Mga Posibleng Solusyon

1.2K 44 1
                                    

SA ROOF Deck ng Feeders mansion natagpuan ni Irisha sina Devon at Yshael. Hinintay talaga niya ang pagdating ng dalawa. Gusto niyang makausap isa man sa mga ito. Tatlong araw na mula nang umalis si Vio nang walang paalam. Ilang ulit rin niya na sinubukang kausapin ito ngunit wala siyang natanggap na tugon. Hindi pa niya pinutol ang koneksiyon na nilikha niya sa pagitan nila kaya naman labis na ipinagtaka ni Irisha na hindi niya masagap kung saan nagmumula ang enerhiya ni Vio. Hindi niya mahanap ang lokasyon nito gaya ng dati. Si Zefro ang nagsabi na maaring ang paghina niya ang dahilan.

Nag-aalala na siya. At ang pag-aalalang iyon ang lalong nagpapahina sa kanya. Nakumpirma ni Irisha na sa mga sandaling nakataas ang proteksiyon niya sa sarili ay malaya siya sa bangungot. Nararamdaman lang niya ang koneksiyon nila ni Aeisha sa mga sandaling bumababa ang enerhiya niya. Itinuon niya ang buong lakas sa paglikha ng proteksiyon, iyon ang paraan para pansamantala ay maging ligtas ang katawan niya sa mga sensasyong hindi niya nais maramdaman.

Pareho ang naging reaksiyon nina Yshael at Devon—napakunot noo—nang siya ang makita ng dalawa na nakatayo ilang hakbang mula sa puwesto ng mga ito.

"Irisha?" magkapanabay pang sambit ng dalawa. Alam niya kung bakit ganoon ang reaksiyon ng mga ito. Hindi enerhiya ng isang Feeder ang naramdaman ng mga ito sa malapit, ang nakataas niyang proteksiyon ang dahilan.

"Ang itaas ang proteksiyon sa sarili, ito lang ang tanging paraan para pansamantala kong matakasan ang mga bangungot," sabi niya sa mababang tono. "Dobleng enerhiya ang kailangan ko para mapanatiling mataas ang proteksiyon. At sa kalagayan ng puso ko ngayon, kung lagi kong gagawin ito, baka oras-oras ay kailangan kong uminom ng dugo para sa lakas. Hindi ako nagsanay magtiis ng 'gutom' para sa huli ay sumuko rin sa pangangailangan. Kailangang maputol ko ang koneksiyon namin ni Aeisha."

"Ano'ng plano mo?" si Devon ang nagtanong.

"Makipag-ugnayan sa kanya gamit ang isip," sagot niya, habang nagkukulong sa silid ay nag-iisip siya ng mga dapat niyang gawin na solusyon sa problemang kinakaharap niya ngayon. "Kumbinsihin siyang iwan si Drake."

"At hikayatin siyang sumanib sa atin?" si Yshael, sa tono ay hindi gusto ang ideya. "Hindi ako sang-ayon," agad tutol nito. "Dalawang bagay ang ilalantad mo sa gagawin mong 'yan. Ang koneksiyon ninyo na mas malalim pa pala kaysa sa pagkakapareho ng mga mukha, at ang tungkol sa amin. Ilalantad mo kay Drake ang mga hindi niya dapat malaman kapalit ng posibilidad na pumayag si Aeisha? Nakasisiguro ba tayong mababago natin ang isip ng kapatid mong baliw sa pag-ibig niya kay Drake?"

"May isa pang paraan," si Devon naman, "Bihagin si Aeisha at dalhin dito. Magagawa nating putulin ang koneksiyon sa pagitan ninyo gamit ang jara o ang mismong jedum dagger. Kay Catarina nagmula ang ideya na 'yan. Malaki ang kapalit kung gagawin natin ang paraang ito—nawawalan tayo ng espiya sa Crow." Patuloy ni Devon at sinulyapan si Yshael. Lumipat naman kay Ysahel ang mga mata nita.

"Si Gricko ang tanging pinagkakatiwalaan ni Drake pagdating kay Aeisha. Ang bahay kung saan ikinukulong ng hayup si Aiesha, si Gricko lang ang nakakaalam. Sa oras na mawala ang babae, walang babalikan si Drake kundi si Gricko. Naghihinala na si Drake na may traydor sa grupo. Hindi pa oras para maghubad si Gricko ng maskara. Kailangan nating malaman ang mga impormasyon tungkol sa Crow, lalo na ngayon. Tutol ako sa ideya na lumantad si Gricko, hindi pa oras."

"Si Gricko," biglang naisip ni Irisha ang dapat niyang gawin na saglit niyang nalimot dahil sa mga nangyayari. "Alam n'yo bang gaya ni Drake, may babae rin siyang itinatago?"

"Si Dream," sabi ni Yshael. "Inako niya ang responsibilidad. Pinangangalagaan niya pa rin ang babae hanggang ngayon."

"Gusto kong makausap si Dream," sabi niya kay Yshael. "Ipaabot mo kay Gricko."

"Bakit at para saan?"

"Si Dream ay si Marilag, panganay na kapatid ni Xien. Sumama sa grupo ko si Xien kapalit ng pangako kong tutulungan ko siyang buuin ang kanyang pamilya."

Walang reaksiyon ang dalawa. Kung walang pakialam sa mga sinasabi niya o alam na nito ang mga impormasyon kaya wala nang bago ay hindi matiyak ni Irisha.

"Ang bunso nilang kapatid, si Marikit—alam mo ba kung nasaan siya?"

"Sa Maynila," sagot niya. "Pinatakas ni Xien para ilayo sa panganib."

"Hindi mo ba kausapin?" si Devon uli, nagsalubong mga kilay ni Irisha.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Nasa poder rin siya ng isang Feeder, Irisha. Nasa condo unit siya ni Azir."

Napaawang ang mga labi ni Irisha. Kung ganoon ay buo na pala ang pamilya ni Xien? Kailangan na lang niyang pagharap-harapin ang magkakapatid!

"Kakausapin ko si Chef Az."

Katahimikan.

"Nasaan si Vio?"

Tiningnan siya ni Yshael.

"Umalis para ingatan ka," tugon ni Devon. "Ang kahinaan ng puso mo ang nagdadala ng panganib, Irisha. Kung hindi siya lalayo, lalo ninyong bibigyan ng pagkakataon na mas mabuhay ang koneksiyon sa pagitan ninyo ni Aeisha. "

Hindi siya umimik. Hindi na rin sigurado si Irisha kung alin ang mas pipiliin niya: Ang kahinaang dala ng pag-ibig o ang ang kahinaang dala ng pangungulila at bigat sa kanyang dibdib? Pinipilit niyang pangibabawin ang isip, supilin ang puso subalit mas sumisidhi ang bigat sa kanyang dibdib bunga ng distansiyang nararamdaman niya ngayong wala si Vio.

Tuwing sunset, hindi mapigilan ni Irisha na dumungaw sa silid niya at tanawin ang ji'ehria. Ang nakangiting mukha ni Vio ang nakikita niya sa isip. Mas bibigat ang dibdib niya at hindi na mawawala iyon hanggang makatulugan na niya ang pagsisikip ng dibdib.


CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon