Si Magnus
Bago pa man tuluyang matupok ng init ang pinuno ng mga kahariang bumalik mula sa nakaraan, kaagad silang naglaho.
"Mga bahag ang buntot."
Natawa nang malakas si Elio saka pinaglaho ang halang na gawa niya. Pumasok sa kaniyang palad ang kulay asul na apoy kaya muling binalot ng dilim ang paligid. Hindi ito ang unang beses na ginamit niya ang uri ng apoy na iyon ngunit hindi pa rin nasasanay ang kaniyang katawan sa epekto nito.
Dahil masyadong malakas ang uri ng apoy na ginamit niya ay naramdaman niya ang pagkatuyo ng kaniyang katawan. Dahil doon ay bahagya siyang nanghina ngunit hindi niya ito ipinahalata sa babae.
"Ayos ka lang ba, Elio?" Napatingin siya sa babae nang magsalita ito.
"Oo, Galea." Muling bumalik sa isipan ni Elio ang mga sinabi ni Lumen kanina. Ang tungkol sa katauhan ni Galea, at sa kakayahan ng mga Zephyrian na magbago ng anyo.
Mukha hindi talaga sapat ang mga aklat upang masagot ang mga katanungan niya. Marami pa rin talagang itinatago ang mundo.
"Paumanhin kung nadamay ka pa sa gulong kinasasangkutan ng lahi ko." Huminga nang malalim si Galea.
"Kabilang ang Nimbusia sa balanse, kaya ang gulo nito ay gulo ng buong mundo." Marahil hindi iyon ang paniniwala ng lahat ngunit, ito ang pinaniniwalaan ni Elio. "Bumalik na tayo sa akademiya, Galea."
Galea.
Matapos marinig ang mga katagang iwinika ni Lumen, hindi maiwasang maisip ni Elio kung sino ang kaharap niya sa simula pa lamang. Si Galea ba o si Helena mismo?
Buhay nga ba talaga si Helena?
Ipinilig ni Elio ang kaniyang ulo sapagkat hindi siya makapaniwalang sumasakay talaga siya sa mga walang kuwentang salita ng kanilang mga kalaban. Hindi siya makapaniwalang nagsisimula siyang pagdudahan si Galea, ang kaniyang kaibigan. Dapat ay mas paniwalaan niya si Galea.
Hindi siya si Helena. Patay na si Helena.
Naglakad papalapit si Elio kay Galea saka humawak sa balikat nito. Ilang sandali pa ay binalot sila ng hangin at pagmulat ni Elio ay nasa loob na sila ng akademiya. May mga liwanag na ang poste sa paligid at may iilang mga mag-aaral ang naglalakad sa parang at pasilyo.
"Magpahinga ka na, Elio. Nararamdaman kong napagod ka sa paggamit ng iyong elemento."
"Magpahinga ka na rin, Galea." Hindi na dinugtungan pa ni Elio ang kaniyang sasabihin sapagkat ayaw niyang isipin ng babae na awa ang pinapakita niyang pag-aalala.
Imbes na dumeretso sa dormitoryo nang maghiwalay na sila, nagtungo si Galea sa timog ng akademiya upang puntahan ang silid ni Adam. Balak niyang doon na lamang muna magpalipas ng gabi sapagkat ayaw niyang manatili sa isang gusaling wala nang naninirahan. Sa gusali ng mga Zephyrian.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nagtagpo ang landas nina Aziel at Galea. Saktong paglabas ni Aziel sa silid ni Adam ay sumalubong sa kaniya ang babae na noon ay tila nagulat din sa kaniyang presensiya. Tila abala ang pag-iisip nito kaya hindi niya nagawang maramdaman na may nilalang sa loob ng silid ng kaniyang kapatid.
"Galea!" Lumiwanag ang mukha ni Aziel nang masilayan ang babae. "Kanina pa kita hinahanap sapagkat bigla ka na lamang nawala. Saan ka nagtungo?"
Kumunot ang noo ni Galea. "Sa Nimbusia."
Umawang ang bibig ni Aziel dahil sa narinig. Tinanong niyang muli ang babae kung saan ito pumunta ngunit pareho lamang ang isinagot nito sa kaniya dahilan upang maguluhan si Aziel. Tumabi lamang siya nang dumaan si Galea ngunit hindi niya ito tinantanan.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...