Kabanata 11: Pagkawala

36 2 0
                                    

Pagkawala

"Hindi ka pa maaaring bumalik sa akademiya."

Humaba ang nguso ni Elio nang matunugan ang otoridad sa tinig ng lalaking nakatayo sa kaniyang harap. Hindi pa tuluyang gumagaling ang kaniyang mga sugat ngunit naiwan na siya ng mga kasamahan niya at bumalik na ang mga ito sa akademiya.

"Doon na lamang ako magpapagaling." Inalis ni Dylan ang kaniyang mga kamay sa baywang at hinawakan ang balikat ni Elio. Pinagpantay niya ang kanilang mukha kaya naman napaiwas ng tingin si Elio.

"Mas malawak ang kaalaman ni Ginang Kora kaysa sa mga manggagamot ng akademiya. Manatili ka muna rito sa Arkeo nang ilang araw pa hanggang sa tuluyan mo nang mabawi ang iyong lakas."

Malawak ang naging pagngiti ni Dylan nang bumuntong-hininga lamang si Elio. Inalis niya ang mga kamay niyang nakahawak sa balikat nito at ginulo ang kaniyang buhok. "Aalis ka?"

"Kailangan kong balikan ang mga kasamahan ko sa aming kampo." Bahagyang lumayo si Dylan sa kaniya at pinagmasdan lamang siya. "Huwag kang mag-alala, babalik ako kaagad."

"Bumalik ka." Maliit na ngumiti lamang si Dylan at tumango. "Hihintayin kita."

Lumabas si Dylan sa silid at nasalubong ang papasok pa lamang na si Ginang Kora. May dala itong mangkok ng pagkain ngunit napatigil nang makitang paalis si Dylan.

"Babalik lamang ako sa kampo upang makibalita." Bahagyang yumuko ang lalaki upang magbigay galang. "Huwag kayong mag-alala, mag-iiwan ako ng ilan sa mga kasamahan namin upang mabantayan kayo sa sandaling may mangyari."

"Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay. Maraming salamat sa tulong ninyo." Payak lamang na ngumiti sa kaniya ang binata.

"Paki-bantayan na lamang siya habang wala ako, Ginang Kora."

Nang tumango ang ginang, kaagad na lumabas sa kubo si Dylan. Binilinan niya ang kaniyang mga kasamahan na pag-igtingin ang pagbabantay sa lugar sakaling bumalik ang mga Prusian at muling umatake. Matapos no'n ay nilisan niya na rin ang Arkeo.

"Kumusta ang iyong pakiramdam?"

Umangat ang tingin ni Elio sa ginang na pumasok sa silid. Ngumiti siya nang makita si Ginang Kora na pumasok sa silid, bitbit ang mangkok sa kaniyang kamay. Tatayo na sana siya upang tulungan ang ginang nang pigilan siya nito.

"Maayos na ako, Ginang Kora. Maraming salamat sa tulong ninyo." Umupo sa kaniyang tabi ang ginang. Napaiwas siya ng tingin nang magtagal ang tingin sa kaniya ng matanda.

"Parehong-pareho talaga kayo..."

Bumaling si Elio sa ginang nang magsalita ito. Agad na bumalatay sa mukha nito ang pagtataka dahil sa sinabi ng ginang ngunit pinanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, hinahayaan ang matanda na sabihin ang mga nais nitong sabihin.

"Matatag, malakas..." Ngumiti ang ginang habang nakatitig sa mukha ni Elio, inaalala ang magiting na nilalang na minsan nang tinulungan ng mga babaylan. "Mapusok."

"Sino pong tinutukoy niyo?"

"Si Magnus — ang pinuno ng Ignisreach."

Kumunot ang noo ni Elio sa narinig. Wala siyang kilalang Magnus na naging pinuno ng Ignisreach, na talagang kakaiba sapagkat sarili niyang bansa iyon. Walang bagay siyang hindi nalalaman sa bansang iyon.

Huminga lamang nang malalim ang babaylan. Hindi niya alam kung nasaan na ang Pyralian na iyon ngunit dahil sa naging reaksyon ni Elio, tiyak siyang matagal na nitong nilisan ang Veridalia.

Sayang at hindi nito natupad ang pangarap na maging Sylpari.

"Oo nga pala, kumain ka na at inumin mo ang tsaang ito. Gawa iyan sa atabal at mabisa 'yan sa pagbabalik ng lakas." Tumayo na ang ginang at nagpaalam na lumabas na.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon