiya matapos nilang mawala.

Napahinga na lamang muli nang malalim si Elio saka binalik ang tingin sa mga mag-aaral na noon ay nagtitipon-tipon. Katulad niya ay halatang naalimpungatan lang din sila dahil suot pa rin nila ang kanilang mga pantulog.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon