XVIII: 778

95.3K 4.5K 1.1K
                                    


CHAPTER XXVIII:

"778"

THIRD PERSON'S POV



Napatingala si Cielo at napasinghap. Naririnig niya ang mga sigaw ni Raze at paulit-ulit na putok ng baril ngunit imbes na tumigil ay lalo lamang niyang binilisan ang takbo.


Sa gitna ng malapad at tahimik na daan ay mag-isa si Cielo na tumatakbo, madilim ang paligid at ang mga poste na lamang ang nagsisilbing gabay sa kanya. Sa isang iglap ay pakiramdam niya'y nag-iisa na lamang siya sa mundo, malaya para mapagnilayan ang lahat ng mga bagay na bumabagabag sa kanya.


Panay ang pag-agos ng luha ni Cielo habang tumatakbo. Paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya ang mga alaala noong bata pa siya; kung paano siya pinrotektahan ni Dana, minahal ni Raze at pinahalagahan ng mga taong nakapaligid sa kanya.


Unti-unting bumagal sa paggalaw ang mga paa ni Cielo nang tuluyan niyang matanaw ang mahabang tulay ng Drayton... at matanaw si Dana na hirap na hirap habang inaalalayan si Wacky habang naglalakad rito.


Hindi na napigilan pa ni Cielo ang kanyang sarili at muling napahagulgol.



"Naiintindihan ko na ngayon si Lolo..." Mahinang sambit ni Cielo sa pagitan ng kanyang mga hikbi at dahan-dahang inihakbang kanyang mga paang nangangatog.



****



"Wacky!" Muling napaiyak si Dana nang kapwa sila bumagsak ni Wacky sa daan. Nakikita niyang hirap na hirap na si Wacky na maglakad at maging siya'y wala naring lakas upang maalalayan ang binata.


Napaupo si Dana at sa abot ng makakaya ay pinilit paring alalayan ang binata ngunit kahit hawakan si Wacky ng mahigpit ay hindi narin niya magawa dahil sa labis na panghihina.


Umiiyak na inilibot ni Dana ang kanyang paningin at napagtanto niyang nasa gitna na pala sila ng konkretong tulay. Kung noon ay maraming sasakyan ang dumadaan dito, ngayon ay tanging sina Dana at Wacky na lamang ang narito.


Biglang umihip ang malamig na hangin dahilan para mapatingala si Dana sa posteng nakatapat sa kanila. Nakita ni Dana ang unti-unting pagpatay-sindi ng bumbilya hanggang sa tuluyan itong napunde, bagay na maihahalintulad sa pag-asa niyang mabuhay.


Dahil may mga poste pang nagbibigay ng liwanag sa kanila sa gitna ng mahaba at tahimik na tulay, hindi sila tuluyang binalot ng kadiliman. Hindi na alam ni Dana anong gagawin kaya naman nanatili na lamang siyang nakaupo kasama si Wacky sa gitna ng daan.


Makaraan ang ilang sandali ay biglang nakarinig si Dana ng mga yapak kaya naman dali-dali siyang napatayo at napalingon sa direksyon ng pinanggagalingan nito.


Lumuluha man, agad na kumurba ang ngiti sa maamong mukha ni Dana nang matanaw si Cielo na naglalakad sa gitna ng daan at patungo sa direksyon nila. Unti-unti namang naglaho ang ngiting ito nang mapagtanto ng dalagang nag-iisa ang walang kaemo-emosyong si Cielo at hindi na nito kasama si Raze.

Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon