Aziel
"Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay..."
Napangiti si Elio nang makita ang naluluhang mukha ng kaniyang ina. Ito na ang araw ng pagbabalik nila sa akademiya. Tapos na ang isang linggong ibinigay sa kanila ng paaralan.
"Kaunting panahon na lang din ay makalalabas na ako ng akademiya." Ngumiti si Elio at muling yumakap sa kaniyang ina. Pinanliitan niya ng mata ang kapatid na noon ay napamaang lang. "Tulungan mo ang ating ina sa mga gawaing bahay."
Humiwalay na ng yakap si Elio at hinayaan ang mga kaibigan niyang magpaalam din. Sinabihan pa siya ng kaniyang ina na isamang muli si Adam dito sa susunod na bibisita sila. Napangisi naman ang Terran at taas-baba ang kilay na tumingin kay Elio.
"Papalitan na kita bilang kaniyang anak."
Hindi niya pinansin ang pang-aasar nito at lumulan na lamang sa kabayo. Sumunod naman kaagad si Adam at sumakay na rin sa sarili nitong kabayo. Tinanaw ni Elio si Diego na noon ay masinsinang nakikipag-usap sa kaniyang ina. Tumatango-tango pa ito at minsan ay natatawa.
Umiwas ng tingin si Elio at binalingan ng tingin si Adam na noon ay kinakausap ang kabayong akala mo ay sasagot sa kaniya. Hinihimas pa nito ang leeg ng kabayo habang natatawa kaya napailing na lamang siya.
"Tara na." Tumingin si Elio kay Diego bago tumingin sa kaniyang ina. Ngumiti siya saka kumaway. "Sasabay raw sa atin si Fria."
Isang taon matapos ang digmaan, nagtagumpay si Fria na makapasok sa akademiya nang magwagi ito sa Tagisan. Ang inaasahan nga ng lahat ay susunod na kaagad si Diego ngunit hindi iyon nangyari. Dalawang taon ang lumipas ngunit hindi man lang ito nakiisa sa Tagisan sa kadahilanang siya lamang ang nakaaalam.
"Bakit ang tagal niyo?"
Nakasimangot na si Fria nang dumating ang tatlo. Hindi pa ito nakakasakay ng kaniyang kabayo sapagkat hinihintay niya ang mga paalis na kasama dahil na rin sa bilin ng Pyrocustos. Kung hindi lang ibinilin ng pinuno ay agad nitong lilisanin ang Ignisreach.
"Paumanhin, Fria, kung napaghintay ka namin." Si Diego na ang humingi ng dispensa. Hindi sumagot ang babae at kaagad na sumakay. Walang pasabi nitong pinatakbo ang kaniyang kabayo.
Naiiling naman na sumunod ang tatlo. Walang nagsasalita sa kanila sa buong oras ng paglalakbay. Tanging ang hampas lamang ng alon sa dagat ang maririnig habang nasa Keanu sila. May mga nagliliparan ding tagak at malakas ang hangin.
Nang malampasan nila ang tulay, naging mabilis na ang kanilang paglalakbay. Hindi pa rin mapigilang mamangha ni Adam nang muling makita ang mga tupang nakapastol sa parang. Tirik na ang araw ngunit hindi ito masakit sa balat. Mainit din ang ihip ng hangin.
"Sandali..."
Napahinto silang lahat nang magsalita si Fria. Lumikot ang paningin nito sa paligid kaya ganoon din ang ginawa nina Elio. Pare-parehong kumunot ang kanilang mga noo at nagkatinginan silang apat.
"Ashna sentu!"
Sabay-sabay silang naglabas ng armas; espada ang kay Fria at Diego, baston ang kay Adam, at pana ang kay Elio. Sa isang kisap-mata ay napalibutan sila ng mga bandido. Bandido ang mga nilalang na walang bansa. Mga umalis, nagrebelde, o napatapon.
Marami ang kanilang bilang at mukhang lahat ay may kaniya-kaniyang elemento. Napalunok si Elio at Adam, nanatili namang seryoso si Diego at Fria habang nakatingin sa mga bandidong may mga sandata rin.
"Ano ang kailangan niyo?" Si Diego ang naglakas loob magsalita.
"Kailangan namin ng ginto!" Nagsalita ang isang nilalang na may kulay berdeng buhok. Tiyak na isa itong Terran. "Kung hindi niyo maibibigay ay mapipilitan kaming dakpin kayo!"
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...