SA DIBDIB kaagad lumapat ang kamay ni Vio hindi pa man siya nagmumulat ng mga mata. Wala siyang naramdamang sakit pero bahagyang basa ang bahaging iyon ng kanyang dibdib. Nagmulat siya ng mga mata.
Silid.
Isang tahimik na silid?
Bumalikwas siya ng bangon, naging alerto ang lahat ng pandama. Nakiramdam siya nang ilang sandali. Walang kakaibang enerhiya sa paligid. Walang kauri na naroon. Boses ng mga mortal ang nasagap ng pandinig niya. Dalawang boses babae na nagpapalitan ng pangungusap tungkol sa isa sa mga silid.
Nasa motel siya.
Napahagod si Vio sa batok kasunod ang malutong na mura sa isip. Ano'ng nangyari sa kanya? Sino ang babaeng iyon na natitiyak niyang kilala siya? Na alam ang sentro ng kanyang kahinaan pero hindi sinadyang ibaon doon ang patalim. Hindi magagawa ng isang ordinaryong mortal nang tama ang ginawa nito—ang saksak na hindi manganganib ang buhay niya, saksak na gamit ang jara. Ang Jara ay isang espesyal na armas na likha ng mga Livin. Stake na balot ng dugo at enerhiya ng mga ito. Ginagamit para sa madaliang paghina ng isang Feeder. Maitutulad sa jedum dagger ng mga Orihinal ang jara. Ang kaibahan lang, napapaghilom ng isang Livin ang sugat ng jara gamit ang sariling enerhiya. Samantalang ang jedum dagger ay hindi naghihilom ang sugat, walang silbi kahit ang kapangyarihan ng isang Livin. Sigurado siyang jara ang ginamit sa kanya ng babaeng iyon na hindi niya makakalimutan ang emosyon sa mga matang para bang sinusumbatan siya.
Pumikit si Vio at napasabunot sa sariling buhok.
Sino ang babaeng iyon? Ano ang pakay sa kanya? Sa tagal nila sa Pilipinas, unang pagkakataon iyon na may kauri na nagpaparamdam sa paligid. Kung ginusto ng babaeng iyon ay napatay na sana niya nang wala man lang laban.
Hindi siya makapaniwala sa nangyari.
Bakit hindi niya naramdaman na isang kauri ang nilapitan niya?
Gising ka na ba?
Biglang napadilat si Vio. Hindi pamilyar na boses ng babae ang narinig niya. Mabilis na umikot sa paligid ang tingin niya. Ang tunog ng aircon ang pinakamalakas na tunog sa silid na iyon. Walang babae. Mag-isa lang siya.
Pumikit siya.
Nasaan ka?
Hindi mo malalaman.
Gustong magtagis ng ngipin ni Vio. May kung ano siyang init na nararamdaman sa loob niya—sa mismong parte ng naghilom niyang sugat. Nakuyom niya ang kamay. Ginamit ng Livin na iyon ang jara para buksan ang koneksiyon sa pagitan nila gaano man kalayo ang distansiya. May natural na kakayahan ang isang gaya niyang New Feeder na makipag-usap gamit ang isip ngunit may limitasyon ang distansiya. Malalaman rin kaaagad niya kung nasaan ang kanyang kausap.
Na hindi niya magawa nang sandaling iyon. Mas nag-focus siya. Sinikap hanapin ang pinagmumulan ng enerhiya subalit ang enerhiyang nasa loob niya ang mas malakas niyang nararamdaman, hinaharang ang sarili niyang enerhiya.
Livin. Isa kang Livin. Ano'ng kailangan mo sa akin?
Malalaman mo rin.
Sabihin mo. Ngayon na.
Kaya mo bang alamin?
Damn you, woman!
Oh. Damned? So are you.
Nanggigigil na isinara ni Vio ang isip subalit nag-init muli ang isang bahagi ng dibdib niya.
Hindi mo ako matatakasan.
Boses uli ng babae sa isip niya. Malakas siyang napamura. Tusong babae. Tama nga siya. Livin ang babae. Livin na pamilyar sa laro ng lahi nito. Wala na nga siyang takas. Gamit ang jara ay nagawa nitong itawid sa kanya ang sariling enerhiya na magsisilbing buhay na koneksiyon sa pagitan nila na hindi niya magagawang putulin. Malalaman ng babae kung nasaan siya at makakausap siya anumang sandali, habang siya ay walang kahit anong masasagap rito.
What do you want?
You.
Napadilat si Vio. Biglang nalito na hindi pa nangyari sa kanya. Hindi dapat pero iba ang naging dating sa kanya ng 'You' Masyado na yata siyang nasasanay kasama ang mga babaeng mortal kaya pakiramdam niya ay mortal na rin siya, na ang emosyon ng mga ito ay emosyon na rin niya.
'You want me?
Wala nang sagot.
Napailing si Vio. Ang isa pang nakakainis sa ganoong usapan ay siya lagi ang nasa panig ng talo. Magagawa ng babae na kausapin siya anumang oras, at tumigil rin anumang sandali na hindi man lang niya malalaman kung nasaan ito.
I want you naked, Feeder.
Bigla ay tila mga mandirigma ang pagsugod ng mga imahe sa isip ni Vio matapos marinig ang babae. Mga imahe nilang dalawa ng isang babaeng perpekto ang katawan ngunit malabo ang mukha. Mga imahe na nagsimula sa simpleng hawak ng kamay, nauwi sa maiinit na palitan nila ng halik hanggang sa pagniniig na—malakas na boses ng babae ang pumutol sa mga eksena. Bumagsak sa lupa ang lahat ng imahe na nakikita ni Vio. Napagtanto niya na wala palang buhay ang mga iyon, mga larawan lang na dumaan sa diwa niya.
Naked...and dead! You, beast! Wala na bang ibang laman 'yang isip mo kundi kalaswaan?
Hindi pinigilan ni Vio ang malakas na halakhak. May paraan pala para uminit ang ulo ng babaeng ito na nagagawang pasukin ang isip niya—ang punuin ng malaswang imahe ang utak niya hanggang hindi na nito matagalan, hanggang mapilitan ito na isara ang komunikasyon sa pagitan nila.
Naging tahimik na ang isip niya mayamaya.
Napatingin si Vio katabi niya sa kama—isang nakatumbang bottled mineral water ang nasa kama, sa ilalim ay isang...note?
Napakunot noong inabot niya ang note at mabilis na pinadaanan ng mga mata.
Mas malakas ang naging pagmumura niya.
Livin na kadugo ni Irama!
Mabilis na ibinulsa ang note at nilibot ng tingin ang paligid. Nawalan na siya ng interes na ituloy ang lakad ng gabing iyon. Hindi rin muna siya uuwi ng Red Paradise. Maghihintay siya muling pagpaparamdam ng babae.
Pagsapit ng hatinggabi, tinatawagan niya si Yshael. Nagtagal ang usapan sa mesei ng Fedeus na halos dalawang taon na nilang hinahanap—si Irama, ang Gabay ng mga Feeders, ang nangangalaga noon sa batong Topaz.
Matagal na nanahimik si Yshael pagkatapos niyang banggitin ang pangalan ng Livin na kilala nilang lahat.
"El?" may kakaiba siyang naramdaman sa biglang pagtahimik ng kaibigan.
"Malapit nang matapos ang paghahanap natin kay Irama." Pantay na sabi ni Yshael. May nahimigan siyang kakaiba sa boses. Kadalasan, ang ganoong tono ng doctor ay kasunod ang isang masamang balita.
BINABASA MO ANG
CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.
VampireClub Red Book 3. NOTE TO READERS: UNEDITED version po ni Vio ang mababasa n'yo. 'Wag magulat sa mga typos and other error. :) Available in ebook: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/2460/Club-Red-Vio-(Sunset-And-You) Paperback: https...