Ang Hariyari
"Kinakabahan ako, Lumineya."
Hindi nagawang magpahinga ng isip ni Dylan mula pa kagabi. Ngayong malakas na ang Sylpari ay naglakas-loob na siyang isalaysay ang kakaibang pangamba na naramdam niya kagabi. Umaalon pa rin sa kaniyang mga asul na mata ang takot. Hindi niya magagawang maging panatag hangga't hindi niya nasisiguro na ligtas si Elio.
"Pakiwari ko ay may hindi tamang nagaganap sa akademiya."
Isang buntong-hininga lamang ang naisagot ni Lumineya sa pangamba ni Dylan. Dahan-dahan itong tumayo, ang buhok nitong kulay rosas ay malayang sinasayaw ng hangin. Binalingan niya sandali ang noon ay nakatayo na ring si Adam; hindi na nakagapos ang mga kamay nito. Nakatanaw ito sa kawalan, sa karagatan.
"Aaminin kong nakararamdam din ako ng kakaiba, Dylan, lalo pa't hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maramdaman ang kapangyarihan ng iba pang Sylpari."
Napalingon ang lalaki at natanaw kung paanong marahang maglakad palapit sa kaniya si Lumineya. Masama ang kutob ni Lumineya dahil doon sapagkat dapat sa mga oras na ito, na kung kalian tuluyan nang namaalam sa kalawakan ang asul na buwan, ay nagawa nang mabawi ng iba pang Sylpari ang kanilang kapangyarihan. Subalit katulad ng kaniyang winika, bigo siyang maramdaman ang mga ito.
"Gayunpaman ay manalig tayo sa kakayahan, hindi lamang nina Galea at Elio, maging ng mga mag-aaral ng akademiya," wika pa ng Sylpari.
Hindi naging sapat ang sinambit ni Lumineya upang mapagaan ang nararamdaman ni Dylan, bagkus ay mas pinaigting pa nito ang pangambang nadarama niya. Batid niya na lubhang makapangyarihan si Elio at Galea, ganoon na rin ang ibang mag-aaral ng akademiya, dagdag pa na kasama nila ang apat na Sylpari, subalit hindi niya lubusang batid ang antas ng kapangyarihan ng mga Valthyrian at Prusian.
Ang tanging nalalaman niya lamang ay labis na mapamuksa ang ikalima at ikaanim na elemento ng Veridalia sapagkat ito ang nakasulat sa kasaysayan ng sansinukob.
"Kung may hindi man kanais-nais na maganap ay tiyak na magagawan ito ng paraan nina Elio at Galea." Napatingin si Dylan sa kamay ng Sylpari na tumapik sa kaniyang balikat at napahinga nang malalim saka napayuko.
"Sana nga. Sana nga ay hindi ka magkamali, Lumineya."
Tipid lamang na napangiti ang Sylpari bago humarap sa malawak na karagatan. Lumapad naman ang kaniyang pagkakangiti nang matanaw ang pamilyar na tanawin. Dahil mataas na ang sikat na araw ay malinaw niyang natatanaw ang berde nitong anyo na lumilitaw mula sa asul na karagatan at langit.
"Isantabi mo muna ang pag-aalala mo, Dylan, sapagkat narito na tayo."
Noong una ay hindi maunawaan ng lalaki ang winika ni Lumineya subalit nang tanawin niya ang tinitingnan nito ay kaagad na bumuka ang kaniyang bibig mula sa pagkamangha. Bumungad sa kaniya ang isang isang napakalaking pulo. Kahit nang may lumipad na tatlong tagak sa itaas nila ay hindi niya pa rin inalis ang tingin sa nasa harapan niya.
"Nakarating na tayo sa Hariyari."
Sa loob ng maraming araw nilang paglalakbay ay sa wakas, narating na rin nila ang pakay nila. Ginamit ni Dylan ang kapangyarihan niya upang pabilisin ang paglayag ng bangkang sinasakyan nila. Nang makarating sa pangpang ay kaagad na bumaba si Dylan at pagtapak niya sa tubig ay naging yelo iyon.
Sumunod naman kaagad sa kaniya si Lumineya samantalang naiwan namang nakatanaw si Adam sa matatayog na bundok ng Hariyari. Dahil sa yelong binuo ni Dylan ay malaya nilang narating ang buhanginan.
"Adam, tayo na."
Napalingon pabalik si Dylan nang mapagtantong hindi sumunod si Adam sa kanila. Si Lumineya naman ay naglalakad-lakad, mukhang muling kinikilala ang lugar. Wala naman sa sarili na sumunod si Adam at kaagad na umapak sa tulay na yelong ginawa ni Dylan hanggang sa tuluyan na rin itong makatapak sa buhangin.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasiaVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...