Prologue

8.9K 155 4
                                    

Isla ng Siquijor, maraming taon na ang lumipas...

MATAGAL na tinitigan ng babae ang kubo ilang metro ang layo sa malalim na bangin na sa ibaba ay ang napakagandang karagatan. Ang maaliwalas na kalangitan ay kakulay ng bughaw na tubig. Payapa ang dagat, sing-payapa ng pintig ng kanyang puso. Patunay ang pintig na iyon na tama ang lugar na kanyang napili sa Pilipinas.

Pumikit ang babae at maingat na dinama ang sariling dibdib. Kasabay ng naramdaman niyang buhay na pintig sa kanyang puso ang paglitaw ng mga imahe sa kanyang diwa. Mga imahe na bumuo ng mga eksena. Mga eksena na malinaw niyang nakita sa kanyang pangitain bago pa man siya tumuntong sa lugar na iyon.

Niyuko niya ang sanggol na babae sa kanyang bisig. Payapa ang tulog ng sanggol, tila isang anghel na namamahinga. Walang malay sa naging paglalakbay nila. Sa mga susunod na araw ay ang napakagandang kapaligirang iyon ang magigisnan nitong mundo. Ang mundo kung saan susundin at isasakatuparan ng sanggol ang nakatakdang tadhana—at siya ang magsisimula sa mga paunang pag-ukit sa nakatakdang kapalaran ng kadugong nasa kanyang mga bisig nang sandaling iyon. Huhubugin niya ang sanggol bilang kanyang kahalili, ang magpapatuloy sa kanyang misyon sa buhay ng nga Fedeo. Sa pagdating ng araw nang nakatakda niyang paglisan ay titiyakin niyang sapat na ang kakayahan ng sanggol para sumunod sa yapak niya...sa daang patungo sa liwanag.

Maingat na hinagod ng babae ang manipis na buhok ng sanggol—ngumiti ang inosenteng nilalang sa pagtulog na para bang naunawaan ang damdamin niya at tinatanggap nito ang iniaatang niyang responsibilidad. Sumilay sa kanyang labi ang ngiti, napakaganda ng nakangiting anyo ng sanggol sa pagtulog.

"Ei vi eera musi revi rai firsi," bulong niya. "Cu etsu nuri, eera ni..."

Maingat na pinahilig niya sa sariling dibdib ang sanggol upang magawa niyang ilahad ang kanang kamay sa ere.

"Irama dein qui mi la fei..." bulong niya sa hangin. Isang bulong ng pagpapakilala. Isang bulong nang paghingi ng pagtanggap mula sa kalikasan na hindi siya pamilyar, sa kapaligirang ang enerhiya ay hindi pa niya kaisa.

Muli ay pumikit si Irama, mas itinaas ang nakalahad na kamay sa ere. Unti-unting napalitan ng liwanag ang eksena sa kanyang diwa. Liwanag na humigop sa mga eksenang buhay niyang nakita sa isip.

Huminga si Irama nang malalim kasunod ang marahang pagsilay ng ngiti sa mga labi. May tugon na ang kanyang pagtawag. Naramdaman niya ang paparating na bagay. Lumapag iyon sa naghihintay niyang palad. Nagmulat siya, naroon na sa kanyang palad ang isang tangkay ng puting rosas.

Muli niyang hinayaang lumutang sa ere ang rosas. Mayamaya pa ay naghiwa-hiwalay na ang mga puting talulot. Ang ilan ay nanatiling nasa ere at nilalaro ng hangin habang ang mga natitira ay magkakahiwalay na humalik sa tubig ng karagatan sa ibaba ng bangin, at sa tuyong lupang kanyang kinatatayuan.

Dinama ni Irama ang katahimikan.

Ang haplos ng hangin...

Ang tunog ng paghampas ng alon sa dalampasigan...

Ang lamig ng lupang humahalik sa kanyang talampakan...

Marahang dumilat si Irama. Nagawa na niya ang pakay. Alam na ng kalikasan ang kanyang pagdating. At sa kanyang pagbabalik ay hindi na siya mag-isa—kasama na niya ang sanggol sa kanyang pangitain.

At sa lugar na iyon magsisimula ang nakatakdang tadhana ng sanggol—ang kanyang apo. Sa lugar na iyon rin isisilang ang tatlong mortal na katapat ng mga espesyal na sanggol na Fedeo ilang siglo pa mula ngayon. Magsisimula na siya sa paghahanap sa tatlong babaeng pagmumulan ng mga espesyal na sanggol na ang mga tadhana ay kaugnay ng liwanag—sa islang iyon magmumula ang unang babae.

Ang dalawa pa ay malalaman rin niya sa pamamagitan ng pangitain. Ang natitiyak niya ngayon, ang sanggol na Pinili ay darating sa bansang iyon...

Ang pinakamamahal niyang eera na ang gagabay sa mga Fedeo at magsisilbing liwanag na tatanglaw para mabuo ang magkakaugnay na tadhana ng mga Fedeo at mga sanggol na mortal na isisilang sa hinaharap. Sa sanggol na iyon na kanyang kadugo, ang napili niyang Gabay ay nakasalalay ang pangingibabaw ng liwanag o ang tuluyang pagsakop ng dilim.

Hindi pa man dumarating ay nakikita na niya na mahaba ang paglalakbay na tatahakin ng sanggol na kanyang pinili, gaya ng espesyal na sanggol ng Fedeus. Ang kalikasan at ang puso ng bagong Gabay na nasa panig ng liwanag ang magiging sinag na susundan ng sanggol para matupad ang mabigat nitong tungkulin sa mga Fedeo ganoon rin sa mga mortal na mapapaugnay sa mga Fedeo na nasa panig ng liwanag.

Hindi na matatakot pa si Irama na harapin ang nakatadhana niyang kamatayan sa mga susunod na siglo. Maging ang paghaharap ng mga dugong dapat ay pareho niyang pinangangalagaan ay hindi na naghatid pa ng kaba sa kanyang puso. Ang magagawa na lang niya ay ihanda ang kanyang panig. Ang nakatadhana ay hindi kailanman mapipigilan.

Sa hinaharap, ang lahat ng kanyang pangitain ay magaganap...


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon