Kabanata 24: Pagsisimula ng Susunod na Henerasyon

13 1 0
                                    

Pagsisimula ng Susunod na Henerasyon

"Galea, umaasa akong babantayan mo si Elio."

Ang oras ng pag-alis nina Dylan.

Matapos masiguro na maayos ang kalagayan ng kaniyang kapatid ay nagdesisyon si Dylan na pakiusapan si Galea sa kalagayan ni Elio. Sinilip niya ang lalaki na noon ay nakanguso lang habang nakaupo sa buhangin at napabuntong-hininga. Sa tabi nito ay si Lumineya na noon ay may sinasabi sa kaniyang hindi naman nadidinig ng dalawa.

Umiwas ng tingin si Dylan at ibinalik ang atensiyon kay Galea na noon ay seryoso lang ang ekspresyon. Bakas pa rin sa mukha ng babae ang pagdadalamhati sa pagkawala ng kaniyang angkan ngunit narito siyang muli, sumama sa paghatid kina Lumineya sa timog ng Sahadra.

Tunay ngang napakatatag ng damdamin ni Galea sapagkat nagawa nitong manatili kahit na ang dami nang nangyari. Ang pagkawala ni Adam, ang pagkasira ng diwa ni Adam, at ang pagka-ubos ng kaniyang angkan: kamangha-manghang isipin na nagawa niyang harapin ang mga iyon ngunit, nakalulungkot ding isaisip na kailangan niyang harapin ang mga iyon.

"Kapatid na ang turing ko sa kaniya." Huminga nang malalim si Galea. "Kahit hindi mo sabihin ay iyon ang gagawin ko."

"Maraming salamat..." Mahina at mababang tinig ang ginamit ni Dylan. Bumaba ang kaniyang tingin sa kaniyang mga paa. "Huwag kang mag-alala, ibabalik namin ang kapatid mo."

"Kailangan na nating lumisan."

Sabay na napatingin ang dalawa sa babaeng pumutol sa kanilang pag-uusap. Nakatayo ang babaeng nakasuot ng kulay lilang balabal, nakaladlad ang talukbong nito sa ulo. Seryoso itong tumingin kay Dylan at saka tumango. Naging senyales iyon kay Dylan upang magpaalam kay Elio.

"Aalis na kami, Elio."

Nanatiling nakayuko si Elio kahit na nakatayo na sa kaniyang harap si Dylan. Hindi niya mapigilan ang kaniyang emosyon habang iniisip na hindi sila magkikita nang ilang araw. Kung iba siguro ang sitwasyon ay hindi siya ganito ka-emosyonal ngunit, dahil walang kasiguraduhan ang mga bagay ay hindi niya maiwasang mag-isip ng mga masasamang bagay.

"Huwag kang malungkot. Batid nating iyan ang dahilan kung bakit nakuha sa atin si Adam." Umangat ang tingin ni Elio sa lalaking noon ay magiliw na nakangiti sa kaniya. Subalit bakas din sa mukha nito ang pagkalumbay.

"Paumanhin. Hindi ko lamang..." Hindi na natapos ni Elio ang kaniyang sasabihin nang bigla na lamang niyang naramdaman ang pagbalot ng mga braso sa kaniyang katawan. Marahan niyang niyakap pabalik si Dylan.

"Hindi ko kaya kapag nakalimutan mo ako."

Bagaman seryoso at sinsero ang paraan ng pagkakabigkas ni Dylan sa mga katagang iyon, hindi mapigilang matawa ni Elio. Naging dahilan ito upang humigpit ang pagyakap ng lalaki. "Pakiwari ko'y hindi mo rin naman hahayaang makalimutan kita."

"Bibigyan kita ng maraming karapatan ngunit, hindi kabilang doon ang pagkalimot sa akin." Pinatakan ni Dylan ng halik ang ulo ng lalaki saka humiwalay at hinawakan ang balikat nito. "Babalik ako. Kahit anong mangyari."

Kung dati ay tinanggap na ni Dylan ang kaniyang kapalaran, ngayon ay nais niyang gawin ang lahat upang baliin ito. Bitbit niya ang pag-asang baka may iba pang paraan, o baka may pag-asa pa. Baka magagawa nilang ibalik ang isa nang walang maisasakripisyong iba.

Kasabay ng paglubog ng araw ay ang paglayag ng bangkang lulan ay sina Lumineya, Dylan, at Adam. Nanatiling nakatanaw lamang si Elio, kasama si Galea, sa silweta ng mga papalayong nilalang. Ang tubig ay nagkulay matingkad na kahel dahil sa sinag ng papalubog na araw.

Nang tuluyan nang mawala sa abot-tanaw ang mga umalis, kaagad na binasag ng tunog ng pagbuntong-hininga ni Galea ang katahimikan ng paligid.

"Tayo na, Elio. Kailangan na nating magbalik sa akademiya."

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon