Ang Pagsasanay

1.2K 44 0
                                    

DUMATING rin ang araw na hinihintay ni Irisha at ng Liwanag—ang pagsasanay ng triplets kung saan ay kasama silang lima sa mga susubok sa kakayahan ng mga ito. Limang Feeders sa pangunguna ni Pierce ang kalaban nina Devon at Christina. Lima rin, sa pangunguna ni Yshael ang nakapaligid kina Chase at Crystal. At sila, ang limang miyembro ng Liwanag ang nakapaligid kina Crissa at Zefro. Sila ang naatasang palabasin ang tunay na kakayahan ni Crissa at subukan kung hanggang saan na ang kayang ibigay ng dalaga.

Sina Devon, Chase at Zefro—mga lalaking pinakamahalaga sa Treasures ang 'target' ng mga 'kalaban'. Ang tatlong lalaki ang susubukan nilang saktan habang ang Treasures naman ang magtatanggol sa mga ito. Mahigpit ang bilin nina Yshael at Devon—totoong laban ang dapat nilang ibigay.

Sa mga araw na nasa mansiyon na sila ay nagawa na ni Irisha na sanayin ang mga rayos ng Araw. Alam na nina Jadd, Redah, Ruri at Xien ang dapat nilang gawin. Hindi na rin bago sa kanilang lima ang pagsasanib ng mga enerhiya. Madali nilang magagawa ang plano. Siya ang tatanggap ng pinagsama-sama nilang enerhiya. Siya rin ang may kontrol sa lakas o hina ng enerhiya na dapat pakawalan.

Isa-isang sinulyapan ni Irisha ang apat niyang kakampi. Tumango ang bawat daanan ng kanyang mga mata. Sa lima ay si Jadd, na isang kauri ang nagtataglay ng pinakamalakas na enerhiya. Kay Jadd nagtagal ang mga mata niya. Tumango ang lalaki at tumaas ang sulok ng bibig. Sabay-sabay silang kumilos, pumikit at pinagdaop ang mga palad. Ang una nilang gagawin ay isara ang isip. Palayain ang sarili sa lahat ng isipin, at harangin ang pagpasok ng kahit anong tunog sa paligid na maaring sumira ng kanilang konsentrasyon. Naalala ni Irisha na iyon ang bahagi kung saan ay kinailangan niyang tutukan isa-isa ang mga kasamahan. Si Jadd, bilang Mortal Feeder ay mabilis na nagawa ang mga utos niya. Ang tatlong babaeng mortal ang mas kinailangan ng mahabang pagsasanay. Nagbilang sila ng buwan bago nakuha ng mga ito nang tama ang lahat.

Sa kasalukuyan, taglay na ng bawat isang rayos ng Araw ang kakayahan na kailangan nila sa mga ganoong paghaharap. Ang pinagsamang lakas nilang lima ay isang malakas na sandatang magagamit sa kalaban—na sa pagkakataong iyon ay si Crissa.

Handa na kayo?

Narinig ni Irisha sa isip ang boses ng apat na kakampi na tumugon sa tanong niya.

Simulan na natin, ang pag-iipon ng kanya-kanyang enerhiya ang tinutukoy niya. Ang una nilang dapat gawin ay isara ang isip.

Mayamaya pa ay malaya na siya sa lahat ng uri ng tunog. Malalim na katahimikan na ang naririnig ni Irisha. At sa kahimikang iyon ay ramdam na ramdam niya ang unti-unting pag-iisa ng kanilang mga enerhiya.

Dumating na ang tamang oras.

"Ngayon na," pagbibigay ni Irisha ng hudyat sa mga kasama. Hindi man nakikita ng lahat ang Araw—na suot nilang lahat at natatakpan ng kanilang mga damit ay alam ni Irisha na nararamdaman na ng bawat rayos ang init niyon. Hindi basta palamuting kuwintas ang Araw. Palatandaan iyon ng liwanag na isinusulong niya at isa ring proteksiyon para sa sinumang nagsusuot niyon. May taglay na kapangyarihan ang Araw na nabubuhay lang kapag nag-isa ang pisikal na lakas at tatag ng pusong balot ng liwanag. Ang bawat pendant na iyon ay pamana sa kanya ni Imang, na ibinilin nitong ibibigay lang niya sa mga mapipili niyang tapat na kakampi.

Narinig ni Irisha ang pagsinghap si Crissa sa una nilang atake. Bumagsak sa lupa si Zefro. Sa isip ay malinaw niyang nakikita ang anyo ng lalaki—mariing nakapikit at bakas sa anyo ang sakit na tinitiis. Nagtagumpay silang ikulong si Zefro dahil hindi ito nagtangkang lumaban. Alam ng lalaki ang mangyayari. Tatanggapin nito ang lahat ng sakit na ibibigay nila para hayaan si Crissa na gumawa ng desisyon.

Malinaw na narinig ni Irisha ang pag-ungol ni Zefro. Hindi na niya dapat dadagdagan pa ang sakit na dinaranas ng lalaki subalit nanatiling walang ginagawa si Crissa para labanan sila. Ramdam ni Irisha na nalilito ang dalaga, hindi malaman kung lalaban ba o hahayaan na lang silang saktan si Zefro. Hindi siya makapaniwalang nagdadalawang-isip si Crissa na ipagtanggol ang nag-iisang kakampi!

CLUB RED 3: VIO (Sunset And You) Published, 2015. COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon