Si Vio Gallet

1.8K 62 0
                                    

HINDI mapigilang ngumisi ni Vio matapos ang pagmamasid sa paboritong dilaw na bulaklak. Sa dami ng klase ng bulaklak sa paligid ng antigong mansiyon, ang dilaw na bulaklak na iyon ang hindi maiwan ng kanyang mata niya. Hindi dahil taon ang binilang niya para makuha ang perpektong kombinasyon ng lupa kung saan mabubuhay ang bulaklak na iyon na mula pa sa kagubatan ng New Fedeus. Hindi rin dahil iyon ang pinakamagandang ligaw na bulaklak. Hindi rin dahil iyon ang nag-iisang bulaklak sa paligid na hugis puso ang mga talulot. Hindi rin dahil iyon ang bulaklak na kakulay ng kanluran tuwing bumababa ang araw—ang paborito niyang oras. Ang oras na ligtas na siya sa parusang hatid ng sikat ng araw.

Wala sa Pilipinas ang bulaklak—sa hardin lang ng mansiyon makikitang tumubo iyon at nabubuhay dahil sa espesyal na lupang siya mismo ang paulit-ulit na nag-eksperimento hanggang makuha niya ang perpektong kombinasyon na kailangan ng bulaklak.

Sa Fedeus, Ji'ehria, ang maikling tawag sa ligaw na bulaklak na iyon na matatagpuan lang sa kagubatan ng Liviron. Ji'ehria na pinaikling Ji iehu eim ria—o flower of the cold hearts, na hindi alam ni Vio kung tumutukoy sa mga Livin na mas pinangangalagaan ang kapangyarihan kaysa sa emosyon o dahil hugis puso ang talulot ng bulaklak at para bang itinatago ang tunay na hugis sa sikat ng araw. Bumubukadkad ang mga talulot ng Ji'ehria kapag palubog na araw kaya naman sa gabi iyon pinakamaganda, lalo sa mga oras na humahalik na sa mga talulot ang hamog.

Siya naman ang dahilan kung bakit may Ji'ehria sa Pilipinas kaya binigyan na rin ni Vio ng sariling pangalan sa Pilipinas ang dilaw na bulaklak—Sunset flower.

Hindi ang pagiging iba ng bulaklak ang dahilan kung bakit napapangiti siya tuwing mapapatitig sa sunset flower. Ang totoo ay ang bulaklak na iyon ang ginamit niya para malinlang ang isang batang Livin na singbangis ng maliit na tigre. Gamit ang dilaw na bulaklak ay nalinlang niya ang batang mesei. Ang batang hindi man lang niya nakilala bago nawala sa Liviron noon.

Nasaan na kaya ang batang mesei na iyon na siguradong bibigyan siya ng masidhing sakit ng ulo kapag nagkita sila at nalamang siya ang batang nanlinlang rito noon?

Napangisi si Vio sa alaala.

Naging kakabit na talaga ng ji'ehria ang batang mesei. Tuwing titingin siya sa bulaklak, ang bata kaagad ang nakikita niya sa isip—pati ang talim ng luhaan nitong mga mata na nakatitig sa kanya habang pinagbabantaan siyang pagbabayarin sa ginawa niya, ay malinaw na natatandaan ni Vio...


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon