FRIED RICE
"Tabaaaaaaa!!!"
Ano ba naman 'yan. Pati ba naman sa panaginip ko, eh, iistorbohin ako ni Kuya Jason.
Isang malakas na pagkalampag ang narinig ko. Pagkalampag na kulang na lang eh wasakin niya ang pintuan ng kwarto ko at sumigaw ng 'Pulis! Raid to!'
Pipikit-pikit na napatingin ako sa limang kandado na nakakabit sa pintuan ko. Pinanood ko ang paggalaw ng mga kandado habang patuloy lang sa pangangatok si kuya sa pintuan.
Ewan ko ba. Ito naman kasing si Kuya Jason ako na lang ng ako ang nakikita. Minsan na kasi siyang pumasok sa kwarto ko at pinagdiskitahan ang mga gamit ko. Minsan naman kapag galing siya ng gym o ng basketball game at pawis na pawis, eh, hihiga at magpapagulong-gulong siya sa higaan ko. Kaya ito ngayon at nasa labas lang siya ng pintuan ko at nambubulabog.
Malamang ay pinaglalaruan niya rin ang signage sa labas ng kwarto ko na, 'Jason is not allowed inside'. Talagang pinasadya ko pa 'yon para sa kanya. Eh ang kaso parang hindi yata siya marunong magbasa dahil tuwing nakakalimutan kong mag lock ay basta-basta na lang siyang pumapasok sa kwarto ko.
"Hoy tabaaaa!!!! Gumising ka na! Nandiyan na si Tita Azon! Hinahanap niya yung pinakamaganda at seksing anak ni mama! Yuck!!! Napaisip nga ako kung sino 'yon, eh, wala naman akong kapatid na maganda at seksi. Alangan namang ako? Ako na lang ba lahat ang makakakuha ng papuri dito? Mahirap talaga kapag masyado kang gwapo at macho," litanya niya, bago tumawa na parang demonyo.
Paniguradong nakuha niya pang mag flex habang sinasabi ang salitang 'macho'. Napatakip ako ng tainga at napapikit. Umagang-umaga ang ingay ni kuya. "Sumunod ka na doon uubusan kita ng kanin bahala ka!" banta niya, saka tuluyang umalis. Narinig ko ang tunog ng mga paa niya habang pababa ng hagdan.
Mabilis akong napaupo nung sinabi niya 'yun. Pero sa totoo lang forty-eight years ata bago ako nakaupo ng maayos. Siyempre ang tagal kong nakahiga kaya nag i-stretching muna ako, tapos dahan-dahan akong tumagilid at itinulak ang kama palayo para makaupo ako. At siguradong bago pa ako makaupo sa lamesa ay hinimatay na ako sa hagdanan ng dahil sa gutom.
Naririnig ko ang mga ingay na ginagawa ng kumakalam kong sikmura. Awtomatikong napahawak ako sa tiyan ko. Gutom nanaman ang mga alaga ko.
Nang sa wakas ay nakatayo na ako ay sinimulan ko ng susian ang kwarto ko para makababa na. Bago ko pa mabuksan ang huling kandado ay may naalala ako, tumingin ako sa picture sa tabi ng bedside table ko. "Good morning ma, I love you po." Nag flying kiss na lang ako sa picture ni mama at saka tuluyang bumaba.
"Aba ito na ba si Jason?! Kita mo nga naman ang tangkad mo na! Lalo kang gumwapo at parang lumaki ang katawan mo ha! Nag g-gym ka ba?" Narinig ko ang pamilyar na boses na iyon ni Tita Azon, ang matalik na kaibigan ni mama.
Halos isang dekada din yata bago siya nakauwi dito sa Pinas. Teacher kasi siya sa States at ngayon na lang ulit nakabalik. Itinuring na rin niya kaming parang mga anak, lalo na't hindi naman siya nagkaroon ng sariling pamilya. Matandang dalaga si tita. Mula sa hagdan ay kitang kita ko ang ekspresyon ni kuyang nangingiti at nahihiya kunwari na para bang meron talaga siya noon. Napailing ako.