"Sagutin mo na kasi ako, Lily ganda! Ano bang dapat kong gawin para mapa-sa akin ka?" Ang natural na pagiging makulit ni nognog ay hindi nawala sa kaniya habang nakikiusap na nakatingin sa akin.
Mabilis ko siyang inilingan bago sungitan. "Magtigil ka nga nognog! Masyado pa tayong bata para sa mga ganiyan! Isusumbong kita sa ate ko! Lagot ka doon!" Bahagya kong nilabas ang aking dila bago mabilis na tumakbo papasok sa bahay kahit pa naririnig ko pa rin ang pagtawag niya sa aking pangalan.
Ang ala-alang 'yon ang saglit bumagabag sa isipan ko. Mukhang nahalata naman iyon ni Russel dahilan para bahagya siyang matawa sa akin.
"Oh, naalala mo na?" Kunwaring nagtatampo niyang tanong sa akin, napapahiya naman akong tumango bago ngumiti sa kaniya. "Naku! Buti na lang..mas lalo ka pang gumanda! Aba e, ang tanong, may boyfriend ka na ba para naman maipagpatuloy ko ang panliligaw sa 'yo!" Natatawa niyang sabi.
"Tsh, tumigil ka nga." Natatawa kong isinagot bago mabilis na lumakad patungo sa sala, wala na sila Mommy roon pero naririnig ko ang mga boses nila sa labas.
Umupo ako sa sofa bago magsimulang kumain ngunit mabilis din akong sinundan ni Russel.
"Ikaw talaga.." Patuloy pa rin siya sa pagtawa. "Ah, saglit lang at ikukuha kita ng juice." Mabilis siyang tumayo patungo ulit sa kusina kaya naman hinayaan ko na siya.
Gutom na gutom ako kaya naman sunod-sunod ang pagsubo ko ng kanin. Hindi ko alam kung anong oras na rin lalo pa at wala sa akin ang phone ko, nasa bag ko 'yon na kinuha ni Moira.
Maya-maya pa ay muling bumalik sa tabi ko si Russel habang sinasalinan ng juice ang baso ko. "Oh.." Nang ilahad niya sa akin ang baso ay mabilis akong uminom doon. "Mukhang gutom na gutom ka talaga ah?"
"Oo eh, tsaka..ang sarap ng lechon ah?" Ang paningin ko ay nasa plato ko lamang kahit pa damang-dama ko ang paninitig niya sa tabi ko.
Saglit siyang tumawa. "Syempre naman! Nung nalaman nila Tatay na uuwi kayo rito eh nagpaluto agad siya ng lechon. Na-excite nga ako nung malaman kong kasama ka eh..halos 'di kita nakilala kanina kasi ang laki ng pinagbago mo. Para akong tinamaan ulit ni kupido nang mapagtanto kong ikaw na pala 'yung magandang babae na nasa harap ng lechon." Doon lang ako tuluyang napatingin sa kaniya.
Walang bakas na hiya sa pagmumukha niya, katulad pa rin nung mga bata pa kaming dalawa.
"Sira ka talaga.." Natatawa kong sabi na mabilis niyang sinabayan.
Sa kalagitnaan nang pag-uusap namin ay may pumasok na isang babae, hindi yata nalalayo ang edad kay Mommy. Nakatingin na siya sa akin ngayon habang may ngiti sa labi, agad kong nakilala iyon nang tumayo si Russel para tabihan si Aling Wilma na siyang nanay nito.
"Nay, si Lily. Tanda mo pa? 'Yung kalaro ko dati." Halatang tuwang-tuwa talaga si Russel sa presensya ko.
Mabilis naman akong tumayo para batiin siya ngunit agad kong tinanggap ang kamay niya para mag-bless nang ilahad niya sa akin iyon.
"Aba..dalagang-dalaga ka na, Lily ah? Mas lalo ka pang gumanda." Matamis ang ngiti sa labi niya habang diretsyong nakatingin sa akin, ang kamay ko ay hindi pa rin niya binitawan.
Ramdam kong nag-init ang pisngi ko roon. "Ah..hindi naman po pero salamat po. Kumusta po kayo?"
"Ayos lang naman, sa awa ng Diyos..ito malakas-lakas pa rin." Sinabayan ko siya sa ginawang pagtawa. "Hanggang kailan naman kayo rito sa probinsya? Ang tagal ko na rin kayong hindi nakita ah? Nakakatuwang malaman na makabisita ulit kayo pagkatapos ng ilang taon."
BINABASA MO ANG
Echoes Of The Broken Heart
RomanceLilybelle Jean Lopez, a heartbroken young woman whose world shatters when she discovers that her boyfriend has been unfaithful to her. Devastated and seeking solace, she finds herself leaning on her best friend who named Anna. However, Allister Chas...