Chapter 10

5.9K 255 4
                                    


Alas nwebe na ng gabi. Kasalukuyang tinutugis ng mga pulis ang isang lumang van. Kahit sa kalumaan ng sasakyan ay kaya nitong tumakbo nang matulin. Halos hindi ito mahabol ng police mobile. Lumiko ang van sa isang makipot na daan na may mga tindahan sa gilid. Nagpulasan ang mga taong nakaupo at kumakain. Nahagip ng van ang iilang mga kariton ng fish ball at iba pang street food. Nakalabas ito sa makipot na daan at nailigaw ang humahabol na mga pulis.

"Pare, bilisan mo ang pagmamaneho! Kailangan maihatid na natin itong lintek na mga batong 'to." Balisa ang lalaking nasa passenger's seat. Pawis na pawis ito. Nakamasid sa labas ng kotse at lumilingon-lingon. May hawak itong baril at mukhang handang paputukin ito.

"Ito na yata ang pinakamahirap na ginawa natin para sa babaeng 'yon. Pagkatapos nito magpapalamig muna tayo." Nakatingin sa malayo ang lalaking nagmamaneho. Tumingin ito sa salaming nasa itaas ng windshield at sinulyapan ang maliit na baul na nasa likurang upuan.

"Bwisit na limang libo 'yan. Halos tatlong beses na tayong muntik madale! Dapat taasan ng bruha ang bayad sa atin!" sigaw ng lalaking nasa passenger's seat.

"Hihingi tayo ng dagdag sa tang-inang 'yon! Walang dagdag, walang epektos." Ngumisi lamang ang nagmamaneho.

Walang anu-ano'y sinalubong sila ng isang police mobile. Nagulantang ang dalawa sa wang-wang nito. Bumaba ang dalawang pulis mula dito.

"Baba!" sigaw ng isang pulis na nakatuon ang baril sa van.

Natahimik ang dalawang lalaki sa loob ng van. Nagtinginan ang dalawa. Maya-maya pa'y tumango ang nagmamaneho sa lalaking kasama na animo'y humuhudyat. Lumabas ng kotse ang nagmamaneho at inangat ang kamay nito.

"Dapa!" saad ng isang pulis na nakatutok pa rin ang baril sa lalaking nasa labas ng van.

Yumuko ang lalaki, tanda ng handa nitong pagsuko. Subalit lumingon ito sa kasamang nasa loob ng van at tumango. Iyon na ang hudyat. Walang anu-ano'y lumabas ang lalaking nasa loob ng van at mabilis na tinututok ang baril sa pulis at pinaputukan ito. Tinamaan ito sa dibdib at bumulagta. Gulat na gulat ang kasama nitong pulis. Sa gulat nito ay hindi na niya namalayang siya ang sunod na pinuntirya ng lalaking may baril. Tinamaan ito sa sentido. Nagsigawan ang mga taong nasa paligid.

Ngumisi lamang ang kanina'y nagmamaneho. Dumukot ito ng sigarilyo at sinindihan ito. Agad na pumasok ang dalawa sa van at pinaharurot ito. Nakalayo-layo na ang mga ito sa lungsod. Numipis na ang trapiko. Lumiko ang mga ito sa isang maliit na kalsada na wala gaanong mga bahay sa gilid.

"Muntikan na 'yun, ah," saad ng lalaking may baril. Nagsindi na rin ito ng sigarilyo. "Malapit na tayo. Ayoko na ipagpabukas pa ito."

Hindi umimik ang nagmamaneho.

Balisang-balisa pa rin ang may hawak ng baril. "Dapat hindi umabot sa patayan, eh. Matagal na akong di pumapatay, Lando!"

"Ihahatid na lang natin ang putang-inang baul na 'yan at magpapalamig na muna tayo." Palinga-linga ang nagmamaneho.

Tumutulo ang pawis ng may hawak sa baril. "Maraming testigo kanina. Maraming nakakita sa atin."

"Malulusutan natin 'to! Eh, nalusutan nga natin 'yung mga iba nating kaso, ito pa ba!"

"Ano ba kasi ang halaga ng mga putang batong nasa loob ng baul na 'yan?"

"Nakakapagtaka nga, eh. Mukhang mga walang halaga." Sinulyapan ng nagmamaneho ang baul sa likurang upuan. "Di ba nga pinatingnan natin ang mga 'yan dun sa pawnshop? Eh, ni singko di matanggap, eh."

"Lintek!" napasipa ang may baril sa dashboard. "Nagbubuwis tayo ng buhay sa mga walang kwentang batong 'yan!"

Katahimikan.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon