STRAWBERRY TRUFFLE MOCHA FRAPPE
Mahigpit kong hinawakan ang strap ng itim kong messenger bag habang patuloy sa paglalakad ng mabilis patungo sa pool area ng school. Sa dami dami ng pwedeng sports ng Physical Education class eh bakit swimming class pa ang sa senior year. Ang dami dami namang pwede kung bakit nga naman sa lahat ng activity na iniiwasan mo eh yung ayaw mo pa talaga.
Patuloy kong inuulit ulit sa sarili kong huling taon ko na naman to. At kahit namang anong sports ang para sa senior year eh ganun at ganun pa rin naman ang magiging trato nila sa akin. Wala namang magbabago kahit na ba Chess competition ang activty namin.
Malayo pa man ay rinig na rinig ko na ang harutan, tawanan at pagtatampisaw ng mga kaklase ko sa pool. Mula sa maingat at marahang paglalakad ay nagtaas ako ng paningin. Nakita kong halos ang buong section ng senior year ang um-attend sa unang araw ng swimming lessons namin. Parang orientation. Laking pasasalamat ko na lang na may floating divider sa gitna ng olympic size na pool. Sa dulong side ang mga lalaki samantalang malapit sa entrance ng pool ang mga babae. Yun nga lang dahil hindi pa nag sisimula ang klase eh naghalo-halo muna ang mga estudyante.
Napalingon ako sa mga lalaking naghaharutan sa gitna ng swimming pool. Namukhaan ko ang iilang matatangkad na lalaki na senior varsity players ng Black Wolves. Ang basketball team ng aming eskwelahan. May iilang babaeng nakasuot ng mga daring na two-piece bikini ang nakaupo sa gilid at nakikipagharutan sa iba pang players ng Black Wolves. May iilan pa nga akong namataang naghahalikan sa malayong bahagi ng pool. Kinilabutan ako sa nakita at napailing.
"Watch it pig!" Maarteng sabi ng babaeng nakabunggo ko. Matangkad siya at maputi. Maikli ang blonde nitong buhok na umaabot hanggang balikat. Apple cut. Nakasuot siya ng yellow criss-crossed two-piece. Mukha siyang model sa tangkad. She flipped her hair once bago ako nilagpasan. Ngayon ko lang siya nakita at malamang ay transferee siya. Base kasi sa pagtitig sa kanya ng mga lalaking players ng Black Wolves ay mukhang ngayon lang nila nakita ang babae.
"Wag ka kasing haharang harang taba! Binabangga mo si Miss Beautiful eh." Sigaw ng isang player mula sa pool na narinig ata ng lahat sa pool area kaya nagtawanan sila. Binalewala ko na lang ang tawanan at bulungan ng karamihan ng estudyante sa pool ng maramdaman ko ang malamig na tubig sa aking katawan. Napapikit na lang ako ng hawakan ako ng dalawang lalaking naka trunks sa magkabilang kamay para iharap sa mga lalaking nakalublob sa pool na hinahampas ang tubig sa direksiyon ko para mabasa nila ng tuluyan ang damit ko. Pilit kong binabawi ang kamay kong mariin nilang hinahawakan.
"Tama na please!" Sigaw ko habang patuloy nila akong binabasa ng tubig mula sa pool. At nilalamon ng malakas nilang tawanan ang bawat pakiusap ko. Ramdam na ramdam ko ang kumakapit na puti kong polo uniform sa aking katawan. At ramdam kong basang basa na ang kabuuan ko at pati ang uniform kong itim na palda ay basa na rin.
"Naks color pink pala ang bra mo!" Narinig kong sabi ng isa saka pumito. Lalo ng lumakas ang tawanan.
"Yummy!" Sabi naman ng isa sa malayo. Lalo silang nagtawanan sa komento niyang yun.