Bumukas ang pintuang gawa sa metal at lumabas dito si Sandy. Lumingon-lingon siya sa paligid. Walang tao. Naglakad ito tungo sa gitnang bahagi ng roof deck. Mula dito ay tanaw niya ang maliwanag na lungsod, ang tinaguriang sentro ng komersiyo sa Kamaynilaan, at ang mga gusaling nagsisipagtaasan. Dinig niya ang mahihinang busina ng mga sasakyan sa ibaba. Ramdam niya ang malumanay na simoy ng hanging dumampi sa kanyang pisngi. Pumapagaspas ang laylayan ng kanyang itim na slacks dahil sa banayad na simoy ng hangin.
"Hindi ka pwedeng magtago habang buhay. Lalabas ka sa lungga mo sa ayaw mo't gusto." Binaba niya ang dalang bag at mula dito ay inilabas niya ang lumang librong punit-punit. Nilapag niya ito sa sahig at lumuhod sa harap nito. Maingat niya itong binuklat. Tumigil siya sa isang pahina.
"Kadiliman sa kalawakan ako'y pakinggan, liwanag sa paligid ay iyong takpan." Binigkas niya itong muli nang mas malakas.
Mula sa kalangitan ay bumulusok ang maitim na usok na pumuntirya sa nakatingalang si Sandy. Mula sa kanyang pagkakaluhod ay tumayo siya nang dahan dahan habang sinasakluban siya ng maitim na enerhiyang bumalot sa kanyang pagkatao. Nakaangat pa rin ang kanyang mga kamay. Maya-maya pa ay nanuot sa kanyang pagkatao ang kadiliman ng kalawakan. Umitim ang puting bahagi ng kanyang mata.
Inikot ni Sandy ang tingin sa buong paligid. Tanaw niya ang maliwanag na lungsod. Blangko pa rin ang kanyang mukha. Inangat niyang muli ang kanyang mga bisig at pumikit. "Sa pamamagitan nito makukuha ko na ang atensiyon mo, tiyo. Hindi mo maaatim na walang gawin."
Sunod-sunod na nawalan ng ilaw ang bawat palapag ng gusaling kinatatayuan ni Sandy mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. Ilang sandali pa ay sunud-sunod na nawalan ng ilaw ang mga katabing gusali. Pati ang mga ilaw ng poste ay nangamatay. Ilang segundo pa ay lumawak ang kadiliman sa siyudad. Ang mga sasakyan ay nawalan ng ilaw at huminto sa kalsada. Nagkaroon ng ilang banggaan. Namatay lahat ng mga telepono, computers, at mga electronic gadgets. Binalot na nga ng kadiliman ang buong Makati at ang mga karatig lungsod.
Mula sa kinatatayuan niya ay dinig ang mga hiyawan at sigawan ng mga nagpapanic na tao sa malayo. Dinig din niya ang mga biglang pagpreno ng mga sasakyan, ang mga banggaan, at ang nagbabagsakang mwebles. Pero higit sa lahat, ramdam niya ang kakaibang sensayong dulot ng pangyayaring ito. Ngumiti siya.

BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
FantasyHighest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...