Dalurakit
"Parang masiyado nang nagtatagal ang ating paglalakbay."
Iniahon ni Dylan ang kaniyang palad sa katubigan at kaagad na naglaho ang liwanag sa kaniyang mata. Ilang araw na silang naglalayag sa karagatan subalit ayon sa tubig, hindi pa rin sila malapit sa kanilang patutunguhan. Lubusan na ang inip na nadarama ni Dylan.
Mula naman sa kabilang dulo ng bangka ay malalim na napahinga si Lumineya. Pinanood niya kung paano dahan-dahang tumayo si Dylan at sandaling sinilip si Adam na noon ay nakatulala lamang.
Kahapon lamang ito nagising at katulad ng inaasahan ay sinubukan nitong pumalag at kumawala. Subalit naging madali lamang para kay Dylan na basagin ang mga balak niya.
"Hindi biro ang distansiya ng Hariyari, Dylan," pagtukoy niya sa kontinente na kung saan matatagpuan ang Cavanoh. "Batid kong alam mo iyan." Tumayo rin si Lumineya at lumapit kay Adam.
Walang nagawa ang lalaki kung hindi ang bumuntong-hininga na lamang at tanawin ang malawak na karagatan. Ang bawat araw na lumilipas ay tila naging parusa sapagkat hindi niya maiwasang hindi mag-alala para sa mga nilalang na iniwan nila sa Sahadra. Lalong-lalo na para kay Elio.
Hindi niya batid kung ano ang mga planong inihahanda ng kaaway nila. Marahil maging ang pagliligtas kay Adam ay parte ng madidilim nilang pakay. Napalunok siya sa isipin bago tiningala ang kalangitan.
"Maagang lumabas ang dalawang buwan."
Lumingon si Dylan kay Lumineya na noon ay muli na namang bumalik sa pagkakaupo nito. Napansin niya ang tila pagkawala ng lakas ng Sylpari.
"Panahon nang muli upang lumabas ang ikatlong buwan." Bahagyang nangunot ang noo ni Dylan sa narinig. Ang huling beses na lumabas ang ikatlong buwan ay apat na taon na ang lumipas. "Ito rin ang nais kong sabihin sa iyo, sapagkat sa ganitong panahon lumalabas ang mga hashne ng tubig."
Nabigla man sandali ay agad ding nakabawi si Dylan. Hindi na bago sa kaniya ang pagharap sa mga halimaw na naninirahan sa karagatan sapagkat nakakasagupa niya na ang mga ito noon pa mang nagsasanay siya at gumagawa ng mga misyon para sa Misthaven.
"Hindi kita magagawang tulungan na harapin sila sapagkat isa sa kahinaan naming mga Sylpari ang kapangyarihan ng ikatlong buwan."
Ang sinabi ni Lumineya ang nagbigay ng kalinawan sa kung bakit tila nanghihina ang Sylpari ng Diwa. Hindi niya alam na kahinaan pala ng mga Sylpari ang ikatlong buwan; kaya pala nagawa siyang bihagin noon ng monarka ng Misthaven at pinuno ng Verdantia.
"Kung gayon ay makakaasa ka."
Binalingan niya ng tingin si Adam na noon ay nakatingin din sa kaniya. Kilala niya ang kaibigan ni Elio, subalit hindi pa nito kailanman nakausap ang isang ito. Kahit noong mga panahong madalas niyang makita ito sa dormitoryo ng mga Aquarian ay hindi niya ito sinubukang kausapin man lamang.
Walang pag-aalinlangan siyang lumapit sa Terran na noon ay wala pa ring reaksyon. Mukhang napagod na ito kaiisip ng mga paraan upang makawala. Nang makarating sa tapat ni Adam, kaagad na lumuhod si Dylan upang magpantay sila.
"Hindi ko pa nagagawang lubusang magpasalamat sa iyo." Huminga nang malalim si Dylan matapos sambitin ang mga katagang iyon. "Sapagkat nanatili ka sa tabi ni Elio noong mga panahong hindi pa ako handa." Mahinang napangiti siya. "Maraming salamat, Adam. Sana ay tuluyan ka naming maibalik, sapagkat lubos na ikagagalak ng Veridalia ang muli kang makasama."
Walang sagot na natanggap si Dylan mula kay Adam. Naging sapat na ang blangko nitong mga titig upang ipabatid sa kanila ang tunay na dahilan kung bakit sila nandito sa sitwasyong ito. Muli na lamang napahinga ng malalim si Dylan saka dahan-dahang tumayo subalit napahinto nang marinig ang tinig ni Adam.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasiaVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...