Chapter 39

3K 148 19
                                    


Habang minamaneho ni Ivan ang kotse pauwi ay di nito mawaglit sa isipan ang bagong kaibigan. Kahapon ay mas naging malapit sila sa isa't-isa, napagkwentuhan ang mga pribadong buhay at mga personal na bagay, mga bagay na hindi niya naibahagi sa ibang tao. Napapangiti si Ivan, ngunit sa kabilang banda ay nagtataka rin ito kung bakit ganoon na lang ang trato niya sa binatang hindi naman niya kaanu-ano. Oo, magaan ang loob niya dito. Naaalala niya ang kanyang nasirang kapatid sa tuwing nakikita niya ito. Gusto niya itong protektahan. Gusto niya maging kuya dito. Ngunit nagtataka siya kung bakit tila mas malalim pa ang kanyang pakikitungo kay Errol kaysa simpleng turingang magkaibigan o magkapatid.

Nang makita niya itong umiiyak dahil sa hindi nasukliang pag-ibig para sa matalik na kaibigang si Erik, nais nitong kunin ang kanyang kamay at sabihin sa kanyang sana siya na lang ang ibigin nito. Ngunit kaya ba niyang umibig sa kapwa lalaki? Ang mga iniisip ni Ivan ay nagbigay sa kanya ng mga tanong. Ang kalituhan ay nagpabagabag sa kanya. Bakla ba siya? Pero nagkaroon rin naman siya ng mga kasintahang babae. Nakipagtalik na rin naman siya sa mga babae.

Hindi kaya awa lang ang nararamdaman niya? Maaaring gusto niya lang sumaya si Errol, at kaya nitong ialay ang sarili makita lamang ang bagong kaibigang ngumiti.

Nang makita niyang naestatwa sa pagkakatayo si Errol nang makita siyang walang saplot ay napagtanto ni Ivan na wala pa ngang karanasan ang binata sa kapwa lalaki at iyon ang unang beses na makakita ito ng hubad na lalaki. Ibig sabihin kahit si Erik ay hindi pa nito nakitang ganoon. Bakit tila gusto niyang maging siya ang unang makapagbigay ng kaligayahan kay Errol? Tila ba ay gusto niyang maging pag-aari ang bagong kaibigan.

Kanina ay inaakit niya ito ngunit hindi ito bumigay. Dahil doon ay tumaas ang respeto ni Ivan kay Errol. Napangiti siya habang naiisip niya ang mga reaksiyon ni Errol. Alam niyang hindi ito sanay sa mga ganoong bagay. Kung ibang tao lang 'yun ay malamang sinunggaban na siya.

Sanay na rin si Ivan na pagpantasyahan, hindi lamang ng mga babae, ngunit pati na rin ng mga lalaki. Noong nasa kolehiyo ito ay nakakatanggap ito ng mga indecent proposals sa mga mayayamang estudyante at maging sa mga propesor nito. Nakakatanggap din ito ng mga malalaswang mensahe sa Facebook galing sa mga silahis na nais siyang matikman. Ngunit wala siyang pinapansin sa mga ito.

Pero bakit ba tila iba si Errol sa kanila? Noong mga nakaraang araw ay gusto niya lang itong makilala at maging kaibigan. Ngunit nitong huli ay gusto na niyang maging parte siya ng kanyang buhay, bilang matalik na kaibigan, bilang kapatid, o bilang kasama. Nalilito si Ivan sa mga tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi siya kailanman nagkagusto sa kapwa lalaki. Pero kanina nang gusto niyang ialay ang kanyang sarili kay Errol, hindi siya nagsisinungaling. Gusto niyang angkinin ni Errol ang pagkatao niya.

Ngunit higit pa doon, gusto niyang makitang ngumiti ito, at makita ang ningning sa mga mata nitong malamlam, mga ningning na hindi pa niya nasisilayan. Batid ni Ivan na sa likod ng maaliwalas na mukha ni Errol ay may nakakubling lungkot. Gusto niyang mapasaya ito. Ngunit paano?

Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi napansin ni Ivan ang pagtawid ng isang babae. Nataranta ito at agad na inapakan ang preno. Bumaba siya kaagad sa kotse. Nakita niya ang maputlang babae na may hawak na mga paper bags. Mukhang galing ito sa pamimili sa malamang tanging bukas na pamilihan sa bahaging ito ng lungsod.

"Miss, okay ka lang?" tanong ni Ivan na agad itong tinulungan upang kunin ang ibang natapong dala.

"I'm fine," sagot ng babae na naka flip flops, puting mini-skirt, at pink na tank top.

"I'm sorry," saad ulit ni Ivan na napatingin sa maamong mukha ng babae at natigilan.

"No, kasalanan ko rin. I crossed the street na hindi pa green ang pedestrian light. Buti na lang there are no cops around right now."

Hindi nakasagot si Ivan. Natulala lang ito sa mukha ng babae.

"What?"

"Wala. You're beautiful," saad ni Ivan na nakangiti dito. Teka, hindi pa nga pala siya naliligo. Naisip niya, sayang, dapat pala naligo na lang siya kina Errol. Oo, nga pala. Bigla nang nawaglit si Errol sa isip niya. Teka, instant crush ba 'to sa babaeng kaharap?

"I get that all the time," nakangiting saad ng babae sa mahinhin nitong boses na tunog Amerika. "Can you help me put my stuff in my car?"

"Sure, sure."

Nang mailagay nila ang lahat ng naibili ng babae sa kanyang kotse ay ngumiti ito kay Ivan. "Thanks!"

Tumango si Ivan, ngunit hindi kaagad ito umalis.

"Anything else?" tanong ng babae.

"Pwede malaman ang pangalan mo?"

"Oh, please!" Umiling ito at kinumpas nito ang palad sa harap ni Ivan. "Can't guys come up with a new style?" Umirap ito.

"I'm Ivan." Ngumiti si Ivan at nagpa-cute.

Sumimangot naman ang babae. "It's Diana."

"Thanks!"

Ngumiti nang sarkastiko ang babae at hinawi ang buhok nito. Pagkatapos ay tiningnan nito ang suot ni Ivan. "What are you wearing?"

Doon lamang napagtanto ni Ivan na nakashorts nga lang siya ni Errol at wala pang underwear. Pinahiram lang din pala siya ni Errol ng pinakamalaki nitong t-shirt na sa kanya ay hapit. Napakamot na lang si Ivan sa ulo. "Sige, Diana. Have a nice day. Sorry ulit." Nahihiya si Ivan na naglakad pabalik sa kotse niya. Narinig niya lang itong may sinabi bago sinara ang kanyang kotse.

"All right, thanks."

Nang makabalik sa kotse ay pinaandar na ito ni Ivan. Natawa siya sa nakakabwisit na tagpo. Pinalo na lang niya ang manibela habang natatawa sa sarili. Pero hindi rin mawaglit sa isipan niya ang itsura ng babae, ang maamo nitong mukha, ang malumanay nitong boses na kahit na nagtataray ay tila naglalambing pa rin, at ang maputi nitong balat na masarap hawakan. Tila ay natuwa si Ivan sa mga naiisip. Lalaki pa rin pala siya -- sa isip niya.


Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon