Kabanata 10: Amoy ng Kadiliman

40 3 0
                                    

Amoy ng Kadiliman

Nasaan ako?

Agad na inilibot ni Elio ang kaniyang paningin sa paligid. Nagsalubong ang kaniyang kilay nang bumungad sa kaniya ang isang hindi pamilyar na lugar.

May mga posteng nakatayo at may mga nakaukit na sinaunang titik sa mga ito. May mga sulo rin na nakasindi, at sa ibang parte ng lugar ay may mga estatwa. Sa hilaga ay ang estatwa ng isang babaeng may hinahangin na buhok at matulis na tainga — ang sylph. Sa silangan naman ay isang babaeng may lumalagablab na pakpak at matulis din ang tainga — ang diwata ng apoy.

Sa timog ay makikita ang isang nilalang na may mahabang tainga at koronang gawa sa dahon — ang engkanto ng lupa. Matatagpuan naman sa kanluran ang isang babaeng may buntot na katulad ng sa isda — ito ang sirena ng tubig.

Nanlaki ang mata ni Elio nang mapagtanto kung nasaan siya.

Ang Templo ng Sambuhay.

Nasa gitna siya nito nakatayo. May mga hagdan sa paligid at sa taas noon ay mga tarangkahang gawa sa kahoy. Napangiti si Elio at nagpatuloy sa paglalakad ngunit napahinto nang may lumapit sa kaniyang naghihikahos na babae.

Galea? Naririto rin siya sa Templo ng Sambuhay?

"Sinasalakay tayo." Napalunok si Elio nang matagpuan niya ang mata ng babae. Hindi ito si Galea. "Kailangan nating ipagtanggol ang templo."

Bumuka ang bibig ni Elio ngunit walang lumabas na tinig sa kaniya. Nagsalubong ang kaniyang kilay at muling sinubukan ngunit walang nangyayari. Naramdaman niya na lamang ang isang enerhiyang parang humihila sa kaniya.

Habol-habol ang hiningang napabangon si Elio sa kaniyang pagkakahiga. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid at napagtantong wala siya sa kaniyang silid. Bumalik naman sa kaniyang alaala ang kaniyang panaginip.

Anong ginagawa ko sa Templo ng Sambuhay? At bakit nandoon din si Galea?

Ipinilig niya ang kaniyang ulo. Ang Galea na nakaharap niya sa kaniyang panaginip ay hindi bulag kaya't hindi niya batid kung si Galea nga ba ang isang iyon. Baka naman isang walang saysay na panaginip lamang.

Igagalaw niya na sana ang kaniyang kamay nang maramdamang may nakapatong doon. Kumunot ang kaniyang noo at napatingin sa kaniyang kamay ngunit kaagad na natigilan nang makilala ang may-ari ng mga kamay na nakapatong sa kaniya.

"D-Dylan..."

Pinanood niya kung paano unti-unting umangat ang ulo ng lalaking nakadukdok sa kaniyang kama. Napasinghap siya at kaagad na namuo ang luha sa kaniyang mata nang matagpuang muli ng kaniyang mga mata ang pares ng asul na mga mata.

Nanlaki ang mga mata ni Dylan nang sumalubong sa kaniya ang mga kahel na matang nagbabadya ng luha. Bumuka ang kaniyang bibig at napatayo ngunit bago pa man siya makapagsalita ay kaagad niyang naramdaman ang pagbalot ng mga braso sa kaniyang baywang.

"Akala ko hindi ka na babalik..."

Agad na nakabawi sa pagkabigla si Dylan. Maliit itong ngumiti saka pinaglandas ang kaniyang mga daliri sa buhok ng binatang nakayakap sa kaniya. Natawa siya nang marinig ang malalakas na paghikbi nito.

"Babalik ako sapagkat nandiyan ka pa." Huminga nang malalim si Dylan bago inihiwalay si Elio sa kaniya. Hinawakan niya ang baba ng lalaki at pinatingin sa kaniya. "Kahit anong mangyari, babalik at babalik ako sa iyo."

Pinunasan ni Elio ang kaniyang luha bago ngumiti. Umisod siya nang kaunti, binibigyan ng lugar ang lalaki upang makaupo. Naintindihan naman kaagad ni Dylan ang nais mangyari ni Elio kaya naupo siya sa tabi nito.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon