Ang Gabay at si Maestro

2.1K 79 0
                                    

Barangay San Francisco

Few months later...

ITINAGO ng dilim ang presensiya ni Irisha sa bahaging iyon ng gubat. Dapat lang. Hindi pa panahon para ilantad ang sarili. Mananatili muna siyang nasa paligid, naghahanap... at nagmamasid sa bawat kauring matatagpuan sa iba't ibang lugar sa bansang nagkanlong sa kanya ng mahabang panahon. Wala siya sa bansang ito kung hindi sa misyong iniatang sa mga balikat niya ng isang mahalagang taong nananatiling matapat sa lahing pinagmulan.

Si Irama, ang abuela ni Irisha na nasa bingit man ng panganib ay inuuna pa rin ang tungkulin kaysa pangalagaan ang sariling buhay. Isa iyon sa maraming dahilan kung bakit lubos niyang hinahangaan ang kanyang maestra. Ang mabubuting gawain nito para sa lahing pinagmulan ang dahilan ng mataas niyang respeto rito. Karapat-dapat ito sa tungkulin noon at hanggang ngayon.

Hindi niya alam kung nasaan ito sa kasalukuyan pero nararamdaman ni Irisha na nasa panganib ang abuela. Ganoon pa man, hindi niya maramdaman ang pagtawag nito. Isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi nito nais na hanapin niya. Gusto nitong unahin niya ang kanyang misyon kung bakit naging mamamayan siya ng bansa ilang dekada na ang lumipas. Dapat niya munang hanapin ang mga kauri at palihim na subaybayan ang pamumuhay ng mga ito. At sa tamang panahon, ipapataw niya ang parusang nararapat kapag napatunayan niyang nilalabag ng mga kalahi ang batas ng mga Livin at ng Samahang itinatag niya.

Naitatag nga ni Irisha ang Liwanag. At maging siya ay hindi inaasahan ang katapatan ng mga pinili niyang 'rayos'. Pagkalipas lang ng halos anim na buwan ay isa nang matatag na samahan ang Liwanag. Sa kasalukuyan ay wala pang alam ang mga kasamahan niya sa mga lakad na mag-isa siyang kumikilos. Una siyang laging kumikilos lalo na pagdating sa mga kauri. Kapag sapat na ang mga impormasyong hawak ay saka niya ipapasa ang plano at kikilos sila ayon sa batas na sinusunod ng grupo.

Bilang lider ng Liwanag, nasa kanya ang huling pagpapasya. Personal niyang isinagawa ang paghahanap sa mga kauri para sa mas kongkretong impormasyon. Hindi siya kailanman nagkamali sa mga desisyon sa Samahan kaya siya mismo ang nagsagawa ng personal na imbestigasyon.

Naramdaman ni Irisha ang init na unti-unting nabuhay sa Araw, ang suot niyang kuwintas mula sa iginagalang niyang ninuno. Ang Araw na lingid sa lahat ay isang espesyal na medalyon. Araw, dahil iyon ang simbolo ng liwanag na nagdadala ng lakas sa puso ng mga Livin, ang lahing pinagmulan niya. Kilala siya at ang mga ninuno niya bilang Taga-Timog. Liviron ang tahanan nila, ang haligi ng Fedeus sa Timog bago gumuho noon ang Kaharian ni King Gronovan kung saan isa sa mga nabuhay ang abuela niyang nagkamit din ng sumpang namana niya bilang apo sa ikalawang henerasyon.

Ang Araw ang gabay ni Irisha mula pa noong nagsimula siyang maglakbay sa landas na pinagdalhan sa kanya ng abuela. May rayos ang Araw, simbolo ng liwanag. Sa gitna niyon ay apat na maliiit na buhay na bato. Ang mga batong iyon ang nagsasabi sa kanya kung saang dugo kabilang ang isang kauri na kanyang natatagpuan.

Niyuko niya ang Araw. Kumikislap na animo alitaptap ang pulang bato sa gitna niyon—ah, isang Dark Feeder ang kanyang natagpuan sa nayong iyon. Isang kauri na mas nauna sa henerasyon niya. Isang Taga-Silangan. Mabilis niyang tinandaan sa isip ang anyo ng lalaki. Pagdating sa kanyang tinutuluyan sa probinsiyang iyon ay maiguguhit na niya nang malinaw ang anyong iyon, at saka niya aalamin kung sino ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik.

Isa ba ang lalaki sa mga kaaway o sa kakamping hinahanap niya at kailangang matipon bago maging huli ang lahat?

Pumikit si Irisha. Pinagdaop ang mga palad at ibinulong ang pamilyar na mga kataga—kailangan niyang lumikha ng proteksiyon sa sarili. Hindi siya dapat maramdaman ng kauri na natagpuan niya sa lugar na iyon.

Mayamaya ay marahan siyang dumilat. Bukod sa kanyang kuwintas, may isa pa siyang gabay sa misyong iyon—ang Puting Anino, ang mahiwagang libro mula sa kanyang tagapagturo. Mga puting pahina lamang ang makikita ng ordinaryong kauri niya sa librong iyon. Isang blangkong libro subalit sa isang haplos niya sa pahina ay lumalabas ang mga sekretong impormasyong kailangan niya sa kanyang misyon. Isa sa mga pahinang iyon ang nagturo sa kanya sa nayon na iyon kaya naroon si Irisha. Nanggaling na rin siya sa Laguna kung saan ay personal niyang sinubaybayan ang tatlong kauri—at nakita mismo ng mga mata niya ang tatlo. Nasa isang pribadong Resort naglalagi ang apo ng mga Orihinal.

At sa mga susunod na araw, tutuntong sa resort ang isa sa tatlong sanggol na Fedeo, iyon ang ipinakita sa kanya sa isang pahina ng anino. Ang Araw at ang Puting Anino ang mga gabay niya sa maraming taong lumipas na nagsimula siyang maglakbay mag-isa para sa misyong nakaatang sa kanyang mga balikat. Alam ni Irisha na hinding-hindi siya ililigaw ng mga pahina niyon.

Hindi muna siya kikilos. Kailangan pa ni Irisha na magmasid sa nayong iyon. Nag-iisa lang ba ang kauri sa lugar?

Base sa liwanag ng kanyang kuwintas, namumuhay ang kauri na nasa nayong iyon nang naayon sa batas na sinusunod din niya. Kung ang isang kauri ay namumuhay nang labag sa batas ng balanseng pamumuhay ay nararamdaman niya iyon: Ang pagsalungat ng enerhiya nilang taglay, at paghina niya bunga ng negatibong enerhiyang nasasagap, ay mga palatandaan na ang isang kauri niya ay nasa panig ng dilim.

Isang mabuting Feeder ang natagpuan ni Irisha sa lugar pero kailangan pa niyang alamin kung bakit mas pinili nitong itago ang sarili sa liblib na nayon na iyon kaysa hanapin ang mga kauri nila.

Ilan pa kaya ang tulad nito na matatagpuan niya sa mga susunod na araw?

Nagpasya si Irisha na umalis na muna sa lugar. Ibinaba niya ang proteksiyon sa sarili na nilikha niya. Hindi masama kung iparamdam niya muna sa kauri ang kanyang presensiya bago siya tuluyang umalis.

Babalik siya sa ibang araw...

Sa isang kumpas ng kamay ay lumikha siya ng puting-puting usok. Nag-iwan din siya ng ilang piraso ng mga talulot ng puting rosas sa lugar. Isang palatandaan iyon kung ano at sino siya.

Isang tunay na dugong Livin.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon