Paglaya
Templo ng Sambuhay.
Inilibot ni Elio ang kaniyang mata sa paligid. Bumungad na naman sa kaniya ang pamilyar na lugar.
Nakita niya na naman ang mga posting nakatayo at may nakaukit na sinaunang titik. Naroon pa rin ang mga sulong nakasindi; maging ang mga estatwa ng mga nilalang na sumisimbolo sa apat na elemento ng buhay. Nasa gitna muli siya nakatayo.
Subalit hindi katulad ng dati ang nadatnan niya.
Ang mga hagdan na nakapaligid ay may nawasak na. May mga nagkalat ding bangkay sa paligid. Tila binabalot ng hamog ang buong paligid dahil nanlalabo ang kaniyang paningin.
Ito ba ang trahedya ng Sambuhay?
Inilibot pa ni Elio ang kaniyang mata sa paligid. Bumigat ang kaniyang dibdib sa nasaksihan niya. Pakiramdam niya ay naririnig niya pa ang sigawan ng mga nilalang na napaslang dito.
Bumaba ang kaniyang tingin sa isang babaeng walang malay na nakahiga sa sahig. Bumuka ang kaniyang bibig nang mamukhaan ito.
"Galea..."
Umalingawngaw ang tinig ni Elio sa paligid nang magawa niyang magsalita. Wala siyang sinayang na sandali at kaagad na lumapit sa babae. Nang tuluyan na niyang masara ang pagitan nila, kumunot ang kaniyang noo.
"Helena..."
Hindi siya maaaring magkamali. Hindi si Galea ang babaeng napaslang kung hindi ang ina nitong si Helena. Nauunawaan niya na kung bakit napagkamalan nina Lumen at Kiarra na si Galea at Helena ay iisa.
"Anong nangyari?"
Mas pinagmasdan niya ang kaniyang paligid, umaasang makahahanap ng palatandaan ng nagsimula ng trahedya. Saka lamang niya napansin ang kaniyang mga kamay.
Nababahiran ito ng mga dugo.
Pumikit siya sandali, umaasang pagmulat niya ay mapagtatanto niyang namamalik-mata lamang siya. Subalit nang muli siyang magmulat ay nasa isang panibagong tagpo na siya.
"Habang buhay kang hahabulin ng ginawa mong ito."
Napaharap si Elio sa kaniyang likuran nang marinig ang tinig ng isang lalaki mula roon. Umawang ang kaniyang bibig nang makakita ng isang hindi pamilyar na mukha.
Direktang nakatitig sa kaniya ang nagliliyab nitong mga kahel na mata dahil sa galit. Naging palatandaan ng dinanas niyang pagdurusa ang mga mantsa ng dugo sa kaniyang mukha at iilang galos na natamo.
"Nagtagumpay ka mang hadlangan kami, pero darating din ang tamang panahon."
Katulad ng dati niyang panaginip ay sinubukan na namang magsalita ni Elio subalit tila naputulan siya ng dila. Ilang sandali lamang ay naramdaman niya na naman ang pamilyar na enerhiyang humihila sa kaniya.
Subalit nanatiling nakatingin ang kaniyang mga mata sa nilalang na noon ay nakatingin lang din sa kaniya.
"Darating ang din ang adil na sisingil sa mga kasalanan mo."
Adil – hustisya
Habol-habol ni Elio ang kaniyang hininga nang dumilat. Puting tela ang bumungad sa nanlalaki niyang mga mata. Sunod-sunod na mabibigat na paghinga ang pinakawalan niya, nananatiling nakatulala sa itaas.
Kung noon ay kaguluhan lamang ang nararamdaman ni Elio, sa panaginip niya ngayon ay hindi niya maiwasang makaramdam ng sakit at takot. Bagaman hindi niya kilala ang nilalang na nagsasalita, pakiramdam niya ay buhay ang mga katagang winika nito.
Ilang ulit pang umugong sa kaniyang utak ang mga sinambit nitong kataga. Hindi niya lubos maunawaan kung bakit napapanaginipan niya ang kaganapan sa Templo ng Sambuhay.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...