NO TO SPOILERS. PLEASE RESPECT MY EFFORTS AND THE RIGHT OF OTHERS. THANKS.
CHAPTER XVIII:
Dazed and Torn
Third Person's POV
"Wacky?!" Pabulong na bulalas ni Cielo nang mapagtantong si Wacky ang humila sa kanya papasok sa isang maliit na boutique.
"A-anong nangyari? Anong ginagawa niyo dito?" Dahil sa iilang maliliit na ilaw na nakasindi ay nagawa ni Wacky na maaninag ang bahid ng dugo sa damit at pati sa mga braso ni Cielo. Nang mapagtantong labis ang pamumutla at panghihina ni Cielo ay agad na kinuha ni Wacky si Pip at siya na lamang ang kumarga mula rito.
"T-they attacked us and—" Napasinghap si Cielo at napahawak sa kanyang sikmura na animo'y mas lalo pang tumindi ang nararamdamang sakit.
"Cielo asan si Dana? Okay lang ba siya?" Natatarantang sambit ni Wacky at agad na inalalayan ang dalaga patungo sa pinakasulok na bahagi ng boutique.
"Th-they gathered supplies. But Axel... N-nakita mo ba si Axel?" Huminga ng malalim si Cielo at tiniis na lamang ang kirot na nararamdaman mula sa kanyang sugat.
"Kami lang dalawa ni Church ang magkasama. Nasa itaas si Church at nagmamasid sa paligid, naghahanap siya ng maari naming madaanan kung saan walang skunks, teka sandali." Sabi pa ni Wacky kaya kahit hirap ay muling nagpumilit na tumayo si Cielo.
Inilabas ni Wacky ang isang maliit na walkie-talkie mula sa kanyang bulsa na natagpuan lang rin naman nila sa kinaroroonang boutique, "Church? Church andito rin si Axel, nakikita mo ba siya mula diyan?"
Makaraan ang ilang sandali ay nagtaka si Wacky nang hindi sumagot ang kaibigan.
"I gotta get up there..." Giit ni Cielo at habang hawak ang sikmura ay agad na umakyat ng hagdan. Gustohin man ni Wacky na pigilan ito ay hindi niya magawa kaya sinundan na lamang niya ito habang karga parin si Pip.
"Church?" Kapwa nagulat at naguluhan sina Wacky at Cielo nang hindi nila matagpuan si Church sa pangalawang palapag ng boutique na kinaroroonan.
"Teka andito lang siya kanina ah? Siya pa nga ang nagsabi sakin na nasa labas ka." Naguguluhang sambit ni Wacky habang nililibot ang kanyang paningin sa buong silid.
"The fire exit... It's open." Bulalas ni Cielo sabay turo sa maliit na pinto na nasa hulihang bahagi ng silid. Dali-daling ibinaba ni Wacky si Pip sa sahig at nagtungo sa fire exit na itinuro ni Cielo.
Nanlaki ang mga mata at agad na tinamaan ng matinding kaba si Wacky nang matanaw niya si Church na kumakaripas ng takbo sa gitna ng isang kalsada. Takbo lang ito ng takbo at tila ba patungo sa direksyon ng isang grupo ng mga skunk na kinabibilangan ng dalawang bata.
"H-hindi... " Agad na nangilid ang luha sa mga mata ni Wacky sa napagtanto. Dali-daling bumaba si Wacky sa hagdan ng fire exit at naiwang nakapako sa kinatatayuan ang naguguluhang sina Cielo at Pip.
Namimilipit man sa labis na sakit dahil sa paang hanggang ngayon ay nanginginig parin, hindi tumitigil si Wacky sa pagtakbo; bagkus ay lalo lamang niyang binibilisan ang pagtakbo upang maabutan ang matalik na kaibigan.
"Churchill! Churchill utang na loob huminto ka! Mapapahamak ka lang!" Paulit-ulit na pagmamakaawa ni Wacky kay Church sa pamamagitan ng walkie-talkie na kapwa meron sila. Hinihingal man dahil sa pagtakbo ng mabilis, hindi tumitigil si Wacky sa pagbibigay ng babala sa kaibigan.
"Pre, pre ang mga kapatid ko, nahanap ko na sila!"
Lalo pang tumindi ang takot ni Wacky nang marinig ang hinihingal na boses ni Church mula sa kabilang linya na tila ba umabot na sa kanyang destinasyon. Bakas man ang pagod, halata naman ang labis na saya sa mula sa boses ni Church.
"Churchill! Churchill hindi na sila ang kapatid mo! Churchill parang awa mo na! Lumayo ka sa kanila! Hindi na sila ang kapatid mo!" Pagmamakaawa ni Wacky at mas lalo pang binilisan ang pagtakbo. Sa sobrang pagmamadali ay nabitawan ni Wacky ang walkie-talkie pero imbes na pulutin ito ay lalo lamang niyang sinikap na maabutan ang matalik na kaibigan.
Habang tumatagal ay unti-unting nakakarinig si Wacky ng boses—boses ni Churchill.
Nang mapaliko si Wacky sa isang kalye ay bigla siyang napako sa kinatatayuan dahil sa naaninag. Tila ba huminto ang mundo ni Wacky nang maaninag niya si Churchill na nakaluhod sa harapan ng isang batang lalake at isang batang babae, at kilala ni Wacky kung sino ang mga ito—ang mga kapatid ni Churchill, mga kapatid na ngayo'y may bahid na ng dugo ang mga damit at gaya ng mga umuusig sa kanila, may itim na ugat narin ang mga leeg nito at mangingitim na ang mga mata.
"Andito na si Kuya, patawarin niyo ako kung natagalan ako." Umiiyak man, hindi maitago ni Church ang tuwa habang kaharap ang mga nakababatang kapatid na na nakatulala lamang at tila ba walang pakiramdam. Hindi alintana ni Church ang iba pang mga kalabang nakatayo malapit sa kanya, nakatuon lamang ang atensyon niya sa mga kapatid na nasa harapan.
Nang akmang yayakapin na ni Churchill ang mga kapatid ay bigla na lamang siyang hinila palayo ng tatlong lalakeng may hawak na mga patalim. Nagpupumiglas man, nakatuon parin ang luhaang mga mata ni Churchill sa direksyon ng mga kapatid.
Nasasaksihan ni Wacky ang lahat ng pangyayari ngunit dahil sa sobrang gulat at takot ay nakapako lamang ang binata sa kinatatayuan at animo'y hindi makagalaw.
Nakikita ni Wacky ang lahat, nakikita niya ang pagpalibot ng mga skunks sa kaibigang nakaluhod. Nakikita niyang pilit na hinahawakan ng mga skunks ang balikat ni Churchill upang huwag na itong makapumiglas pa.
Tuluyang umagos ang luha ni Wacky nang makita ang biglang pagtagos ng isang mahabang patalim sa dibdib ni Churchill, kasabay ang napakalakas nitong palahaw na punong-puno ng sakit at paghihirap.
Tila ba tumigil ang oras para kay Wacky. Nanatili siyang nakatayo habang lumuluha, hindi gumagalaw at labis ang panlulumo habang nasasaksihan ang walang habas na pananaksak ng mga kalalakihan sa kanyang kaibigan.
Kahit na nangingisay na ang nakahandusay na si Churchill ay patuloy parin siyang pinagtutulungan ng mga kalalakihang nakapalibot sa kanya. Tila ba nag-uunahan pa ang mga itong pagsasaksakin siya.
Sa isang iglap ay biglang napalingon ang naghihingalong si Churchill sa direksyon ni Wacky. Nang magtama ang kanilang mga paningin ay lalo lamang nanlumo si Wacky lalo pa't wala siyang magawa kundi panoorin ang paghihirap ng kaibigan.
"W-wacky, wacky tara na..."
Tila ba nagbalik sa reyalidad si Wacky nang marinig ang bulong ng lumuluhang si Cielo na ngayo'y nakaabot sa kanya at nasa likuran na niya.
"S-si Churchill..." Tila ba hindi parin makapaniwala si Wacky sa nasasaksihan, hindi magkamayaw sa pag-agos ng kanyang luha at hindi siya halos makapagsalita.
Tila ba naramdaman ng isa sa mga nanaksak kay Churchill ang presensya nina Wacky at Cielo kaya agad siyang napalingon sa direksyon ng mga ito. Ngunit hindi na nito nakita ang dalawa na mabilis nakapagtago sa likod ng isang pader.
"Shhh..." Bulong ni Cielo sa umiiyak na si Wacky habang tinatakpan ang bibig nito.
Walang magawa si Wacky kundi maluha lalo pa't naririnig parin nila ang palahaw ng naghihingalong si Churchill.
END OF CHAPTER 18
THANKS FOR READING!
VOTE AND COMMENT <3
BINABASA MO ANG
Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Horror"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila tao at hinding-hindi sila titigil hanggang sa mapatay nila tayong lahat!"