CHAPTER XXIII
AMELIA
Kasabay ng pagbagsak ng katawan ko sa konkretong daan ay ang lalong pagbaon ng kutsilyong nakasaksak sa dibdib ko. Wala akong ibang nararamdaman kundi sakit, napakatinding sakit.
"Cielo sorry, Cielo hindi ko gustong saktan ka pero kailangan kong gawin 'to... Hindi pwedeng magbalik si Astaroth, hindi pwede." Malabo man, naririnig ko si Teacher Emma na umiiyak.
Gusto kong huminga ngunit sa bawat pagsinghap ko'y walang ibang lumalabas sa bibig ko kundi dugo, nakasusulasok na dugo. Sa bawat tangka kong pagsinghap ay unti-unting naglalaro sa isipan ko ang iilang mga pangyayari, pangyayaring tila ba galing sa nakaraan. Unti-unti itong nagtatagpi...
Mala-kristal sa linaw na tubig, mula rito ay kitang-kita ko ang repleksyon ng sarili kong kamay na dumadampi rito. Malamig man, hindi ko mapigilang ngumiti sa preskong sensasyong dulot nito.
"Amelia, masaya ka ba?"
Naupo ako ng maayos at humarap kay Hektor na kasuluyang nagsasagwan habang kapwa kami nasa isang maliit na bangka.
Nginitian ko siya at itinapat sa ibabaw niya ang hawak kong payong na gawa sa manipis na klase ng tela at kahoy. Sa kabila ng lahat, napakasaya ko habang kasama siya rito sa lawa at nilalasap ang kagandahan ng paligid.
"Ngayong ikaw na ang kapiling, oo." Taas-noo kong sambit dahilan para mapangiti rin siya.
"Kung ganoon papayag ka nang ilayo kita sa lugar na ito?" Tanong niya dahilan para unti-unting mawala ang ngiti sa mukha ko at mapalitan ito ng panlulumo.
"Pero Hektor, nangako ako sa aking ama na mananatili sa tabi niya hangga't sa—"
"Amelia, alam mo ba kung ano ang narinig kong usap-usapan sa kabilang bayan?" Napatingin ako sa mga mata ni Hektor at wala akong ibang nakita kundi pag-aalala, matinding pag-aalala para sa akin.
"Hektor hindi ba't pinagsabihan ka na ni ama na huwag pupunta sa kabilang bayan?! Mabuti na lamang at hindi ka napaano!" Katwiran ko. Gaya niya'y hindi ko rin napigilang mag-alala lalo pa't kabilin-bilinan ng ama na huwag kaming pupunta sa kabilang bayan dahil hindi kami tanggap doon.
"Amelia gaano mo kasiguradong hindi ka ipapahamak ni Primo?" Biglang giit ni Hektor dahilan para sandali akong hindi makapagsalita.
"A-ama ko siya... Hektor, ama ko siya." Nautal ako, "hindi ba't inatasan ka pa nga niyang protektahan ako mula noong bata pa?"
Nararamdaman kong may gusto pang sabihin si Hektor ngunit nagdadalawang-isip siya. May mga salitang gustong kumawala mula sa bibig niya pero mas pinili niyang manahimik at bumuntong-hininga na lamang.
BINABASA MO ANG
Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Horror"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila tao at hinding-hindi sila titigil hanggang sa mapatay nila tayong lahat!"