II
In memories of her
Third Person's POV
Tila ba wala sa sariling nakatitig si Harper sa harapan ng pintong patungo sa silid ni Dana. Hindi gumagalaw, at nakatulala lamang na animo'y napakaraming bumabagabag sa kanyang isipan.
Akmang hahawakan na sana niya ang doorknob pero bigla na lamang siyang napatigil at napapikit. Ilang sandali siyang muling nanatiling nakapako sa kinatatayuan hanggang sa mapabuntong-hininga na lamang siya at tuluyan na lamang binuksan ang pinto.
Muling napahinga ng malalim si Harper kasabay ng unti-unting paghakbang papasok sa silid ni Dana. Agad niyang nakita ang mga gamit ni Dana na nagkalat pa sa kanyang kama, kabilang na rito ang kulay pink nitong kumot na nakatiwangwang lamang sa isang tabi.
"It's not your fault.. I-it's not your fault." Mahina at paulit-ulit na sinasabi ni Harper sa kanyang sarili na tila ba isang monologong nagbibigay sa kanya ng tatag at lakas ng loob.
Nang akmang kukunin na ni Harper ang kumot ay naagaw ang kanyang pansin ng mga katagang nakapinta sa dingding—REASONS TO BE ALIVE, REASONS TO BE HAPPY—Sa ibabaw nito ay guhit ng mga ulap na punong-puno ng mga litrato, ang ilan sa mga ito ay kupas na dahil sa kalumaan at pina-laminate na lamang.
Napatakip si Harper sa kanyang bibig at hindi na niya napigilan pa ang kanyang sariling maluha nang makita ang kanyang sarili sa isa sa mga litrato. Kuha ito noong bata pa sila ni Dama at minsang nagkasama sa isang girl scout camp, sa tabi naman nito ay ang litrato nila ni Dana na kuha isang taon na ang nakakaraan sa kanyang mismong kaarawan. Kapwa sila magkaakbay sa isa't-isa habang naka-arko ang mga braso upang magmukhang mga puso.
Umiling-iling si Harper at paulit-ulit na huminga ng malalim. Taranta siyang tumalikod at kumilos palayo rito ngunit dahil sa ginawa ay aksidente niyang natabig ang mesa sa tabi ng kama ni Dana. Nagkalat pa ang mga nakabuklat na libro at panulat ni Dana sa mesa palatandaang ito ang ginagawa niya bago makatulog kinagabihan. Sa di malamang dahilan, napatitig si Harper sa notebook na sinusulat ni Dana at laking panlulumo niya sa nabasa.
MONTHLY GOALS:
- Memorize and Master the Alibata.
- Research Paper about Mangifera indica.
- Must find Harper's parents for her upcoming birthday.
- Save up for concert tix with Harper.
"Wait what..." Sa gulat kinuha ni Harper ang notebook at binuklat ang laman nito. Lalo pa siyang naiyak nang makitang ilang buwan na palang sinusubukang hanapin ni Dana ang mga magulang niya't bigo ito sa bawat buwan. Unti-unti, nagsimulang dumulas mula sa notebook ang isang polaroid.
Gamit ang nanginginig na mga kamay, pinagmasdan niya ito at lalo pa siyang napahagulgol nang makitang litrato niya ito kasama ang pumanaw na mga magulang. Abot-tenga pa ang kanyang ngiti sa litratong ito habang sinasabitan siya ng medalya ng kanyang ina habang ang kanyang ama naman na dating alkalde ay tuwang-tuwa sa isang tabi.
BINABASA MO ANG
Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Horror"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila tao at hinding-hindi sila titigil hanggang sa mapatay nila tayong lahat!"