Chapter 24

4.1K 196 12
                                    


Pagbalik ng ilaw ay agad na nabuksan ni Erik ang pintuan sa bahay nina Errol matapos ilang beses itong itulak at marahas na ikut-ikutin ang doorknob. Tumambad sa kanya ang tila balisang kaibigan na yakap-yakap ng walang pang-itaas na si Ivan. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman sa nakita.

"Ivan, ano yan? Bitiwan mo si Errol," saad ng gulat na si Erik matapos makita ang walang pang-itaas na si Ivan habang nakayakap sa humihikbing si Errol. Inilapag nito ang biniling pagkain sa mesa sa sala at lumapit sa dalawa.

"Pare, easy ka lang," saad ni Ivan.

"Errol, napa'no ka?" Mabilis na tinungo ni Erik ang kinaroroonan ng dalawa. "Bakit ka umiiyak? Ivan, ano'ng ginawa mo?"

Hindi nakaimik si Errol.

"Nagpanic kasi siya nung mawala ang kuryente," saad ni Ivan na binaling kay Errol ang tingin. "Tahan na. Okay na. May kuryente na." Niluwagan na ni Ivan ang pagkakayakap sa binata hanggang sa bitiwan niya na ito.

Nakatitig si Erik sa kaibigang balisa. Hindi niya alam kung yayakapin ba ito o ano. Nahahabag siya rito. Gusto niya rin ipakita rito na nasa tabi siya nito kung kailangan niya ng karamay, ngunit bukod sa ayaw niyang mabigyan ito ng ibang kulay ng kaibigan, ayaw niya ring maging sanhi ito ng pagdududa sa kanila ni Shanice. Kahit hindi mabigkas ni Erik kahit kanino ay alam nito sa sarili na malalim ang ugnayan nila ni Errol. Ngunit ayaw niya itong bigyan ng anumang kahulugan. Ang alam niya ay isa siyang matalik na kaibigan. Ayaw niyang magkaroon ulit ng malisya ang anumang namamagitan sa kanila.

"Errol, okay ka na ba?" tanong ulit ni Erik.

Tumango lang ang kausap. "Pwede ba magbanyo muna ako?" saad nito sa garalgal na boses.

Nang makaalis si Errol ay inusisa ni Erik si Ivan. "Ano ba'ng nangyari?"

"'Yun nga, pare. Nung namatay ang ilaw natakot siya. May phobia ba siya sa dilim?"

"Parang wala naman."

"Ah, ganun ba? Kasi parang takot na takot siya kanina."

"Pare, wala talaga akong maalala na may phobia si Errol."

"Teka linisin ko na muna tong mga nabasag." Yumuko si Ivan at hinakot ang mga basag na piraso ng salamin sa sahig.

"Tulungan na kita." Yumuko na rin si Erik at nakihakot ng mga basag na di alintana na maari silang masugatan. "Kunin ko muna yung trashcan sa gilid." Nang makabalik ay nakita niyang hawak ni Ivan ang isang litrato.

"Nagpanic kasi siya kanina tapos natabig yata 'yung vase at itong picture frame."

"Lumang family picture ng nanay ni Errol," saad ni Erik na napangiti.

"Malamang mom ni Errol 'tong nasa gitna."

Tumango naman si Erik. "Yang nasa gilid sa kanan lolo ni Errol."

"Tatay ni Aling Celia?"

"Yup. Matagal nang hindi nila nakikita yan."

"Ano'ng nangyari sa kanya?"

"Mahabang kwento. Basta nung iniluwal si Errol hindi na nila nakita ang lolo niya." Kinuha ni Erik ang picture frame at nilapag sa pwesto nito sa estante.

"Matagal na talaga kayong magkakilala?"

"High school kami ng naging matalik kaming magkaibigan."

"Talaga?"

"Hindi naman mahirap kaibiganin 'yun. Mabait. Tas matalino pa."

"Mukha nga."

"Sa kanya ako nangongopya dati." Nakita ni Erik na napangiti si Ivan.

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon