Chapter 32
Nagbago ang paraan ng pakikitungo ni Lukas sa kaniya. Kung noon ay malambing ito kapag kinakausap siya, ngayon ay hindi na. Madalas na siyang nasisigawan ng lalaki.
Napansin niya rin na tumutungo lamang ito sa apartment kung kailangan nito ng pera.
Pati ang mga inipon niya para sana sa gagastusin niya sa susunod na board exam sapagkat napagpasyahan na niyang subukan muli ang pag-exam ay nagastos niya sa lalaki. Wala naman mawawala kung susubukan niyang mag-exam muli. Iyon nga lang ay lahat ng inipon niya ay naubos na rin. Kaya ay kinakailangan niyang mag-ipon na naman muli.
Tuluyan niyang nabayaran ang utang ni Lukas. Kahit na pagod lang ang natira para sa kaniya ay masaya pa rin siya sapagkat nabayaran na niya ang utang ni Lukas. Sa paraan na iyon kasi ay alam niyang mananatilinang lalaki sa kaniya. Ang problema ay bigla na lang nag-iba ang lalaki.
"Lyv, bilhan mo naman ako ng bagong labas na motor. Gusto ko ng ganoon. Iyong mga kasamahan namin sa compound ay ang gaganda ng motor. Nakakahiya dahil ako lang ang lalaki roon na walang motor!"
Napatigil siya sa ginagawa niyang pagligpit ng mga pinagkainan nila.
"Lukas, hindi naman napipitas na parang dahon lang ang pera—"
"Kung ganoon ay aalis na lang ako," sabi ng lalaki.
Nilapag niya sa tabi ng lababo ang mga plato, at agad siyang bumalik sa hapagkainan. Nasa sala na ang lalaki kaya ay hinabol niya ito. Humawak siya sa braso ni Lukas subalit inaalis ng lalaki ang kaniyang kamay.
"Lyv, aalis na lang ako. Iyon nga lang ang hiling ko sa iyo pero hindi mo man lang kayang ibigay. Motor lang naman, ah! Hindi kotse!"
"Patapusin mo naman muna ako, Lukas. Ang gusto ko lang naman sabihin na hindi napipitas agad-agad ang pera. P-Pero hindi ko naman winika na hindi ko ibibigay ang gusto mo," sabi niya na puno ng panunuyo ang boses.
Kahit na ganito na ang lalaki sa kaniya ay ayaw niya pa ring bumitaw. Mawawalan siya ng ganang mabuhay kung mawawala sa kaniya ang lalaki. Kaya kahit na gaano pa kadulas ang kinakapitan niya ay kakapit pa rin siya.
"Mabuti kung ganoon. Madali lang naman akong kausap, Lyv. Kung hindi mo kayang ibigay ang gusto ko ay mabuti pa na putulin na lang natin kung ano ang namamagitan sa atin. Pasalamat ka nga kasi nagtatiyaga pa ako na samahan ka rito!"
Nais niyang sabihan ang lalaki na hindi naman siya nito sinasamahan. Para sa kaniya ay pagdalaw lang ang ginagawa ng lalaki. Ang masaklap ay hinuhuthot pa nito ang pera niya sa tuwing dadalo ito sa apartment niya.
"Mahal ko, hindi ba ay sabi mo sa akin na ako naman talaga ang pipiliin mo?"
Tumigil sa paggalaw si Lukas. Tumitig ito sa kaniya na puno ng pagbabanta. Napabitaw siya sa kaniyang paghawak sa braso ng lalaki dahil malakas na hinila ng lalaki ang braso nito.
"Paano kita pipiliin kung hindi mo ako kayang bigyan ng lahat ng gusto ko? Alam mo ba na nakakahiya nang lumabas sa apartment? Baka nga kapag nakatalikod ako sa mga gagong iyon ay pinag-uusapan nila ako. They think that I'm least than them."
Tanging pagngiti nang sapilitan ang ginawa niya.
"Gagawan ko ng paraan nang sa ganoon ay mabibili natin ang motor na gusto mo," paniniyak niya sa lalaki.
Kahit papadaanin siya ng lalaki sa butas ng karayom ay gagawin niya iyon.
Nakita niya na gumayak palabas ng apartment ang lalaki kaya ay sinubukan niya itong sundan.
"Lukas," tawag niya rito.
Luminga ang lalaki at umismid ito nang nagtama ang mga mata nila.
"Maninigarilyo lang ako, Lyv," wika ng lalaki at tuluyan na itong lumabas.
BINABASA MO ANG
Zodiac Imperio 1: Scorpio Jacoby Melendres ✓
RomanceScorpio Jacoby Melendres is the leader of the Zodiac Imperio, an association of men who want to help the country and be an example to men who have been deceived by women who do not know how to reciprocate the love they could give. He was the epitom...