Chapter 13
Halo-halo ang emosyon niya ngayon. Naiinis siya sa lalaki dahil sa wari niya'y nagkamalas-malas siya simula noong nagkrus ang landas nila. Sa una ay sarili niya ang kinaiinisan niya dahil sa nangyari, ngayon ay ang lalaki na. Lasing na lasing siya noon habang ang lalaki ay nasa katinuan pa, pero nagpatuloy ito sa pag-angkin sa kaniya. Nahihiya siya dahil namumukhaan siya ng mga kasambahay ng lalaki.
Tumalukbong na lang siya at naglayon na makatulog muli. Nabigo siya sapagka't pilitin man niya ang mga mata niya na matulog muli ay gising na gising naman ang diwa niya.
Walang saysay ang kaniyang pagsusumikap na muling makatulog.
"Hays!" Umahon siya at inayos na lang ang mga gamit niya.
Hinila niya ang mga bagahe niya patungo sa tapat ng magarang aparador. Hinanap niya sa ibabaw ang susi nito. Mapalad siya, hindi na niya kailangang lumabas upang tanungin si Nadine tungkol sa susi dahil nakapa niya ito sa ibabaw ng aparador.
Binuksan niya ito at halos himatayin siya sa bango ng loob nito. Amoy bago at amoy mayaman.
Nahati sa tatlo ang aparador. Madali niyang pinasok sa aparador ang mga gamit niya. Iniba niya ang mga panglakad sa kaniyang pambahay. At ang isang espasyo na may mga baitang ay ang nilagyan niya ng kaniyang mga sapatos at sandalyas.
Tapos na siya sa paglagay ng mga gamit sa aparador.
Dinalaw siya ng lungkot nang makita ang kahon sa tabi. Kinuha niya ang kahon at dinala niya ito sa isang desk na nasa tabi ng kama. Malapad ang desk at sa ilalim ay may drawer ito. Dito niya nilagay ang mga regalo ni Lukas sa kaniya.
Kinuha niya ang tatlong picture frame na may litrato nila ni Lukas na kinuha pa sa tatlong paborito niyang lugar. May litrato sila na kinunan sa Spain, sa Thailand, at sa Korea.
Hinawakan niya ang mukha ng lalaki. May pagsisisi siya sa naging desisyon niya na nakipaghiwalay kay Lukas. Sana ay binigyan niya ng pagkakataon na magpaliwanag ang lalaki pero pinagkaitan niya ito ng karapatan. Ang ex-bestfriend niya nga lang ang sinabihan niya na kunin na ni Lukas ang mga gamit nito sa apartment.
"Sorry, Lukas. Nasaktan lang ako nang sobra sa ginawa niyo ni Stephany sa akin," malungkot niyang sabi. "Kung maibabalik ko lang ang araw na iyon ay nakontrola ko na sana ang aking sarili. Sana ay hindi ako agad nag-react, Lukas. Sana binigyan na lang muna natin ng panahon ang isa't isa." Puno siya ng pagsisisi ngayon.
Kung hindi niya lang din pinagdamutan ng kaniyang pagkababae ang lalaki ay tiyak siyang hindi na ito naghanap pa ng iba. Mali siya. Maling-mali siya.
Siya lang ang ang gumawa ng dahilan para gumawa ng kasalanan si Lukas. Siya lang ang tumulak sa lalaki na gawin ang bagay na hindi nito magagawa sa kaniya.
Napahawak siya sa kaniyang pisngi na binasa ng luha. Kung hindi pa kumulo ang kaniyang tiyan ay hindi bumalik sa realidad ang isip niya.
Malungkot na lamang siyang ngumiti patingin sa mga regalo ni Lukas sa kaniya. Inangat niya ang titig niya sa picture frame na nasa gitna. "Pansamantala ko muna kayong isasama kahit na saan ako manunuluyan. Kapag matatag na ako at may lakas na ako ng loob na pakawalan ang taong nagbigay sa inyo ay susunugin ko na kayo. Ngayon kasi ay hindi ko pa kaya na mawalay kayo sa akin, lalo na at wala na siya sa tabi ko," puno ng kalungkutan niyang sinabi.
Umahon siya mula sa pagkakaluhod sa malamig na tiles at umupo siya sa kama.
Napahawak siya sa kaniyang tiyan na muli na namang kumulo. Gutom na gutom na siya ngayon.
"Sana sinabihan ko na lang si Nadine na rito ako kakain," aniya.
Humiga na lang siya patihaya at lumunok. Pinikit niya ang mga mata niya. Iidlip na sana siya pero agad na may kumatok.
BINABASA MO ANG
Zodiac Imperio 1: Scorpio Jacoby Melendres ✓
RomanceScorpio Jacoby Melendres is the leader of the Zodiac Imperio, an association of men who want to help the country and be an example to men who have been deceived by women who do not know how to reciprocate the love they could give. He was the epitom...