CHAPTER XVI
Make a wish
Third Person's POV
"Walang oras ang dapat masayang! Ipagpatuloy ninyo ang paghahanap sa aking anak!"
Dahil sa naging utos ni Primo ay nag-alisan ang karamihan sa mga kababayan upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Amelia sa katauhan ni Cielo. Natira na lamang sa katedral si Primo kasama ang higit sa walo niyang mga alagad.
"Paano mo nagawa sa amin ito?" Hindi man sumisigaw, bakas ang galit at dismaya sa boses ni Primo habang kaharap si Axel na ngayo'y bagsak parin sa sahig habang lumuluha. Hanggang ngayon ay hindi parin makagalaw ang binata dahil sa mga kauring nakahawak sa kanya at pinipigilan siyang makatakas.
"P-primo... Primo paano mo nagawa iyon sa isang inosenteng bata?!" Napasigaw si Axel at kahit siya'y hindi narin nagawang maitago pa ang nararamdamang galit dahil sa mga nasaksihan. Biglang suminghal si Axel at sarkastikong natawa, "ah oo nga pala, kahit naman sarili mong anak handa mo ring talikuran dahil kay Astaroth hindi ba?"
Tila ba sumiklab ang galit ni Primo dahil sa mga salitang binitawan ni Axel. Walang ano-ano'y bigla niyang sinugot ang binata at marahas na hinawakan ang leeg.
"Wala kang karapatang kuwestyonin ang mga desisyon kong para sa kabutihan ng mga kababayan natin!" Nanlilisik ang kulay itim na mga mata, punong-puno ng galit si Primo na animo'y handa nang tapusin ang pangalawang buhay ng binata.
"May kaakibat na kaparusahan ang iyong pagtalikod sa sarili mong bayan!" Binitawan ni Primo si Axel at marahas na itinulak. Dahil sa matinding galit ay kinuha ni Primo ang isang itak, hindi kalayuan sa kanilang kinatatayuan.
Lumuluha man, ngumisi na lamang si Axel nang makitang dahan-dahang naglalakad si Primo papalapit sa kanya dala ang itak.
"Akala ko noon ang protektahan si Amelia ang nais mong gawin ko, pero nang malaman ko noon ang totoo at binabalak mong mangyari, na nais mo lang pala akong maging sisidlan ni Astaroth upang makahiling si Amelia—" Unti-unting iniyuko ni Axel ang kanyang ulo na tila ba tinatanggap na ang kanyang kapalaran, "Pero si Amelia, dugo't-laman mo siya... Paano mo magagawa ito sa sarili mong anak na walang—"
"Manahimik ka!" Sumigaw si Primo ng buong lakas at iniangat ang itak upang bumuwelo ngunit nang akmang tatagain na niya ang ulo ni Axel bilang kaparusahan ay bigla na lamang bumukas ang malaking pinto ng katedral.
"Ama itigil mo na ito!"
Laking gulat nilang lahat nang makita si Amelia sa katauhan ni Cielo. Duguan ito at gaya nila ay kulay itim na ang mga mata at nananalantay sa balat nito ang kulay itim na ugat. Nagtatakbo ang dalaga hanggang sa ilang hakbang na lamang ang layo niya mula sa ama.
"A-amelia..." Sa isang iglap ay mistulang naglaho ang galit na nangingibabaw kay Primo. Tuwa at Galak, ito ang rumehistro sa kanyang naaagnas nang mukha nang muling masilayan ang anak na napakatagal niyang hinanap.
BINABASA MO ANG
Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Horror"Hindi kami nawawala, Cielo! Nagtatago kami dahil kami nalang ang natitirang buhay! Patay na silang lahat sa taas! Yung mga nandun, hindi na sila tao at hinding-hindi sila titigil hanggang sa mapatay nila tayong lahat!"