Chapter 2

7.2K 343 37
                                    

Ang tawag po sa uri ng narration na meron tayo ay third person narration o third person POV. Alam ko, marami sa inyo ay sanay sa first person narration. Bale dito sa narration na ito, ako ang naglalahad ng kwento at hindi ang mga karakter. 

--------------

"Uy, bakit ka tumatakbo?"

"Ay, shit!" Ito na lamang ang namutawi sa tarantang-tarantang si Errol na nilingon ang kanina'y kinaroroonan ng matanda, ngunit nawala na ito. Hinabol niya ang hininga, halatang balisa.

"Uy, napa'no ka?"

Doon lamang napansin ni Errol ang lalaki. Wala siyang maisip na idahilan. "Ah, um, wala... Wala." Agad naman siyang nabigla nang mapagtanto kung sino ang lalaking kumakausap sa kanya. "Ivan?"

Nakangiti lang si Ivan habang tinatanggal ang helmet niya. "Napano ka? May humahabol ba sa'yo?"

"Ah, wala. Akala ko kasi, eh, ah..."

"Angkas na. Sabi ko naman kasi sa'yo hatid na lang kita."

Bakit ba ganito 'tong lalakeng 'to? Hindi naman mapigilan ni Errol na matulala, subalit pilit nitong ginising ang diwang nakahimlay sa matamis na ngiti ng binatang kaharap nito. "Sige, di na ako tatanggi."

"Ano ba'ng nangyari? May humahabol ba sa'yo?"

Hindi alam ni Errol ano'ng isasagot. Baka isipin pa ng kausap niya na nagha-hallucinate siya. "Wala. Naisip ko lang na takbuhin ang sakayan. Baka kasi maubusan ako ng masasakyang jeep." Mabuti naman at nakaisip siya ng alibi habang mabilis na umangkas sa motor.

"Marami namang jeep kahit na hatinggabi na." Pinaandar na ni Ivan ang motor.

"Ah, ganon ba? Di kasi ako madalas lumabas ng bahay kaya hindi ko alam," sagot ni Errol sabay tawa kunyari. "Teka, sinundan mo ba ako?"

"Ah, hindi. Dito kasi daan ko pauwi. Napansin ko lang may tumatakbo, tas ikaw pala."

"Ahhh..." Walang ng ibang maisip na sabihin si Errol. Nakahawak lamang siya sa likurang bahagi ng motor at dinama ang pagtama ng hangin sa kanyang pisngi.

Ilang minutong katahimikan ang dumaan.

"Bro, turo mo lang 'yung direksiyon papunta sa inyo, ha."

Napangisi naman si Errol sa pagtawag sa kanya ng "bro." "Sure. Diretso lang muna. Sasabihan lang kita kung san liliko." Hindi pa rin niya mawari kung bakit ganito na lang kabait ang taong nagpaangkas sa kanya gayong hindi pa naman sila lubusang magkakilala. "Ivan, salamat nga pala ha."

"Di ba nagpasalamat ka na kanina?"

"Basta, salamat."

"Mag-isa ka lang ba?"

"Oo, eh."

"Mag-isa kang pumunta sa bar?"

"Dapat magkikita kami ng pinsan ko."

"O, tapos?"

"Di sumipot. May emergency daw."

"Madalas ka ba magbar?"

"Hindi."

"Halata nga."

"Halata ba?"

"Oo, kasi mukha kang nerd."

"Wala naman akong makapal na salamin, ah."

"Yung suot mo di pang bar. Para kang may pupuntahang seminar."

Natawa si Errol.

"Tama ako, di ba?"

"Hindi nga kasi ako nagbabar."

Enchanted Series 1: Ang Huling TagaingatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon