Kabanata 23: Bagong Kaaway

16 1 0
                                    

Bagong Kaaway

Ang pagdilim ng kalangitan ang tanda na wala na ngang talaga ang Nimbusia.

Nakatanaw si Dylan sa ilog sa likod ng gubat ng akademiya. Hindi katulad dati na sinasalamin ng tubig ang bughaw na kalangitan, ang tubig ngayon ay kulay abo; isang kulay na nagpapatunay ng pagluluksa ng Veridalia sa pagkawala na naman ng isa sa mga balanse.

Hindi natatapos sa pagbagsak ng Misthaven at Verdantia ang lahat. At tiyak na hindi rin natatapos sa pagbagsak ng Nimbusia ang kaguluhan.

Hangga't may nabubuhay na nagpapanatili at sumusubok na sirain ang balanse, iikot lamang ang panahon sa digmaan.

"Hindi ko matanggap na wala na ang isa sa pinakamatanda at pinakamahalagang angkan ng Veridalia." Napabuntong-hininga si Dylan nang marinig ang isang pamilyar na tinig.

Katulad ng inaasahan ay nalaman nitong nandito siya. Sa kanilang tagpuan.

"Nakakatakot ang kakayahan ng mga kalaban..." Tumayo si Elio sa tabi ni Dylan at pinakiramdaman ang pagtangis ng kapaligiran at pagwawala ng hangin. "Nagawa nilang ubusin ang isang angkan."

Wala silang laban.

Iyon ang katotohanang pinaniniwalaan ni Elio.

Kung nagawang malipol ng Valthyria at Prolus ang mga Zephyrian, anong hindi nito kayang gawin upang isunod ang mga natitirang lahi?

Nang hindi magsalita si Dylan ay natahimik na rin si Elio. Malamang ay nasa isang malalim na pag-iisip din ang lalaki kaya hindi nito magawang isipin ang mga sinambit niya. Kaya hindi nito magawang mabasa ang takot niya. Kaya hindi nito magawang maghatid ng kapayapaan sa kaniya.

Sapagkat katulad niya ay hindi na rin mahagilap ni Dylan ang kapayapaan sa kaniyang loob.

Maaaring anong oras o araw ay sumugod muli ang mga kalaban at nakawan sila ng buhay, katulad kung paano nila pagkaitan ng hininga ang mga Zephyrian. Sa sandaling mangyari ngang sumugod ang mga vivar ay hindi na nila ito magagawang labanan pa sapagkat kulang na ang kanilang puwersa.

Sabay na bumuntong-hininga ang dalawa.

"Ito ang araw na pinag-usapan namin ni Lumineya."

Bumigat ang dibdib ni Dylan nang banggitin ang mga katagang iyon. Tumingin sa kaniya si Elio at mabuti na lamang ay bigo itong mabasa ang pagkabahala sa kaniyang mukha. Hindi maiwaksi ni Dylan sa kaniyang isip ang posibilidad na ito na ang magiging huli nilang tagpo ni Elio.

"Gaano katagal kayong mawawala?" Bumaba ang tingin ni Elio sa kamay ni Dylan at hinawakan iyon. Pinagsalikop niya ang mga ito, hinihintay ang sagot ng lalaki.

Huminga nang malalim si Dylan at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ni Elio. "Hindi ko batid ngunit, tiyak na hindi magiging mabilis. Marahil abutin kami ng araw o linggo."

Dumaan ang lungkot sa mga mata ni Elio. Napalunok siya nang mariin nang maramdamang may bumara sa kaniyang lalamunan. Naramdaman niya ang pag-alon ng isang mabigat na emosyon sa kaniyang dibdib.

"Gagawin ko ang lahat upang maibalik siya, Elio." Ngumiti si Dylan at hinawakan gamit ang isang kamay ang pisngi ni Elio. Hinaplos niya ito. "Para sa iyo, at sa Veridalia."

"Hihintayin ko ang pagbabalik niyo."

Ngumiti lamang si Dylan.

Isang ngiting walang kasiguraduhan.

Sa kabilang banda, nagtungo si Galea sa Nimbusia upang tingnan ang naganap sa kaniyang bansa. Ginamit niya ang kakayahan niya sa paglaho at sa sandaling lumitaw siya, isang mabigat na hangin ang nagparamdam sa kaniya.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon