Kabanata 31: Pagbabalik

13 1 0
                                    

Pagbabalik

"Elio!"

Mabilis na lumitaw si Galea sa likod ni Lumen saka hiniwa ito. Napahakbang nang ilang beses ang Valthyrian matapos sumigaw ngunit kaagad na siyang pinatamaan ni Galea ng puwersa ng hangin.

Hindi naman inaasahan ng babae na bigla na lamang lilitaw si Kiarra sa likuran niya at ginantihan siya ng hiwa. Napasigaw si Galea sa sakit bago nagpakawala ng hangin sa direksyon ng Prusian.

Dahil sa panghihina at sakit mula sa sugat na dinulot ni Kiarra, hindi mapigilan ni Galea na mapaluhod ang isang tuhod. Ngunit nang maalala ang kalagayan ni Elio, napayuko siya saka sinaksak ang espada sa lupa upang alalayan ang sarili na tumayo.

"Magbabayad ka, Galea!"

Binuka ni Galea ang kaniyang palad dahilan upang tangayin at hindi makalapit sina Kiarra at Lumen sa puwesto nila. Dahan-dahan siyang lumapit at bahagyang lumuhod sa tabi ni Elio na noon ay nag-aagaw-buhay. Hinawakan niya ang balikat nito.

Sa bawat sandali ay mas lalong lumalakas ang ihip ng hangin dahilan upang bahagyang mapaatras ang mga kawal na nakapaligid. Nang itaas ni Galea ang kamay niya ay kumawala ang malakas na alon ng hangin na kumalat sa buong lugar.

Kasabay ng pagkawala ng puwersa ng hangin sa paligid ay paglaho nina Galea at Elio. Nang tuluyang kumalma ang paligid, umayos ng tayo si Kiarra habang nakapako ang mga mata sa posisyon ng dalawang tumakas na mag-aaral.

Hindi niya maiwasan ang mga katanungang naglalaro sa kaniyang isipan. Ngayong bumagsak na ang akademiya, tiyak na lilikas ang mga ito palayo. Subalit, saan magtutungo ang mga ito?

Masyado nang nagiging sakit sa ulo ang mga mag-aaral kaya kailangan na nilang malupig.

Naputol lamang ang pag-iisip ni Kiarra nang marinig ang mahinang pag-ungot ni Lumen. Nang tingnan niya ito ay kababakasan na ito ng panghihina dahil sa sugat na dinulot ng Zephyrian sa kaniya.

"Lumen, malubha ang iyong sugat." Aligagang lumapit si Kiarra sa sugatang Valthyrian. Inalalayan niya ito upang makatayo nang maayos. "Kailangan mong gamutin ang iyong sarili. Tayo na."

Sa kabilang banda, muling lumitaw sina Galea at Elio sa timog ng akademiya kung saan nagtipon ang mga nakaligtas. Ang iba ay tuluyan nang lumisan subalit naabutan nila si Diego, kasama ang iba pang mag-aaral na naghahanda pa lamang sa pag-alis.

"Guro, anong nangyari?"

Mabilis na napatakbo palapit si Diego sa Zephyrian nang makita ang kalagayan nito. Hindi pa man nakababawi ay kaagad siyang napalingon sa katabi nitong nilalang na noon ay nakapikit na at maputla. Halos matuyo na ang dugo nitong umagos mula sa kaniyang bibig.

"L-Leo..."

Nanginig ang katawan ni Diego at hindi pa nakagalaw kaagad. Dumaloy ang lamig sa kaniyang katawan matapos makita ang kalagayan ni Elio. Mabilis siyang lumuhod sa tabi nito at hinawakan ang likod ng ulo nito upang bahagyang i-angat.

"L-Leo, gumising ka." Kinuha niya ang kamay ni Elio at nilapit ito sa kaniyang labi, ngayo'y tumutulo na ang luha sa kaniyang mga mata. "Paano nangyari ito, Guro?"

"Galea! Anong nangyari? Bakit malubha ang sugat mo?"

Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Ginang Kora matapos makita ang malaking hiwa sa likod ni Galea. Kasunod niya ang dalawang Aquarian na noon ay mabilis na lumuhod sa tabi ni Galea upang bigyan ito ng lunas.

"Si Elio..." Napasigaw si Galea nang gumapang ang hapdi sa kaniyang likod subalit nagawa niya itong tiisin. "Tulungan niyo si Elio, pakiusap."

Mula kay Galea, lumipat ang mata ni Ginang Kora kay Diego na noon ay patuloy pa rin sa pagtangis. Nagtaka pa ito sandali bago bumuka ang kaniyang bibig nang makita ang sugatang katawan ng isang lalaki. Ang sugatang katawan ni Elio.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon