Kabanata 26: Pangamba

6 1 0
                                    

Pangamba

"Hanga ako sa dedikasyon mo sa pagtulong kay Elio."

Nakatayo si Dylan sa dulo ng bangka, tinatanaw ang malawak na karagatan. Marahan ang pagdampi ng maligamgam na hangin sa kaniyang pisngi; tinatangay rin ang mga hibla ng kaniyang buhok kaya hindi niya maiwasang mapangiti. Mula sa kaniyang puwesto ay kitang-kita ang mga tagak na malayang lumilipad sa langit.

Umalingawngaw sa kaniyang isip ang sinabi ni Lumineya kaya hindi niya maiwasang mapangiti nang malungkot. Bahagya na rin siyang bumaba mula sa pagkakapatong sa dulo ng bangka at hinarap ang babae na noon ay nakatayo rin sa karagatan. Huminga nang malalim si Dylan.

"Marami akong naging pagkakamali kay Elio." Umupo si Dylan at sumandal sa haligi ng bangka. Patuloy na binabasag ng pag-iyak ng mga tagak at paghampas ng alon sa hangin ang katahimikan ng paligid. "Tinraydor ko siya – sila, noon. Marami akong bagay na inilihim sa kanila."

Hindi batid ni Dylan kung nakikinig ba sa kaniya si Lumineya ngunit ipinagpatuloy niya ang kaniyang sinasabi. Matagal na niyang kinikimkim ang mga bagay na ito. Parati siyang binabangungot ng mukha ni Elio noong panahong magharap sila sa akademiya matapos masakop ng Verdantia at Misthaven ang lugar.

"May parte pa rin siguro sa kanila na hindi ako napapatawad." Marahang yumuko si Dylan. "Hindi ko nga mawari kung karapat-dapat pa baa ko kay Elio sapagkat wala na akong ginawa kung hindi ang maglihim sa kaniya."

Hindi ganoon ang pagmamahal.

Hindi dapat ito bunubuo ng mga lihim. Hindi sapat na dahilan na inililigtas mo lamang siya sa kapahamakan. Ang tunay na pagmamahal ay pagtitiwala. Pagtitiwala sa kakayahan ng mahal mo.

Marahil ito ang pagkakamali ni Dylan. Hindi siya nagtiwala sa kakayahan ni Elio hindi dahil sa takot siyang malagay sa panganib ang lalaki, kung hindi dahil takot siyang malagay ito sa panganib at wala siyang magawa.

"Si Elio lamang ang magtatakda ng karapat-dapat sa kaniya. Ayawan ka man ng lahat, kung ikaw ang nais niya ay walang dapat humadlang." Napahinga nang malalim si Lumineya. "Sa totoo lang ay hindi rin kita gusto para kay Elio."

Napatigil si Dylan at bahagyang nasaktan sa sinambit ni Lumineya. Hindi niya iyon inaasahan.

"Hindi dahil sa isa kang Aquarian. Kung hindi dahil mas magiging maayos ang buhay ni Elio kung ang makakasama niya ang isang nilalang na iniisip din ang kalagayan niya."

"Ngunit iniisip ko ang kalagayan niya."

"Inisip mo ba ang kalagayan niya noong pinili mong isakripisyo ang sarili mo para lang iligtas ang kaibigan niya."

Napatigil si Dylan. "A-Akala ko'y magiging masaya siyang muli..." Napalunok siya. Marahan namang tumawa si Lumineya.

"Pinangungunahan mo siya; iyon ang mahirap sa iyo, Dylan. Hindi ikaw ang magdedesisyon sa dapat niyang maramdaman."

"Kailangan niya si Adam."

"At kailangan ka rin niya."

Umalon ang dibdib ni Dylan sa pamilyar na ginhawa ngunit may kaakibat na sakit matapos mapagtanto ang mga naging desisyon niya. Nanatili siyang nakayuko at inalala ang masasayang mukha ni Elio kapag magkasama sila.

"Kapag nawala ka, sa tingin mo ba'y magagawang magsaya pang muli ni Elio? O ni Adam, kapag nalaman nilang ikaw ang dahilan kung bakit siya nakabalik?" Marahang ngumiti si Lumineya.

"Wala namang ibang paraan." Kumunot ang noo ni Dylan. "Kapag hindi ako nagsakripisyo, tuluyang lalamunin ng dilim si Adam. Baka pati si Elio ay mawala sa akin. Hindi ko iyon nanaisin."

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon