Tahimik ang kwarto ni Sandy. Nakahawi ang kurtina sa bintana nito kung saan dumungaw ang sikat ng araw na inilawan ng bahagya ang malungkot na silid na noo'y walang tao. Nakatanaw sa di kalayuan ang imahe ng lalaking naka-Amerikana, malinis ang buhok, walang balbas. Seryoso ang mukha nito sa larawan, animo'y naninipat. Malinis ang silid, halatang pinapanatiling maayos ng mga kasambahay.
Sa gitna ng katahimikan ay biglang lumitaw ang maitim na usok sa gitna ng ere. Lumaki ang usok na halos lamunin ang buong kwarto. Dumilim ang buong kwarto. Kahit ang sinag ng araw ay walang magawa kundi umurong sa tindi ng kadilimang bumalot sa silid.
Isang pinong tili ng isang babae ang pumunit sa katahimikan. Ilang segundo pa ang lumipas at lumakas na ang sigaw na may ngitngit. Sa gitna ng usok ay biglang lumitaw si Sandy.
"Mga walang silbi!" Tinumba ng babae ang bedside table at natapon ang plorerang nabasag sa sahig.
Unti-unting nawala ang madilim na usok at nagliwanag ang paligid. Bumalik ang sinag ng araw na bahagyang nagbigay ilaw sa kwarto.
Tiningnan ni Sandy ang larawan ng tunay na ama. "Papa, pinapangako ko na makukuha ko ang mga bato at maipaghihiganti kita at maipagpapatuloy ko ang nais mo." Galit na galit pa rin ito.
Biglang kumatok ang isa sa mga katulong. "Ma'am Sandy, kayo po ba iyan? Ma'am, may problema po ba? Parang narinig ko kasing may sumigaw."
Kinalma ni Sandy ang sarili. "Okay lang ako, Nida. May kukunin lang ako. Aalis din ako agad."
"Okay po, ma'am."
Narinig ni Sandy ang mga yapak papalayo sa kanyang kwarto. "Alam kong may sumabutahe sa plano. Ang tagaingat. Siya lamang ang maaaring... Oo, tama." Palakad-lakad si Sandy na kinakausap ang sarili. Agad niyang kinuha ang lumang kahon at binuksan ang lumang libro. Nagpupuyos siya galit habang binubuksan ang lumang aklat na may mga sulat-kamay ng mga orasyon. "Alam kong nasa iyo na ang mga bato. Pero hindi mo maaangkin ang mga ito."
Tumigil si Sandy sa isang pahina. Sandaling tiningnan nito ang nasa pahina at tumayo. Naglakad ito sa isang bahagi ng kanyang malawak na silid na may mga libro. Isinuong nito ang kamay sa bakanteng parte at may pinindot sa dingding. Biglang umikot ang dingding na may mga libro at lumitaw ang isang sekretong silid kung saan pumasok ang dalaga.
Dahan-dahang sumara ang dingding at naiwan si Sandy sa madilim na silid. Agad na sinindihan nito ang limang kandila. Nailawan ang madilim na kwarto. Lumitaw ang mga lumang kabinet na may mga lalagyan ng mga dahon, kakaibang uri ng bato, mga buto, bungo ng tao, at kung anu-ano pa. Sa isang sulok ay may lumang kalderong nakapatong sa isang bilog na mesa.
Nilapag ni Sandy sa sahig ang mga kandila at pinormang pentagono. Agad na may kinuha ang babae sa kabinet. Isang boteng may lamang puting powder na parang asin. Binudbod niya ito sa sahig na lumikha ng linyang kumonekta sa mga kandila. Kasunod ay kumuha siya ng tuyong palaspas, at pagkatapos ay pumasok sa pentagong ginawa, pumikit, lumuhod, at pagkatapos ay umupo na hawak ang palaspas na itinaas-baba nito habang nakapikit.
"Kinaroroonan ng matandang tagaingat ipakita sa akin..."
Nilakasan pa niya ang pagbigkas sa orasyon. "Kinaroroonan ng matandang tagaingat ipakita sa akin!"
"Kinaroroonan ng matandang tagaingat ng mga bato ipakita sa akin!"
Biglang lumakas ang apoy mula sa mga kandila at nagliwanag ang silid. Kita sa ningning ng mga mata ni Sandy ang paglagablab ng apoy. Biglang lumitaw ang mga imahe sa apat na dingding ng silid. Mga imahe ng Kamaynilaang napapalitan ng mga imahe ng kabundukan, kagubatan, karagatan, at kabahayan. Ngunit mas tumindi ang liwanag na sumilaw kay Sandy. "Hindi maaari!"
Lumitaw ang galit na anyo ng matanda sa bawat sulok ng silid at nagwika ito. "Sino ka!" Agad umangat ang mga apoy sa ere at nilisan ang mga kandilang naiwang umuusok sa sahig. Naging hugis bilog ang limang apoy at pinalibutan ng mga ito si Sandy. Nagpaikot-ikot ang mga ito papalapit sa babaeng tila ay walang nagawa kundi pagmasdan ang mga naglalarong ilaw.
"Ibigay mo ang mga bato!" sigaw ni Sandy.
Namamaos man ay napasigaw ang matandang ang mga imahe ay nasa bawat dingding ng maliit ng silid ni Sandy. "Hindi kita kilala. Kung anuman ang balak mo itigil mo na. Hindi ka magtatagumpay."
"Ikaw ang hindi magtatagumpay." Inikot ni Sandy ang kanyang mabalasik na tingin sa bawat sulok ng silid na iyon. "Pagbabayaran mo ang kapangahasan mo. Hindi lamang ikaw ang ang may kakahayahang kontrolin ang liwanag at dilim." Sa pagkakataong ito ay ngumisi si Sandy. Inangat niya ang mga bisig. Pumwersa siya at pumikit.
Tumigil sa pag-ikot ang mga bola ng liwanag. Nanginig ang mga ito sa ere. Tila ay nilalabanan ng mga ito ang salamangka ni Sandy, ngunit nilakasan pa ni Sandy ang kanyang pwersa at nagpakawala ito ng isang sigaw. Agad na nagliparan ang mga ilaw tungo sa mga dingding. Nalusaw ang mga imahe ni Melchor. Bumalik ang kadiliman.
BINABASA MO ANG
Enchanted Series 1: Ang Huling Tagaingat
خيال (فانتازيا)Highest Ranking #15 in Paranormal SYNOPSIS: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap...